Serial Killings sa Panay, Kagagawan ng PNP

Julio Montana | Spokesperson | Panay Regional Operational Command | New People's Army
October 15, 2018
Share and help us bring this article to more readers.

Magmula ng umupo si Chief Superintendent John Bulalacao bilang Regional Director ng PNP halos kada buwan, mula Hunyo 24, 2018, sunod-sunod ang pamamatay ng mga sibilyan na ‘sangkot daw sa druga’. Kung hindi ang mga naka-unipormeng Death Squads na miyembro ng PNP, PDEU, RDEU at PDEA ang may kagagawan, ang mga hindi nakaunipormeng Death Squads na riding in tandem ni Bulalacao naman ang nagsasagawa ng mga pagpatay.

Si Bulalacao lang at ang kanyang mga pulis ang hindi naalarma sa mahigit 20 kaso ng sunod-sunod na mga ekstra-hudisyal na pamamaslang. Isa sa mga pinatay ay si Atty. Edeljulio Romero sa Roxas City, Capiz na dating abogado nang pinatay ding druglord na si Melvin Odicta. Paulit-ulit din ang inutil na palusot ng PNP na umano’y mga isolated cases lamang mga ito at under investigation samantalang walang kahit ni isang suspek man lamang silang naituturo.

Ang katotohanan ay sinungaling si Bulalacao, si Senior Superintendent Marlon Tayaba ng IPPO at ang buong kapulisan sa rehiyon. Ang katotohanan ay mismong ang estado ang may kagagawan ng pamamatay, itinataguyod ito ng berdugong Presidente at ipinapatupad ito sa rehiyon sa direksyon at atas ng punong tuta ni Duterte sa PNP sa pagkatao ng Regional Director mismo.

Para sa impormasyon ng lahat, si John Bulalacao ang PNP Provincial Director sa Bulacan noong 2017 nang pinagpapatay ang 32 ka tao ng kapulisan sa loob ng isang araw lamang mula 12:00am nang Agosto 15 hanggang 12:00am Agosto 16 sa ngalan ng Tokhang. Itong pag-masaker ng mga suspetsado pa lamang, ay pinuri ni Duterte at inudyok pa nito ang kanyang mga bayarang pulis na mabuting sundin ang araw-araw na pagpatay ng 32 suspek (kahit hindi pa napapatunayan) upang malutas ang problema sa druga.

Sa loob ng mahigit dalawang taon nang pamamatay ni Duterte at ng kanyang mga bounty-hunter na mga pulis at militar ay umaabot na sa mahigit 23,000 ang pinatay sa ngalan ng kontra-druga subalit nanatiling druga pa rin daw ang pinaka-problema ng mga mamamayang Pilipino. Samantalang gumagapang na sa kahirapan at nangangamatay na ang mamamayan sa sakit dulot ng gutom at kahirapan, nananatili pa rin na ang walang habas na pamamatay sa ngalan ng kontra-druga, kontra-terorismo, kontra-insurhensiya sa ilalim ng tulak ng US na programang Oplan Kapayapaan, ang solusyon ng kriminal na Presidente at ng kanyang tutang bayaran na pulis at militar.

Lalong nakakapanganib ang kinokondisyon ngayon ng estado na linya ng kaisipang dahil ang pinatay ay mga high-value targets, o kaya ay nasa watch list, o di kaya ay drug surrenderer na bumalik ay okey lang na pinatay sila ng mga death squads na hindi makilala at hindi mahuli-huli ng mga pulis at militar.

Ngunit nakilala si PO1 Melvin Mocoro na syang bumaril kay PO2 Dorben Acap, ang dalawang aktibong miyembro ng Phil Marines na pumatay sa isang retired Philippine Army Captain Joren Bañas at ang pulis intel na si SPO4 Rene Matulac na positibong itinuro ng pamilya ng pinatay na si Brgy Tanod Niel Resma. Ano ang aksyon ni Bulalacao nito?

Walang aksyon si Bulalacao dahil siya mismo ang may pasimuno nang walang habas na mga pagpatay sa lahat ng mga probinsya ng Panay at mga syudad ng Iloilo at Roxas. Siya ang pinakamasugid na tagapagpatupad ni Duterte nang walang-konsensya at brutal na mga pamamaslang, ala Marcos at ala Hitler upang kontrolin ang takot at isipan ng mamamayan.

Ngunit hindi ito tatagal, lahat ng pasistang paghahari ay may katapusan. Hindi ito magtatagal dahil ang mamamayan mismo ang mag-aalsa laban sa diktadurya at tiraniya. Higit sa lahat, nandyan ang New People’s Army na syang matatakbuhan ng mamamayan, nakikipaglaban para sa kanilang karapatan at dudurog sa kaaway ng masa.

Serial Killings sa Panay, Kagagawan ng PNP