Papanagutin si Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan at sangkatauhan!

Patnubay de Guia | Spokesperson | NDF-Southern Tagalog | National Democratic Front of the Philippines
June 15, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Malugod na pinupuri ng NDFP-ST, kaisa ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang kahilingan ni Prosecutor Fatou Bensouda ng International Criminal Court (ICC) sa Pre-Trial Chamber (PTC) na pagkalooban ng otoridad ang kanyang opisina na imbestigahan ang gubyernong Duterte sa mga krimen laban sa sangkatauhan (crimes against humanity) sa proseso ng pagpapatupad sa Pilipinas ng gyera laban sa iligal na droga.

Sa panig ng NDFP-ST, positibo ang naturang hakbang ni Prosecutor Bensouda na usigin at papanagutin si Duterte at mga kasapakat sa kanilang mga nagawang krimen laban sa sangkatauhan. Tinitingnan ito ng NDFP bilang mahalagang pag-unlad sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino, sa loob at labas ng bansa upang magkaroon ng hustisya ang libo-libong biktima ng walang habas na pamamaslang ng pwersang panseguridad ng estado na personal na binabasbasan ni Duterte at mga pasistang kasapakat. Hatid nito ang kagalakan sa sambayanang Pilipino, lalo sa pamilya ng mga naging biktima ng madugong kampanyang kontra-droga ni Duterte. Dahil sa makasaysayang desisyon na ito ni Prosecutor Bensouda, pinagkalooban niya ng pag-asa ang libu-libong pamilya na makakamit din nila ang matagal na nilang inaasam na hustisya para sa kanilang mga kaanak na biktima ng madugo at pekeng kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga.

Pinatunayan din ng desisyong ito ni Prosecutor Bensouda na saklaw at nasa hurisdiksyon ng ICC ang kaso laban sa mamamatay-taong rehimen ni Duterte sa kabila ng pagbaluktot ng Malacañang na nawalan na ng hurisdiksyon ang ICC matapos kumalas ang Pilipinas noong Marso 2018 sa Rome Statute ng 2002 na lumikha sa ICC subalit nagkabisa lamang makalipas ang isang taon.

Hindi maaaring tumungo sa kasunod na yugto ng imbestigasyon ang opisina ng Prosecutor kung walang pahintulot ng Pre Trial Chamber. Kung babalikan, noong Disyembre 2020, resulta ng kanilang isinagawang paunang pagsusuri (prelimanary examinations), ipinahayag ni Prosecutor Bensouda na may rasonableng batayan para paniwalaan na nakagawa ang gubyernong Duterte ng krimen laban sa sangkatauhan sa daloy ng gyera kontra-droga na ipinatutupad nito sa bansa. Sa bahagi ni Prosecutor Bensouda, sa kanyang naging ulat sa ICC, kailangang imbestigahan si Duterte sa mga nagawa nitong krimen laban sa sangkatauhan noong mga panahon na siya ay alkalde at bise alkalde ng Davao City mula 2011 hanggang 2016 at noong maging Pangulo siya ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) mula Hulyo 2016 hanggang sa maging epektibo o may bisa ang pagkalas ng bansa sa ICC noong Marso 17, 2019.

Batay sa resulta ng isininagawang preliminaryong eksaminasyon, sa 57 pahinang ulat na isinumite niya sa Pre Trial Chamber, narating ni Prosecutor Bensouda ang kongklusyon na ang mga pagpatay o extra judicial killings (ejk’s) sa bansa kaugnay sa war on drugs ng rehimeng Duterte ay lumilitaw na isinagawa alinsunod sa opisyal na patakaran ng estado. Bukod kay Duterte, kabilang sa pinangalanan sa ulat ni Bensouda sina Gen (ret) Bato dela Rosa, ang arkitekto ng Oplan Tokhang at Double Barrel, at dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.

Ang mga pulis at iba pang opisyal ng gubyerno ang nagplano, nag-utos at minsan direktang nagsagawa ng ejk’s. Pinagkakalooban ng pabuya ang mga opisyal ng pulis at mga vigilantes na nagsasagawa ng ejks. Ayon din kay Bb. Bensouda, ang mga pampublikong pahayag ng pinakamatataas na opisyal ng bansa na sumusuporta at nag-eenganyo ng extra judicial killings ay lumikha ng kultura ng impyunidad sa hanay ng mga ahente at pwersang panseguridad ng estado.

Nais din ni Prosecutor Bensouda na imbestigahan ang serye ng mga patayan sa Davao City noong 2011 hanggang 2016 na isinagawa ng Davao Death Squad (DDS) sa utos ng nuo’y si Mayor Rodrigo Roa Duterte. May nakikitang padron at pagkakahalintulad si Bb. Bensouda sa mga nangyaring patayan sa Kalakhang Maynila mula sa mga operasyon ng PNP kontra-droga sa mga nangyari din sa Davao City at Davao Region sa nakaraan. Ang mga kontrobersyal na mga opisyal mula sa PNP na mula sa Davao City at Davao Region ang siya ring mga nanguna sa kampanya kontra-droga sa Kalakhang Maynila kung saan sumirit at naging malaganap ang mga pagpatay sa mga hinihinalang adik at tulak ng droga na kahalintulad sa nangyari sa Davao City at Davao Region noong 1988 hanggang 2016, ayon sa ulat ni Prosecutor Bensouda.

