Mula sa mga isla ng Catanduanes at Masbate hanggang mainland Bikol, dumadagundong ang mga taktikal na opensiba ng Pulang hukbo

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nagbunyi ang masang Bikolano sa panibagong mga taktikal na opensiba ng Pulang hukbo sa rehiyon. Nitong Pebrero 1, inambus ng Nerissa San Juan Command BHB-Catanduanes ang isang tim ng intelligence operatives ng San Miguel MPS at Catanduanes 1st PMFC sa So. Tucao, Brgy. GMA, San Miguel. Nakasamsam ang mga kasama ng dalawang cal. 38, isang Beretta 9mm at iba pang kagamitang militar. Napaslang din ang team leader na si Police Sr. MSgt. Johnny Tiston.

Noong Enero 28 naman, tatlo ang napaslang habang lima ang sugatan sa matagumpay ding ambus na isinagawa ng Jose Rapsing Command – BHB Masbate laban sa target na 12 tropa ng reaksyunaryong gubyerno sa Brgy. Recodo, bayan ng Cawayan, Masbate.

Samantala, Enero 23, tinambangan ng yunit ng Tomas Pilapil Command BHB-East Camarines Sur ang tim ng 83rd IBPA-Charlie Coy sa Brgy. Pinamihagan, Lagonoy. Nakasamsam ng isang military pack na naglalaman ng 10 powerbank at iba pang gamit militar. Gayundin, nasugatan ang dalawang elemento ng kaaway.

Nitong Disyembre, walong taktikal na opensiba rin ang matagumpay na naisagawa ng mga yunit ng Celso Minguez Command-BHB Sorsogon, Santos Binamera Command-BHB Albay at Jose Rapsing Command-BHB Masbate sa mga bayan ng Daraga, Camalig at Legazpi City sa Albay, Pilar sa Sorsogon at Esperanza sa Masbate. Pinabubulaanan ng sunud-sunod na tagumpay na ito ng Pulang hukbo ang ipinagyayabang ng kaaway na pagkadurog umano ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol. Nagkakasya na lamang ang militar sa pagpapakalat ng mga pekeng balita at paglulunsad ng mga enggrandeng pursuit operation na palagian din namang binibigo ng Pulang hukbo.

Sa ambus sa Catanduanes, sadyang pabagu-bago ang impormasyong ilinalabas ng kaaway upang ipagkait ang pampulitikang ganansya sa mga kasama. Mayroong peke at kagila-gilalas na ulat na ilinibot pa umano sakay ng motor ang bangkay ni PSMSgt. Tiston. Mayroon ding isa pang nagsasabing dinukot ng mga kasama ang tatlong tumalilis na pulis. Mga linubid na kasinungalingang nagtatangka lamang na dungisan ang mahusay na rekord ng Pulang hukbo sa pagrespeto sa batas ng digma at karapatang tao. Malinaw sa masa na ang berdugong AFP-PNP, at hindi ang NPA, ang tunay na banta sa buhay at kabuhayan nila.

Ang tunay pa ngang pinagtakhan ng publiko sa naturang insidente ay kung bakit may dalang cal. 38 ang naturang mga police operatives gayong hindi ito ang standard issue sa kanilang hanay. Napakalaki ng posibilidad na naharang ng mga kasama ang naturang mga pulis bago sila makarating sa kanilang sunod na target paslangin sa tabing ng nanlaban-patay na modus operandi at ang mga baril ay gagamitin upang itanim muli sa biktima gaya ng karaniwan na nilang ginagawa.

Sa aksyong militar naman sa Lagonoy, malaking kabalintunaang iginigiit ng militar na nabura na nila ang presensya ng Pulang hukbo ngunit kinailangan pa nilang kagyat na magpadala ng pangsuportang dalawang attack helicopter. Tumataginting na P238,524 ang ginagastos sa isang oras na pagpapalipad ng isang Black Hawk helicopter na karaniwang ginagamit ng Joint Task Force Bicolandia sa kanilang mga aerial mission.

Sa huli, magkano man ang halagang lustayin at anuman ang gawin ng mga berdugo, hindi nila kailanman mapipigil ang paninindigan ng mamamayan na lumaban at ipagtanggol ang kanilang makauring interes. Paulit-ulit lamang silang bibiguin ng Pulang hukbo at ng malawak na hanay ng masang inaapi at pinagsasamantalahan. Marapat nilang tandaan ang batas ng digma at aral sa napakarami nang karanasan sa buong daigdig – ang tao, at hindi mga bagay, ang mapagpasya. Hanggat wala ang kaaway ng mamamayan sa panig ng katwiran at ng nakararami, hindi nila kailanman maaasahan ang tagumpay.#

Mula sa mga isla ng Catanduanes at Masbate hanggang mainland Bikol, dumadagundong ang mga taktikal na opensiba ng Pulang hukbo
n/a