Matinding kahirapang nararanasan ng mga manggagawa at sambayanan, dulot ng kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Duterte!

Fortunato Magtanggol | Spokesperson | Revolutionary Council of Trade Unions-Southern Tagalog | NDF-Southern Tagalog | National Democratic Front of the Philippines
January 22, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) ang patuloy na pagtetengang kawali ng rehimeng US-Duterte sa pagtugon at pagresolba sa matinding kahirapang nararanasan ng mga manggagawa at mamamayan sa kasalukuyan. Walang aksyon at pakialam si Duterte sa patuloy na paglubog sa kumunoy ng kahirapan ng masang manggagawa dulot ng mabilis na pagsirit ng mga pangunahing bilihin at bayarin sa batayang yutilidad, patuloy na paglobo ng kawalan ng trabaho, malawakang tanggalan ng mga manggagawa at aliping pasahod.

Inutil, korap, pahirap sa bayan at kriminal na pabaya ang pasistang rehimeng US-Duterte. Imbes na bigyang proteksyon ang mga manggagawa laban sa malawakang tanggalan, sinuhayan at binigyang otoridad pa ng DOLE ang mga kapitalista para isagawa nang legal ang tanggalan sa pamamagitan ng DOLE Labor Advisory #17. Ayon sa kauutusan nito, binibigyang laya ng gobyerno ang mga kapitalista na isagawa ang malawakang tanggalan basta kinakailangang lamang na abisuhan sa kanilang hakbangin ang alinmang sangay ng DOLE. Kaya naman ito ang ginagamit ngayon ng mga kapitalista para gawin ang malawakang tanggalan.

Patuloy pa ring pinagtatakpan ng gobyernong Duterte ang lawak ng tanggalan sa bansa nang ilabas nito ang konserbatibong datos mula sa DOLE na umabot lamang diumano sa 428,701 manggagawa ang nawalan ng trabaho mula sa 26,060 establisyemento nitong 2020. Habang umabot daw sa 4,577,027 manggagawa mula sa 161,251 establisyemento ang nawalan ng kita dahil sa patakarang no-work, no-pay sanhi sa ipinatupad na militaristang lockdown simula noong Marso hanggang Disyembre 2020.

Sa masusing pag-aaral ng Ibon Foundation, ang datos ng kawalan ng trabaho ay umabot sa 12.7% o katumbas ng 5.79 milyon manggagawa na nawalan ng trabaho noong nakaraang taon.

Sa Timog Katagalugan, walang humpay ang malawakang tanggalan bago pa man ang pandemyang Covid-19 hanggang sa kasalukuyan. Taliwas sa pahayag ng DOLE na nasa 43,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho, daang libong manggagawa na ang natanggal sa nakaraang taon, gaya ng naganap sa Honda Cars, Provision Gloves, Zenith Foods Corporation, Daiwa, lahat ng mga bus company na bumabyahe sa rehiyon gaya ng Dela Rosa, Barney, DLTB, Supreme, Philtranco, Supreme at Iba pa, Foremost Farm (Cavite at Rizal), Cargill Joy Chicken Farm, Nissan Cars at marami pang iba.

Sa rehiyon din makikita ang napakasahol na kalagayan ng pasahod sa bansa. Maliban sa pagpapatupad ng RA6727 na nag-iiba-iba sa sahod ng ibat-ibang rehiyon, ito ang pinaka-unang pinaglunsaran ng “two-tiered wage system” na lalong nagpaliit sa sinasahod ng mga manggagawa. Hindi pa man nagkakaroon ng 3.5% na pagtaas ng implasyon hindi na makaagapay ang ga-mumong P372.00 minimum na pasahod sa TK. Kaya naman hindi na makagulapay sa hirap ang mga manggagawa at pamilya nito kung paano pagkakasyahin ang napakaliit na sinasahod ng mga manggagawa.

Sa kasalukuyan sumirit ang presyo ng mga bilihin gaya ng karneng baboy mula sa P190/kilo ay umabot na P400/kilo, manok mula sa P120/kilo ngayon ay P220/kilo, bigas ay naglalaro na sa P45-P55/kilo habang ang sibuyas mula sa P120/kilo ay naging P200/kilo, kamatis ay P150/kilo, luya P200/kilo at bawang P180/kilo.

Samantalang sa panahon ng militaristang lockdown, kulang na kulang kung di man walang ayudang natanggap ang marami sa mga nawalan ng hanapbuhay. Hindi sapat ang mumong P5,000 ipinamimigay ng gobyerno sa mga batayang pangangailangan ng mga pamilya ng mga nawalan ng hanapbuhay. Habang patuloy na minamasaker ng rehimeng Duterte ang trabaho at kabuhayan ng mga manggagawa, magsasaka at maralita kumikita naman sa hayagang pangungurakot ang pangkating Duterte sa pondo ng bayan.

Walang inatupag ang rehimeng US-Duterte kundi magpakabundat sa pangungurakot sa kaban ng bayan. Pinagkakitaan nila ang bilyon-bilyong pondo dapat ay nakalaan sa pagsugpo sa Covid-19. Sa report mismo ng Malakanyang umabot na daw sa P651 Bilyon ang nautang ng gobyernong Duterte para sa pagsugpo sa pandemyang Covid-19, subalit ang pondong ito ay hindi man lamang naramdaman o lumapat sa sikmura o palad ng naghihirap na sambayanang Pilipino.

Isinusulong din nito ang pakanang CHACHA upang pangunahin ay mapanatili sya sa poder ng kapangyarihan at makapagbigay ng malaking ganansyang pang ekonomiya sa mga kapitalista at sa kanyang among US at China upang legal na dambungin at pagsamantalahan ang yamang kalikasan at mga pampublikong yutilidad ng bansa. Lalo lamang nitong ilulubog sa kumunoy ng kahirapan at karalitaan ang mamamayang Pilipino kapag kontrolado na ng mga malalaking dayuhang kapitalista ang lahat ng sektor ng ekonomiya ng ating bansa.

Walang humpay din ang kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng iligal na pang aresto, red-tagging, panunupil, harasment, pagbabahay-bahay para takutin ang mga manggagawa at organisador ng kilusang paggawa, hamleting, istraping, pagsosona sa mga komunidad o malalayong baryo at pagpatay sa mga kritiko at mga aktibista.

Mabilis na kumukulo ang napipintong pagsabog ng galit ng mamamayan, laban sa isang pasista, korap, pabaya, pahirap at mamamatay taong rehimeng US-Duterte. Ultimong misyon ng mga manggagawa na kagyat na pangunahan nito ang malawakang pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa hindi lamang sa kanilang sariling hanay kundi sa lahat ng sektor at uri ng lipunan.

Kinakailangang pangunahan ng mga manggagawa ang pakikibaka at pagpapatalsik sa rehimeng US-Duterte na patuloy na nagpapahirap at pumapatay ng libo-libong mamamayang Pilipino!

SINGILIN ANG KRIMINAL NA PANANAGUTAN AT IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDFP!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

Matinding kahirapang nararanasan ng mga manggagawa at sambayanan, dulot ng kriminal na kapabayaan ng rehimeng US-Duterte!