Panagutin si Alfonso Cusi sa kanyang mga kasalanan laban sa mga Mindoreño at sambayanang Pilipino

,

Dapat na ilantad ang mga kasamaan at kriminal na pananagutan ni Alfonso Cusi sa mamamayang Mindoreño bilang isa sa pangunahing utusang aso, tuta at masugid na tagapagpatupad sa mga anti-mamamayang palisiya at tagapangalaga sa mga pang-ekonomya at politikal na interes ng papet, kriminal, terorista at tiranikong rehimeng US-Duterte.

Si Cusi ay myembro ng gabinete ng tiranikong rehimeng Duterte bilang sekretaryo ng departamento sa enerhiya at mga natural na rekurso ng Pilipinas. Naging malaki ang kanyang papel sa pagkakahati ng dating PDP-Laban na partidong binuo ng mga anti-Marcos na mga grupo tulad ni dating Senador Nene Pimentel. Iniluklok ni Duterte si Cusi bilang tsirman ng PDP-Laban-Cusi paksyon habang patuloy na iginigiit naman ng grupong Pacquiao-Coco Pimentel na sila ang orihinal na PDP-Laban. Anuman ang naging sigalot sa loob ng PDP-Laban, saksi ang publiko sa mga panloob na kaguluhan at iskemang patraidor ng Cusi-Duterte tandem sa kaganapang ito.

Hindi lamang sa pagkakahati ng PDP-Laban nasangkot si Cusi, nalantad rin siyang nasa likod ng kwestyonableng pagbebenta ng Malampaya Gas Project sa pribadong entidad na kroni ni Duterte na si Dennis Uy. Si Uy ay taga-Davao na malapit sa pamilyang Duterte na noong 2019, matapos ang tatlong taong paghahari ni Duterte ay napabilang sa listahan ng Forbes Magazine bilang isa sa mga pinakamayayaman sa buong daigdig. Diumano si Uy ang may-ari ng Udenna Corporation na nasa likod ng Dito Telecommunications, ang ikatlong kompanya ng telekomunikasyon (telco) sa Pilipinas. Itinatag din ni Uy ang Phoenix Petroleum noong 2002 na mabilis na nagpalaki ng kanyang negosyo. Ito ang pinalalabas niya na ginamit na kapital upang bilhin ang 40% shares ng Chevron at Shell sa Malampaya Gas Project na maanomalyang inaprobahan at isinara ng liderato ni Cusi ng departamento sa enerhiya. Sa pagkontrol ni Uy sa Chevron Malampaya at SPEX, aabot na sa 90% ang hawak nito sa Malampaya Gas-to-power project habang 10% na lamang ang natitira sa Philippine National Oil Company.

Malakas ang hinala na si Uy ay dummy lamang ng mga monopolyo kapitalistang Tsino at ang pagbili sa Malampaya Gas Project ay karugtong ng mga tusong pakana ng imperyalistang China na dambungin ang tinatayang 11 bilyong bariles ng langis at 190 trilyong cubic feet ng natural gas na matatagpuan sa kinakamkam nitong mga isla’t karagatang sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Si Duterte ang pangunahing bentador habang si Cusi ang utusang aso para isakatuparan ang kataksilang ito laban sa sambayanang Pilipino.

Sa MIMAROPA hinirang ng tiranikong rehimen si Cusi bilang tsirman ng Regional Task Force To End Local Communist Armed Conflict (RTF-Elcac) at itinakdang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) sa MIMAROPA na parehong kontra-rebolusyonaryong programa laban sa mamamayan at rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro. Buong lupit na Ipinatupad nito sa Mindoro ang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at Baranggay Development Program (BDP) na kilalang malaking palabigasan ng mga opisyal militar at mga opisyal sa gobyerno. Habang nagsasaad ng P65 libo sa bawat sumusuko na NPA at P20 milyon sa bawat pamayanan/baranggay na minarkahan nilang “cleared” sa rebolusyonaryong kilusan, nanatiling sadlak sa kahirapan ang mga naiimbwelto rito, at nabubusog naman ang bulsa ng mga nagpapatupad ng mga huwad na programang ito. Malinaw ang malaking pananagutan ni Cusi sa maraming kaso ng pwersahan at pekeng pagpapasuko dito sa isla.

Higit pa rito, bilang pinuno ng RTF-ELCAC at CORDS sa rehiyon may pananagutan din si Cusi sa mga naganap na pambobomba, aerial strafing, at panganganyon sa mga pamayanan, laluna sa lugar ng mga katutubong Mangyan at magsasaka sa mga hangganang bahagi ng dalawang probinsya ng Mindoro. Walang pakundangang nilalabag ng mga berdugong pwersa nila Cusi ang mga karapatang-tao—iligal na pagdakip, interogasyon at detensyon, tortyur, extra-judicial killings o pamamaslang, panununog ng kabahayan sa dudang hinihimpilan ng mga NPA, red-tagging at marami pang mga kaso na ang biktima ay mga Mindoreño. Mula 2019 hanggang 2021, sa loob ng tatlong taong pananalasa ng kanilang gera laban sa bayan umaabot sa 126 libong mamamayan ng Mindoro ang dumanas ng labis na kalupitan at kahirapan dulot ng walang-habas na mga operasyong militar ng mga pasista.

Sangkot rin si Cusi sa kaso ng pangangamkam sa lupaing ninuno ng mga pambansang minoryang Mangyan sa Brgy. Cabalwa, bayan ng Mansalay kung saan naging kasabwat naman niya ang kilalang pamilyang panginoong maylupa na may malawak na monopolyo sa lupa. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang hustisya para sa mga magsasakang inagawan ng lupa.

Ipinapahayag ng NDFP-Mindoro ang pinakamataas na pagkundena kay Cusi sa kanyang mga kasalanan sa sambayanang Pilipino at mga Mindoreño. Dapat siyang itakwil at ideklarang PERSONA NON-GRATA ng mamamayang Mindoreño. Kasama ng kanyang kriminal na among si Duterte dapat silang patalsikin sa kapangyarihan. Dapat silang isakdal, arestuhin at ikulong sa loob ng bansa, maging sa International Criminal Court. Titiyakin naman ng rebolusyonaryong kilusan na magkakamit ng hustisya ang mga biktima ng kanyang krimen laban sa sambayanang Pilipino.###

Panagutin si Alfonso Cusi sa kanyang mga kasalanan laban sa mga Mindoreño at sambayanang Pilipino
n/a