Tatlong sundalo arestado sa pamamaril sa Mauban!

,

Arestado ang tatlong sundalo ng 59th IB sa Mauban matapos na pagbabarilin ang isang sibiliyan noong Abril 10.

Ayon sa nakuhang ulat, pinagbabaril ng 3 lasing na sundalo ang isang sibilyan sa Brgy. Pulo, bandang alas-9 ng gabi.

Nagsampa ng reklamo ang biktima at kagyat na inaksyunan ito ng mga pulis.

Samantala, kinundena naman ni Ka Cleo del Mundo ng Apolonio Mendoza Command New People’s Army Quezon ang naturang pamamaril.

“Hindi dapat kunsintihin at dapat panagutin ang mga tauhan at opisyal ng 59th IB. Dapat na magbayad-pinsala at palayasin ang mga kampo militar nito hindi lamang sa buong lalawigan kundi sa buong rehiyon. Ang pangyayaring ito ay pagpapakita ng tunay na mukha at anyo ng inihahasik nitong terorismo sa bansa.”

Ayon pa kay del Mundo, ang naganap na pamamaril sa isang sibilyan sa bayan ng Mauban ay isa lamang sa madugong rekord ng 59th IB sa mga Quezonin.

“Huwag nating kalimutan na ang kabilang sa madugong rekord ng 59th IB ang panggagahasa at pagtortyur sa isang menor-de-edad sa Pagbilao noong 2020; pamamaril sa mga mag-asawang Rodel Llames at Jenna Oreviana ng Sityo Maliit ng Balotinao, Barangay San Jose, Macalelon at pagpaslang sa mga magsasaka ng Barangay Taquico, Sampaloc na sina Arnold Buri at George Coronacion noong 2021.”

Nanawagan si del Mundo sa lahat ng nagmamahal ng kapayapaan sa lalawigan na i-reklamo at i-petisyon na palayasin ang mga militar.

“Kailangan nating sama-samang labanan at tutulan ang karahasang militar sa buong lalawigan. Sumama sa mga pagkilos at i-petisyon ang serye ng paglabag sa karapatang pantao ng AFP. Ngayong nalalapit na ang Eleksyon, isama niyo sa inyong kahilingan ang pagpapalayas sa mga kampo-militar sa inyong lugar at pagpapanagot sa mga sundalo. Hangga’t naririyan ang presensya ng mga militar sa Quezon hindi kailanman makakamit ang kapayapaan sa kanayunan at matatahimik ang buhay ng masang magsasaka.” ###

Tatlong sundalo arestado sa pamamaril sa Mauban!
n/a