Tatlong Pinatay ng Militar at Pulis sa Masbate, Mga Sibilyan at Hindi NPA!

Florante Orobia | Spokesperson | NPA-Albay (Santos Binamera Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
September 29, 2020
Share and help us bring this article to more readers.

Nakikiisa ang Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay at ang mamamayang Albayano sa pagkundena sa panibagong pangmamasaker at iligal na pag-aresto na ginawa ng militar at pulis sa mga sibilyan nito lamang Set. 29 sa Brgy. Alas, Mandaon, prubinsya ng Masbate. Taliwas sa ipinalabas ng Joint Task Force Bicolandia na NPA ang naturang mga sibilyan na umano’y napatay sa engkwentro, walang yunit ng NPA ang naroon sa lugar na pinangyarihan ng brutal na pamamaslang.

Ito na ang panlimang kaso ng pampulitikang masaker sa prubinsya ngayong taon, ayon sa Bagong Hukbong Bayan-Masbate, at lahat ng ito ay naganap sa kasagsagan ng pandemyang COVID 19 at kaakibat nitong lockdown. Kabilang sa mga naunang kaso ng masaker ay ang pagpatay sa mga mag-aamang sina Dioniso at Jerome dela Cruz at Danny Boy at Jessie Boy Pepito. Noong Hulyo 5, pinatay din sina Edgar Minggoy, Rolly dela Cruz, Marlon Rojas, lahat pawang mga upisyal ng barangay. Lahat ng ito ay nangyari sa mga lugar na kasalukuyang sumasailalim sa operasyong Retooled Community Service Program (RCSP).

Hindi na iba ang panibagong insidente ng masaker sa marami-rami nang kaso ng istilong-Tokhang nanlaban na mga operasyong sychronized and enhanced management of police operations (SEMPO) laban sa mga magsasaka at pinaghihinalaang suportador ng rebolusyonaryong kilusan. Sinimulan ito sa pamamaslang sa Negros at ngayo’y sinisimulan nang itulak sa prubinsya at sa buong Kabikulan. Magsisilbi ng kwestyonableng warrant mula sa isang hukom upang pagmukhaing lehitimong operasyong pulis. Palalabasing NPA ang mga biktima na nanlaban upang bigyang ligal na tabing ang ekstrahudisyal na pamamaslang. Ganito rin ang ginawa ng 31st IB at PNP sa limang magsasakang pinatay sa Brgy. Dolos, Bulan, Sorsogon noong Mayo 8.

Sa kaso ng tatlong magsasakang pinatay sa Mandaon, inisyu ang warrant ni Judge Arturo Clemente Revil ng RTC Branch 50 na nakabase sa San Jacinto, Masbate. Kung pagbabatayan ang mga naibalita sa midya na mga pang-aaresto at pamamaslang sa umano’y mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan, lahat ng mga inisyung warrant ay nanggaling pawang sa naturang huwes at sangay ng hukuman.

Ang desperasyon ng Joint Task Force Bicolandia para palabasing nagtatagumpay ang gera kontra-mamamayan ni Duterte ang kasalukuyang mukha ng EO 70, MO 32 at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Kabikulan. Paulit-ulit na orkestradong engkwentro, pagsisi sa NPA at pekeng balita ang pinalalabas ng militar at pulis upang pagtakpan ang daan-daang kaso ng pamamaslang at pang-aabuso ng 9th Infantry Division – Phil. Army sa mamamayang Bikolano. Sa higit malaking P16 bilyong pondong ilinaan para sa NTF-ELCAC, asahan ang higit ding matindi na karahasan ng JTFB sa rehiyon.

Kalunus-lunos ang sinasapit ng masang Masbatenyo. Patung-patong nilang pinapasan ang pandemya, ang nagpapatuloy na epekto ng lindol at ang mas matinding delubyong hatid ng militarisasyon. Humigit-kumulang 55 barangay sa naturang prubinsya ang nakapailalim sa operasyong RCSP. Kada buwan ay may naitatalang kaso ng pagpaslang, iligal na pag-aresto, peke at sapilitang pagpapasurender, pang-aagaw ng lupa at iba pang paglabag sa karapatan.

Nananawagan ang Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay sa masang Albayano na suportahan ang pakikibaka ng masang Masbatenyo, higit at hindi malayo ang posibilidad na mangyari ito sa ating prubinsya. Maipapakita natin ang ating pagkakaisa sa paglaban sa atakeng militar ng 49th Infantry Battallion sa ating sariling prubinsya. ##

Tatlong Pinatay ng Militar at Pulis sa Masbate, Mga Sibilyan at Hindi NPA!