Kundenahin ang walang-pakundangang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas at ang kakambal nitong pagpapayaman at konsolidasyon ng kapangyarihan ni Duterte

Celia Corpuz | Spokesperson | NDF-Cagayan | NDF-Cagayan Valley | National Democratic Front of the Philippines
August 12, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Habang nagtatagisan sa lakas-militar at ekonomiya ang mga dambuhalang imperyalista, partikular ang Estados Unidos at Tsina, walang-pakundangan namang nasasagasaan ang pambansang soberanya ng Pilipinas.

Upang pasahulin pa, interesado lamang si Rodrigo Duterte, bilang kasalukuyang hepe ng burukrata kapitalismo ng lipunang Pilipino, sa kung anong pansariling benepisyo ang makukuha nito mula sa pamamangka sa naturang dalawang ilog. Dahil dito, nagsisilbi siyang aktibong instrumento ng patuloy na paghahari ng imperyalismo sa bansa.

Sa kaibuturan, maka-US pa rin si Duterte

Walang nauto si Duterte sa kanyang pag-aastang galit sa Estados Unidos. Sa kabila ng mga pag-aanunsyong nais nitong ibasura ang VFA, tatlong beses na itong binawi ni Duterte. At ganap nang nagwakas ang drama-serye sa pagkansela nito sa terminasyon ng VFA nitong buwan ng Agosto lamang.

Nais lamang kasi nitong mag-astang makabayan at magtulak ng renegosasyon sa US para sa mas malaking ayuda-militar at gamit-pandigma para sa kampanyang War on Drugs at giyera kontra-insurhensya sa ilalim ng EO 70, na una nang nagresulta sa higit 30,000 na kaso ng maramihang pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Pilipino.

Sa itinagal ba naman ng pananakop sa bansa mula pa pagpasok ng ika-20 siglo, nanuot na ang impluwensya at kontrol ng Estados Unidos sa kaibuturan ng malakolonyal na estadong Pilipino. Nakataga na sa bato ang kalakarang “walang makakaupong Pangulo ng Pilipinas kung wala ang basbas nito mula sa Estados Unidos” kung kaya’t hanggang salita lang talaga ang astang kontra-US ni Duterte.

Tumatayong gulugod ng paghahari ng US ang 400,000-lakas-tauhan ng pinagsama-samang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), at iba pang armadong pwersa ng estado. Bukod sa hinubog ito upang magsilbi sa interes ng Amerika, patuloy pa rin itong pinopondohan ng Estados Unidos hanggang sa ngayon upang matiyak ang katapatan nito. Ngayong taon lamang, nagbuhos ang US sa Pilipinas ng P27.2 bilyong ayuda-militar at P13.11 bilyong halaga ng armas-pandigma.

Upang manatili sa poder, gagawin ang lahat ng kapit-tukong si Duterte upang maipatupad ang mga utos ng among Estados Unidos at makuha ang suporta ng alagang halimaw nitong AFP at PNP.

Hinayaan ni Duterte na magpanumbalik ang mga tropang Amerikano sa Subic Naval Base sa Zambales at Palawan bilang bahagi ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa ngalan ng interoperability, nagpatuloy rin ang Balikatan exercises sa pagitan ng 6529 na Amerikano at 4302 na Pilipinong mga sundalo noong Mayo 2020. Dagdag pa rito ang pagsusubaybay sa mga operasyon at palitan ng impormasyong pampaniktik sa pagitan ng mga armadong pwersa ng US at Pilipinas.

Sa utos ng amo, dagliang nagsara ng pinto si Duterte sa usapang pangkapayapaan noong 2017 at idineklarang terorista ang CPP-NPA sa paglalabas nito ng Memorandum Order no. 374 pagkatapos na pagkatapos bumisita ni Donald Trump sa Pilipinas noong huling ASEAN Summit.

