Rebyu ng DOJ, Pakitang Tao’t Pakanang Pag-abswelto sa Krimen ni Duterte sa madugong gera kontra-droga!

,

Mariing kinukondena ng NDFP-ST ang lantarang pag-abswelto ng Department of Justice (DOJ) kay Duterte at sa iba pang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa anumang pagkakasala at pananagutan sa nagaganap na walang humpay, madugo at huwad na kampanya kontra-droga na ipinatutupad ng rehimen noong Hulyo 2016 hanggang kasalukuyan.

Kinakasangkapan ngayon ng DOJ ang ginawa nitong rebyu sa 52 kasong isinumite sa kanila ng Internal Affair Services ng PNP (IAS-PNP) para ilayo at palitawing walang anumang pananagutan sa batas si Duterte at mga matataas na opisyal ng PNP, AFP at PDEA kaugnay sa madugong kampanya kontra iligal na droga. Nililinlang ang taumbayan at pinalilitaw ng DOJ, sa kanilang isinagawang rebyu, na sariling kilos ng mga nakabababang opisyal ng PNP ang mga pagpatay at sila na rin ang nag-imbento ng kwentong “nanlaban” para bigyan ng katuwiran ang kanilang pagpatay sa mga suspetsadong adik at tulak ng iligal na droga.

Napakabihirang mangyari para sa isang opisyal ng gubyerno na katulad ni Secretary Guevarra ng DOJ na ididiin ang kanyang among si Duterte sa mga nangyaring krimen at kabi-kabilang pagpatay sa konteksto ng patakarang “kill, kill, kill” ng rehimeng Duterte na gera kontra-droga. Dapat magbitiw si Secretary Guevarra dahil sa kabiguang isiwalat ang katotohanan at ipagkaloob sa mga biktima ang mailap na hustisya.

Tulad ng inaasahan, nangako lamang ang DOJ na kanilang sasampahan ng kasong kriminal ang 154 na mga kagawad ng PNP na sangkot sa 52 piniling kaso (na nauna nang nadesisyunan ng Internal Affairs Service ng PNP) na kanilang isinailalim sa rebyu. Itinatago pa ng DOJ ang mga pangalan ng 154 mga kagawad ng PNP na imbwelto sa kaso dahil sa pagsunod diumano sa ‘tamang proseso ng batas’. Masyado na ngang huli ang imbestigasyon, napakaliit pa ang 52 na kasong ipinailalim ng DOJ sa rebyu kumpara sa mismong opisyal na datos ng gubyerno na pinaslang dahil diumanong nanlaban o katumbas lamang ng 0.8% ng mahigit sa 6,000 na pinatay sa gera kontra-droga. Lalong napakaliit na porsyento nito kung ihahambing sa datos na naisadokumento ng mga organisasyon sa karapatang pantao na nasa 27,000-30,000 ang napapatay ng mga pulis at militar at mga grupong vigilante na pinatatakbo din ng PNP at AFP.

Labis ang pagkagalit ng pamilya ng mga biktima nang malaman nilang pawang mga kasong administratibo at walang kasong kriminal ang kinaharap ng 154 na mga kagawad ng PNP sa kabila na ang mga kasong kanilang kinasangkutan ay mga pagpatay. Sa isinumiteng ulat ng IAS-PNP sa DOJ, sa 52 kaso, 8 ang tinanggal sa serbisyo, 35 ang nasuspinde sa pagitan ng 30 araw at 180 araw samantalang ang natitira ay nakatanggap lamang ng demosyon. May isang kaso na ang parusa na iginawad ng IAS-PNP ay mahigpit na pangaral.

Malinaw na isa lamang palabas at gimik ng pasistang rehimeng US-Duterte ang ginawang rebyu ng DOJ. Wala itong intensyon na halungkatin ang puno’t dulo ng mga pagpatay ni papanagutin ang matataas na upisyal ng PNP at gubyerno sa mga karumal-dumal na pagpatay bilang patakaran ng estado. Pawang mga karaniwan at mabababang opisyal ng PNP lamang ang pabalat-bungang isinailalim sa imbestigasyon at pag-uusig kaugnay sa mga nagawang paglabag at krimen habang ipinapatupad ang gera kontra-droga ng gubyerno. Subalit, imbes na agarang sampahan ng DOJ ng kasong kriminal ang 154 na pulis, inatasan pa nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa panibagong imbestigasyon para patibayin ang kaso samantalang walong buwan na lang ang nalalabi sa termino ni Duterte.

Sinasamantala ngayon ng pasistang rehimen Duterte ang ginawang rebyu ng DOJ, kahit malinaw na kulang sa lawak, lalim at pagiging komrehensibo ng imbestigasyon, upang itambol at palabasin na “gumagana ang sistema ng batas ng Pilipinas” at seryosong pinapanagot nito ang mga nagkakasala. Nagpapakitang gilas ang DOJ na tinutupad ng gubyerno ang resolusyon ng United Nation Human Rights Council (UNHRC) kaugnay sa gera kontra-droga ng gubyernong Duterte.

Kung matatandaan, nauna nang pinuna ng UNHRC ang malawakang paglabag ng gubyernong Duterte sa karapatang pantao at mga pagpatay sa pinatutupad nitong gera kontra-droga sa bansa. Ganumpaman, ang mga resolusyon ng UNHRC ay kapos, walang pwersa at taliwas sa ninanais ng pamilya ng mga biktima at mga grupo sa karapatang pantao na magsagawa ang UNHRC ng hiwalay at independenteng imbestigasyon kaugnay sa pinatutupad na kampanya kontra-droga ng rehimeng Duterte.

