Militanteng ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan! Singilin ang inutil, pabaya, pahirap, pasista at anti-kababaihang rehimeng US-Duterte!

,

Isang rebolusyunaryo at taas-kamaong saludo sa lahat ng mga kababaihan ang ipinaaabot ng Revolutionary Council of Trade Union (RCTU-NDF-ST) sa pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng mga kababaihan! Makasaysayang pakikibaka ng mga kababaihan, laluna ang mga kababaihang anakpawis sa paghulagpos sa iba’t ibang tipo ng pang-aapi’t pagsasamantala sa kanyang uri at pinakabuod ng pagdiriwang tuwing Marso 8 mula sa kauna-unahang pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng kababaihan noong 1911. Itinulak ng mga serye ng pakikibakang inilunsad ng mga kababaihan sa iba’t-ibang panig ng daigdig ang United Nations General Assembly noong 1977 upang kilalanin ang Marso 8 bilang pandaigdigang araw ng mga kababaihan.

Noong Marso 8, 1908, nagmartsa ang may 15,000 kababaihan sa New York, USA para ipaglaban ang maikling oras ng paggawa, dagdag sahod at karapatang bumoto. Samantala, noong 1910, sa pagpupulong ng International Conference of Socialist Women ay pinagkaisahan ng mahigit sa 100 kinatawan ng mga kababaihan mula sa 17 bansa ang pagdiriwang ng International Women’s Day tuwing Marso 8. Malaki din ang naiambag ng mga kababaihan sa Rusya para mapabagsak ang dinastiyang Tsar sa mga malalaking pagkilos ng mga kababaihan simula noong 1913-1917 na binigyan ng mataas na pagkilala matapos magtagumpay ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre at maitatag ang kauna-unahang sosyalistang estado sa daigdig.

Sa Pilipinas, sa pangunguna ng mga kababaihan mula sa panggitnang uri, itinayo noong 1905 ang Asociacion Feminista de Filipinas bilang unang organisasyong peminista na nakatuon lamang sa pakikibaka para sa isyung panlipunan gaya ng maternal at child care at gambling. Makalipas ang ilang dekada, sa kauna-unahang pagkakataon, ipinagdiwang ang International Women’s Day sa bansa noong Marso 8, 1971 laban sa tumitinding kahirapan na pinangunahan ng MAKIBAKA (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan) at ng Katipunan (Katipunan ng Bagong Kababaihan).Nilahukan ito ng mga kababaihang anakpawis, intelektwal at propesyunal.

Dahil sa pagdedeklara ni Marcos ng malagim na Martial Law, daglian nitong ipinagbawal ang pagdaraos ng mga protesta. Ang mga aktibista at organisador ng iba’t ibang legal na organisasyon ay humarap sa matinding panunupil, iligal na pang-aaresto at pagpaslang kaya naman napilitan na mag-underground ang MAKIBAKA. Bahagi sila ng mga rebolusyonaryong organisasyong unang naging kasapi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nanguna hindi lamang sa pakikibaka para sa interes at kagalingan ng sektor ng kababaihan kundi maging sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka na may layuning mapalaya ang sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Hindi pa rin nagbabago ang pundamental na kalagayan ng mga kababaihan noon at hanggang sa kasalukuyan. Dahil sa pananatili ng pyudalismo, kalakhan sa mga kababaihan na nakabase sa kanayunan ay nakakaranas ng napakatinding kahirapan dahil sa patuloy na kawalan ng lupang masaka, kabuhayan, mababang pasahod, matinding panunupil ng NTF-ELCAC at iba pang gender violence.

Masahol din ang kalagayan ng mga kababaihang manggagawa na kalakhan ay biktima ng anti-manggagawang kontraktwalisasyon, kawalan ng oportunidad sa trabaho, mahirap na kundisyon sa paggawa, pandarahas, panunupil at biktima ng iba’t-ibang pagsasamantala. Dahil walang oportunidad sa trabaho, napipilitan silang mangibang bansa para maging OFW at karaniwang nakakaranas ng matinding pagmamalupit at panggagahasa ng kanilang among lalaki sa abroad.

Ganunpaman, ang pagsasamantala sa mga kababaihang OFW ay nakaugat hindi lamang mula sa racial discrimination o gender-based oppression, kundi maging sa napakatinding kahirapan at labor export policy ng gobyerno na mismong dahilan kung bakit sila napipilitang umalis ng bansa upang magpa-alila sa ibang bayan.

Sa kasalukuyan, nararanasan ng buong daigdig ang epekto ng matinding krisis pang-ekonomiya, na lalong pinalala ng pandemyang Covid-19 at walang habas na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo. Mas matindi ang tama nito sa Pilipinas, dahil sa dati na itong nakakaranas ng kronikong krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunang tuluy-tuloy na nagpapabagsak sa ekonomiya ng ating bansa.

Itinaon pa ang muling pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Marso 8, na lalong magbibigay ng napakatinding kahirapan sa mga kababaihan-kung paano nila pagkakasyahin ang napakaliit na sinasahod. Magdadagdag ng P3.60 para sa kada litro ng gasolina, P4.10 sa kerosene at P5.85 sa diesel, habang halos P1,000.00 na ang presyo ng kada tangke(11kgs) ng LPG na inaasahang magtutulak sa pagtaas ng tantos ng implasyon o pagkakaroon ng domino effect sa iba pang mga mahahalagang bilihin at pangangailangan ng mamamayan.

Sa kabilang banda, inutil ang rehimeng US-Duterte na mabigyan ng kinakailangang tulong ang sambayanang Pilipino na hindi pa halos nakakabawi sa matinding krisis na naranasan dulot ng pananalasa ng pandemyang Covid-19 at pagkawala ng mga kabuhayan dahil sa militaristang lockdown. Walang ibang pinagkakaabalahan si Pangulong Duterte kundi ang paparating na halalan sa Mayo 9 at matiyak na maipapanalo niya ang kanyang manok sa pagkapangulo upang makaiwas siya sa pag-uusig sa kanyang mga krimen sa bayan. Kaya naman kahit palpak ang kalihim ng Department of Energy na si Alfonso Cusi at walang nagagawang solusyon para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis, hinahayaan lamang ito ni Digong dahil sa nagagamit nya ang pamumuno nito sa PDP-Laban Cusi faction na aktibong isinusulong ang kandidatura ni Sara Duterte at Bongbong Marcos.

Sadyang walang maaasahan ang kababaihang Pilipino kay Duterte na pasimuno ng pagtataguyod ng macho-pasistang pananaw laban sa mga kababaihan, laluna sa hanay ng kababaihang nakikibaka. Hindi iilang ulit niyang inudyukan ang kanyang armadong tauhan na bastusin at pagsamantalahan ang mga kababaihan, laluna ang mga kababaihang kasapi ng New People’s Army.

Kinakailangang militanteng makibaka at aktibong kumilos ang mga kababaihan laban sa isang pangulong inutil, pahirap, pabaya, pasista at anti-kababaihan. Mahalagang magpunyagi ang mga kababaihan sa pagkamit ng tunay na pagbabago at masiglang magtaguyod sa interes ng kababaihan sa pamamagitan ng walang humpay na pag-aambag ng rebolusyonaryong paggampan para sa pagbabago ng lipunan.

Mabuhay ang kababaihang lumalaban!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Militanteng ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan! Singilin ang inutil, pabaya, pahirap, pasista at anti-kababaihang rehimeng US-Duterte!
n/a