Nagbuhos rin si Duterte ng kabuuang P66.5 bilyon upang pondohan ang intelligence, AFP Modernization Program, NTF-ELCAC at ang pork barrel ng militar, ang Barangay Development Program. Bukod pa ito sa P859 bilyong halaga ng pensyon kada taon na matatanggap ng mga retiradong militar sa loob ng 20 taon. Sadyang binubundat ni Duterte sa kickback at benepisyo ang mga heneral at iba pang matataas na opisyal ng AFP upang matiyak ang katapatan ng mga ito sa kanya.

Sinamantala ng Tsina ang pagkahibang ni Duterte

Sa kabila nito, nagpapabango rin si Duterte sa mahigpit na karibal ng US, ang Tsina. Nangako ito ng $24 bilyon o P1.2 trilyon para sa mga proyektong nakapailalim sa Build, Build, Build. Pinapalabas ng Tsina na bahagi ito ng engrandeng Belt and Road Initiative, kahit wala naman ito sa orihinal nitong plano, upang samantalahin ang pagkahibang ni Duterte sa inaasam na malaking perang dadaan sa kamay nito at sa bulsa ng mga malalapit na kaibigang burgesya-kumprador at dummy tulad ni Dennis Uy.

Bagamat 5% pa lang ng mga pangako ng Tsina ang nagmateryalisa, napakaaga itong sinuklian ni Duterte sa kanyang pagbabalewala sa tagumpay na desisyon ng International Arbitration Tribunal na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Dahil dito, walang-pakundangang nagpapatibay ng mga base-militar ang Tsina sa pitong artipisyal na isla sa Spratly Islands na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Dagdag pa, walang-habas nitong dinadambong ang mga yamang-dagat at langis na nagkakahalagang $60 trilyon habang puo-puong Pilipinong mangingisda ang napapalayas sa kanilang pinagtatrabahuan.

Sa pamamagitan ng Executive Order no. 13, hindi lamang hinayaan kundi lalong hinikayat pa ni Duterte ang pagpapatuloy ng operasyon ng 62 na pasugalan ng pag-aari-ng-Tsinang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa buong bansa. Sa kabila ito ng hindi pagbabayad ng mga ito ng P50 bilyong karampatang buwis sa gobyerno ng Pilipinas at ng banta ng nakakamatay na coronavirus disease o COVID-19 sa pagdagsa ng mga Chinese sa bansa. Binibigyang-proteksyon rin ni Duterte ang mga malalaking sindikatong Tsinong kasabwat sa pagkokonsolida sa industriya ng iligal na droga at iba pang kontrabando sa bansa.

Magkatunggali man, iisa lamang ang pondong pinanggagalingan ng dalawang dambuhalang ilog: ang agos ng naghihikahos na imperyalismo sa buong mundo. Upang maresolba ang krisis ng sobrang produksyon sa sariling bayan, kinakailangang mag-agawan ang mga imperyalista sa mga teritoryong pagbabagsakan ng sarplas na produkto at puhunan upang yumabong pa ang kani-kanilang negosyo.

Ang mga maliliit at atrasadong bayan tulad ng Pilipinas ang naiipit sa mga girian ng mga imperyalista para sa hilaw na materyales, murang lakas-paggawa, at pagbabagsakan ng sobrang produkto. Ngunit dahil malakolonyal sa kaibuturan ang naghaharing estado sa Pilipinas, wala ito sa katayuang ipagtanggol ang pambansang soberanya sa gitna ng paglalapastangan ng mga dayuhang mananakop. Imbis na tuligsain, mas lalo lamang papaburan ng hepeng burukrata-kapitalistang si Duterte ang interes ng kanyang mga amo kapalit ng pagkamal ng papalaking yaman para sa sariling pamilya at mga kroni.

Ibig-sabihin, kaalinsabay ng pagpapatalsik sa hepeng burukrata-kapitalistang si Duterte, kinakailangan ring lahatang wasakin ang malakolonyal na estado. Sa pagtatagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, tanging ang estadong nakapailalim sa diktadura ng proletaryado, kaagapay ang Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na magtatanggol sa pambansang soberanya mula sa mapaniil na kadena ng imperyalismo.

Kundenahin ang walang-pakundangang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas at ang kakambal nitong pagpapayaman at konsolidasyon ng kapangyarihan ni Duterte