Limos at pangungutya ang tugon ni Duterte sa mga nagugutom na Pilipino!

Nakakagalit at kasuklam-suklam ang halagang P200 na ayuda ng pasistang rehimeng US-Duterte bilang tugon sa harap ng patuloy na paglala ng kagutuman at paghihirap ng nakararaming Pilipino sanhi ng mga umiiral na neoliberal at anti-mamamayang patakaran ng rehimen, naging kriminal na kapabayaan ng gubyerno sa pagharap sa pandemya at ngayon ang pagsirit ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa dahil sa nagaganap na tunggalian at girian ng mga imperyalistang kapangyarihan na nauwi sa gyera sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine.

Ang halagang ito na hindi nga papasang pampalubag-loob, ang ipinalit ni Duterte sa kabiguan nitong suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo na magpapasok ng P105.9 bilyong piso sa pondo ng bansa.

Mga pulubi at busabos kung ituring ng pasistang rehimeng US-Duterte ang mga mahihirap nating mga kababayan dahil sa nagmimistulang limos ang halagang P200 ayuda kada buwan sa kada mahihirap na pamilya. Ni hindi ito papasa kahit sa kanilang bogus na programang pantawid pamilya. Ito’y malinaw na pang-iinsulto at pagyurak sa natitira pang dangal ng ating mga kababayang mahihirap, laluna ng masang anakpawis. Ang kakarampot na ayudang P200 kada buwan o katumbas ng P6.66 kada araw ay kailangang paghahatian ng pamilya na may limang (5) myembro. Saan makararating ang P6.66 sa kada pamilya sa loob ng isang araw o katumbas ng P1.33 kada araw para sa isang myembro ng pamilya? Ni dalawang pirasong kendi ay hindi mabibili ng halagang P1.33. Lalong kulang na kulang ito sa halagang itinaas ng noodles, sardinas at tuyo na pangkaraniwang ulam ng mga mahihirap nating kababayan. Lalong malayo ito sa napipintong itataas na dagdag na pasahe sa mga traysikel, jeep at bus at sa mga nauna nang dagdag na halagang itinaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagsirit ng halaga ng langis sa bansa sa mga nakaraang mga buwan bunga na rin ng manipulasyon sa presyo ng langis sa pandaigidigang merkado. Nagbabadya pa ang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig. Ang lalong masaklap, kakarampot na nga ang ayuda ay hindi pa tiyak kung kailan maipatutupad ang pamamahagi nito.

Nililinlang din ni Duterte ang taumbayan sa pagsasabi na ang P200 kada buwang ayuda na kanyang ipagkakaloob ay para sa isang taon sa kabila ng katotohanang magtatapos na ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022. Liban lang kung may balak pa si Duterte na manggulo at maghasik ng terorismo ngayong kampanyahan at ibintang ito sa CPP-NPA-NDFP upang maging batayan niya ng pagdedeklara ng Martial Law at mapalawig pa ang kanyang termino. Hindi malayong gawin ni Duterte ang laro na ginawa ng kanyang idolo na dating diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr. na nagdeklara ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972, kung kailan ilang buwan na lamang ay magtatapos na ang kanyang termino sa pagkapangulo sa taong 1973.

Sa halip na tugunan ang malawak na kahilingan ng taumbayan para sa pagbabasura sa Oil Deregulation Law, pagsuspinde sa excise tax at value added tax sa mga produktong pertrolyo at ipatupad ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa upang kahit paano ay maibsan ang hirap mula sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa, ang kapakanan ng mga malalaking negosyo ang pinanigan at binigyan ng proteksyon ng administrasyong Duterte. Ipapatupad pa ng gubyerno ang 4-day work week na lalong magpapaliit sa arawang kita ng mga manggagawa dahil sa patakarang umiiral sa mga pabrika na “no work no pay”.

Talagang walang puso at anumang malasakit ang gubyernong Duterte sa kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino. Wala na siyang pakialam kung mamamatay man sa gutom ang mga kakabayan nating hikahos at lugmok sa kahirapan. Mas uunahin pa niyang pangalagaan ang interes at busugin sa yaman ang pamilya, mga alipures, mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador, burukrata kapitalista at ng amo nilang mga imperyalista.

Walang ibang dapat gawin ang taumbayan kundi ang patuloy na kumilos at lumaban. Igiit ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, pagsupinde sa ipinapataw na excise tax at value-added tax sa mga produktong petrolyo, pagkakaroon ng hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, sapat na ayuda sa mga mahihirap nating kababayan, pagbabasura sa ATL, pakikibaka laban sa red-tagging at pagtatanggol sa mga karapatang demokratiko at sibil ng mamamayang Pilipino.

Higit sa lahat kailangang mahigpit na magkaisa ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino upang hadlangan at biguin ang planong pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilyang Marcos at Duterte. Walang anumang pagbabagong magaganap sa buhay ng mamamayang Pilipino sakaling sila ang manalo sa pamamagitan ng pandaraya at manipulasyon sa resulta ng eleksyon. Lalong mababaon sa kumunoy ng kahirapan at labis na pang-aapi ang sambayanang Pilipino sakaling manalo sa halalan ang tambalang Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte Carpio sa pagkapresidente at bise presidente. Ipagpapatuloy lamang nila ang mga kasuklam-suklam na programa at patakaran ng tiraniko at pasistang si Duterte tulad ng madugong gyera kontra-droga at anti-mamamayang kampanyang “kontra-insurhensya”.

Lalo lamang magiging laganap at opisyal ang ginawang pambabaluktot at pagrerebisa ng kasaysayan ng pamilyang Marcos para pagandahin ang imahe ng diktador at mandarambong na si Marcos Sr. Mawawalang saysay din ang paghahabol ng mamamayang Pilipino sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos na umaabot pa sa P125 Bilyon at kasalukuyang dinidinig ng Sandiganbayan. Lalong mabibinbin ang pagkolekta ng gubyerno sa estate tax na dapat bayaran ng pamilyang Marcos na sa kasalukuyan ay umaabot na sa P203 Bilyon. Hindi rin malayong mangyari na bigyan ni BBM ng absolute pardon ang kanyang inang si Imelda Marcos na nahatulan ng Sandiganbayan ng 77 taong pagkakakulong dahil sa 11 kaso ng graft and corruption. Nananatiling nakalalaya si Imelda Marcos dahil sa pinayagan itong makapagpiyansya habang inaapila sa Korte Suprema ang kanyang kaso.

Patuloy ang panawagan ng NDFP-ST sa mamamayan ng rehiyon na lumahok sa armadong pakikibaka, sumapi sa New People’s Army at isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) sa pamamagitan ng Matagalang Digmang Bayan (MDB). . Wawakasan ng DRB ang siklo at padron ng pag-iral ng bulok at reakyunaryong pulitika at eleksyon sa bansa kung saan laging namamayani at nakapangingibaw ang mga bulok na pulitiko, mayayamang angkan at dinastiya na may suporta ng mga panginoong maylupa, malalaking negosyo sa bansa at imperyalistang kapangyarihan sa kapariwaraan naman ng malawak na masang Pilipino. Tanging sa pamamagitan ng DRB makakamtan ng sambayanang Pilipino ang malaon na nitong hangarin na magkaroon ng tunay na kalayaan, demokrasya at masaganang buhay.###

Limos at pangungutya ang tugon ni Duterte sa mga nagugutom na Pilipino!
n/a