Ginagamit ngayong bala ng rehimeng Duterte ang ginawang rebyu ng DOJ para ipangalandakan sa publiko na walang dahilan at hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) na siya’y ipailalim sa imbestigasyon kaugnay sa kanyang kasong krimen laban sa sangkatauhan na nakasampa sa ICC dahil sa gumagana naman ang sistema ng batas at hustisya sa bansa. Kung matatandaan, noong Setyembre 2021, nagpasya ang Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (PTC-ICC) na magsagawa ng kumprehensibong imbestigasyon sa gubyernong Duterte. Kinatigan ng PTC-ICC ang rekomendasyon ng opisina ng dating Prosecutor na si Atty. Fatou Bensouda na pagkalooban sila otoridad para isagawa ang kasunod na yugto na komprehensibong imbestigasyon matapos ang kanilang isinagawang paunang imbestigasyon kung saan narating nila ang kongklusyon na may “rasonableng batayan para paniwalaan na nakagawa ng krimen laban sa sangkatauhan na maramihang pagpatay” sina Duterte at iba pang matataas na opisyal ng kanyang gubyerno sa konteksto ng pinapatupad nitong kampanya kontra-droga.

Hindi dapat magpalinlang sa hayagang maniobra ni Duterte na ilayo at ihiwalay ang sarili sa anumang pananagutan niya sa madugong gera kontra-droga. Si Duterte at wala ng iba ang utak at nasa likod ng malawakan at sistematikong pagpatay sa mga pinaparatangan nilang mga adik at tulak ng iligal na droga mula sa hanay ng mga mahihirap nating kababayan. Si Duterte din ang pangunahing utak ng mga pagpatay o extra judicial killings (ejk’s) laban sa mga aktibista, mga lider at kasapi ng progresibong organisasyon, mga tagapagtanggol sa karapatang pantao, mga abugado, taong simbahan, dyornalista at iba pang kritiko ng gubyerno. Ang kanyang mga pahayag, retoriko at mga atas na kill kill kill sa harap ng publiko ay patunay na binibigyan niya ng pahintulot at lisensya ang mga pulis at sundalo na walang pananagutang pumatay sa mga suspek na adik at tulak ng iligal na droga at mga pinararatangan nilang kaaway ng estado mula sa nakikibakang mamamayang PIlipino.
Walang takot at lalong lumakas ang loob ng mga kagawad ng PNP at AFP na gumawa ng mga paglabag sa karapatang pantao, mga karumal-dumal na krimen at pagpatay sa mga inosente at walang laban nating kababayan dahil na rin at pang-uupat, tinatamong suporta at pagkagahaman ng PNP at AFP sa kinang ng pabuyang salapi at promosyon mula kay Duterte.

Matapang na ipinahayag ni Duterte sa publiko na kanyang ipagtatanggol ang sinumang makakasuhan na mga kagawad ng PNP at AFP na tumutupad sa kanyang mga kautusan na kill kill kill. Nangako din si Duterte na agaran niyang pagkakalooban ng presidential pardon ang mga kagawad ng PNP at AFP na mapapatunayan ng Korte na nagkasala kaugnay sa pagtupad nila ng kanyang kriminal na mga kautusan. Dahil dito lalong naging malawak at malaganap, sa panahon ni Duterte, ang impyunidad at kultura ng karahasan at pagpatay mula sa hanay ng mersenaryong PNP at AFP laban sa mamamayang Pilipino. Ang inabot na tindi at lawak ng karahasan at impyunidad ng PNP at AFP ay maihahalintulad sa nangyari noong panahon ng Batas Militar ng namayapang diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Kailangang mapanagot at maparusahan si Duterte at mga kasapakat sa kanyang nagawang krimen laban sa sangkatauhan ng mga pagpatay. Dapat nating hadlangan at biguin ang pagnanais niyang makapanatili sa kapangyarihan o mailuklok sa poder alinman sa kanyang anak na si Sara Duterte at Bongbong Marcos para makaiwas sa pag-uusig ng ICC at taumbayan kapag wala na siya sa kapangyarihan. Kasado na ang mga makinarya at salaping nadambong ni Duterte para gamitin sa dayaan at manipulasyon ng eleskyong presidensyal sa Mayo 2022. Lima sa pitong komisyoner ng COMELEC ay mga itinalaga ni Duterte kung saan apat sa mga ito ay mula sa Davao City. May balitang itatalaga ni Duterte si Atty Melvin Matibag, na bahagi ng kanyang paksyon sa PDP-Laban, bilang Chairman ng COMELEC pagsapit ng buwan ng Pebrero 2022 kung saan 2 komisyoner nito ang magtatapos ng kanilang termino. Malinaw na magiging kasangkapan ni Duterte ang COMELEC sa pandaraya para manalo ang kanyang mamanukin sa pagkapangulo.

Ang lakas at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino ang makadadaig sa anumang lakas o rekurso na mayroon ang pasistang rehimeng US-Duterte para makapanatili sa kapangyarihan o mailuklok sa Malacañang ang taong magbibigay sa kanya ng proteksyon mula sa pag-uusig ng taumbayan at ICC. Dapat patuloy na magpunyagi ang sambayanang Pilipino sa pakikibaka at paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte para siya’y mapatalsik sa kapangyarihan. Higit sa lahat dapat maramihang sumapi sa NPA at lumahok sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang tagumpay ng DRB ang magbibigay ng katuparan sa malaon nang hangarin ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at demokrasya, sa matagalang kapayapaan at sa maunlad at masaganang buhay ng bawat mamamayang PIlipino.###

Rebyu ng DOJ, Pakitang Tao’t Pakanang Pag-abswelto sa Krimen ni Duterte sa madugong gera kontra-droga!
n/a