Kung babalikan, ang mga serye ng misteryosong pagkamatay ng mga pinaghihinalaang tulak, adik at mga komon na kriminal sa Davao City ay minsan nang pinaimbestigahan ni Senador Leila de Lima na noon ay Chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) bago pa siya italaga ni President Benigno Noynoy Aquino III bilang Kalihim ng DOJ. Ang pag-iimbestiga ni Senador de Lima sa mga paglabag sa karapatang pantao at mga kasong ejk’s na pinaniniwalaang ginawa ng Davao Death Squad ni Duterte ang siyang pangunahing dahilan kung bakit nakakulong ngayon si Senador de Lima. Sinampahan siya ng mga gawa-gawang kasong may kaugnayan sa iligal na droga ng gubyernong Duterte matapos itong manalo sa pagkapangulo noong Mayo 2016.

Nagtatapos ang termino ni Bb. Prosecutor Fatou Bensouda ngayong Hunyo 15, 2021 at nakatakda siyang palitan ni Atty. Karim Khan ng United Kingdom. Umaasang ipatutupad ni Atty Karim Khan ang pag-uusig kay Duterte at iba pang matataas na opisyal ng kanyang gubyerno sakaling aprubahan ng Pre Trial Chamber ang kahilingan ni Bb. Bensouda na ipailalim sa full-blown investigation ng ICC si Duterte. Kung matatandaan, matapos ipahayag ni Prosecutor Bensouda noong Pebrero 2018 na magsasagawa sila ng “preliminary examination” sa posibleng krimen laban sa sangkatauhan (crimes against humanity) na nagawa ni Duterte sa pinatutupad na madugong kampanya kontra iligal na droga, agarang ipinahayag ni Duterte noong Marso 2018 ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng 2002 na lumikha sa ICC. Inakala ni Duterte na sa pagkalas ay ICC ng Pilipinas, mawawalan na ng hurisdiksyon ang ICC na siya’y ipailalim sa imbestigasyon dahil hindi na kabilang ang bansa sa kasunduan sa Rome Statute. Subalit iginigit pa rin ni prosecutor Bensouda na nananatiling may huridiksyon ang ICC kay Duterte dahil ang paratang na krimen at isinampang kaso laban sa kanya ay nangyari sa panahon na kabilang pa ang Pilipinas sa Rome Statute of 2002 bilang isa sa mga bansang lumagda nito. Dagdag pa ni Bb. Bensouda na magiging epektibo lamang ang pagkalas ng isang bansa bilang kasapi ng ICC makalipas ang isang taon mula sa araw na pormal itong nagpahayag ng pagkalas. Samakatuwid, nagkabisa lamang ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019.

Sa layuning makapaglinlang sa publiko at maisalba ang kriminal na si Duterte sa kanyang mga pananagutan, pinalilitaw ng mga alipuris ni Duterte na hindi balido ang pagsapi ng Pilipinas sa Rome Statute na lumikha sa ICC noong 2002 dahil hindi ito nailathala sa Official Gazette at mga pahayagan na rekisito para maging opisyal na tratado ang pagsali ng Pilipinas sa ICC. Itinatatwa din ng Malacañang na hindi ito isang tratado kundi isang executive agreement sa kabila na may ginawang pagsang-ayon ang Senado noong 2002 sa pagpasok ng Pilipinas sa kasunduan sa Rome Statute. Nagpahayag din ang Malacañang na kailanman ay hindi makakapasok sa bansa ang mga kinatawan at prosecutor ng ICC sakaling maaprubahan ang kahilingan ni Prosecutor Bensouda na isailalim sa imbestigasyon si Duterte at iba pang matataas na opisyal na sangkot sa krimen laban sa sangkatauhan. Mayabang pang sinabi ng Malacañang na hindi makikipagtulungan si Duterte hanggat siya’y nanatiling pangulo ng bansa.

Aprubahan man o hindi ng Pre-Trial Chamber ang kahilingan ni Prosecutor Bensouda na isagawa ang malalim at komprehensibong imbestigasyon sa paratang kay Duterte sa nagawang krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng madugong gyera kontra-droga, magpapatuloy at hindi maglulubay ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng rehiyon sa paghahananap ng paraan para makamit ang katarungan ng mga naging biktima ng karahasan at terorismo ng pasistang rehimeng US-Duterte. Patuloy itong maghahanap ng paraan at pagkakataaon para singilin at pagbayarin nang mahal ang mga mersenaryong AFP at PNP na pangunahing instrumento ng karahasan at terorismo ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa mamamayang Pilipino.

Ang NDFP-ST ay mahigpit na kaisa at sinusuportahan ang mga pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa paghahabol at pagpapanagot kay Duterte at mga alipuris sa mga nagawa nitong karumal-dumal na krimen sa bayan, hindi lamang sa gyera kontra-droga kundi higit sa lahat sa pinapatupad nitong kontra-rebolusyonaryong digma sa CPP-NPA-NDFP at nakikibakang mamamayang Pilipino.

Dumadagundong ang panawagawan ng sambayanang Pilipino para sa katarungan sa lahat ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen ni Duterte at ng mersenaryo at teroristang tropa nitong AFP at PNP. ###

Papanagutin si Duterte sa kanyang mga krimen sa bayan at sangkatauhan!