Kundenahin ang pakana ni Duterte na kontrolin ang COA gamit ang bago nitong hepe

Malinaw pa sa sikat ng araw ang maitim na balakin ni Rodrigo Duterte na kontrolin ang Commission on Audit (COA) sa pagtatalaga ng isa niyang matapat na alagad bilang bagong hepe nito. Pinili niya si Rizalina Justol, dati niyang accountant sa Davao City at deputy executive secretary for finance and administration ng Office of the President (OP), bilang kapalit ng kakaretiro lang na COA Chairperson Michael Aguinaldo. Pitong taong manunungkulan si Justol sa COA.

Umani ng batikos ang pagtatalaga kay Justol lalo’t maaalalang kasama si Justol, si Duterte bilang mayor at iba pang opisyales ng Davao City sa mga respondent sa isang plunder case na nakafile sa Ombusdman noong 2010 kaugnay sa misapropriyasyon ng P11M sa Special Education Fund ng lungsod.

Pero malakas ang depensa ng Palasyo, kwalipikado ang dating accountant ng Davao City batay sa mga pamantayan ni Duterte. Kabilang sa mga pamantayang ito ang pagiging tapat sa pamilya Duterte, kasigasigan sa pagbubura sa mga ebidensya ng katiwalian at pag-iimbento ng datos. Sanay na si Justol sa paglilihim gaya ng nakagawian sa pagtatakip sa pinagkagastusan ng bilyun-bilyong confidential funds ng OP at pagiging sunud-sunuran sa layaw ni Duterte sapul pa nang magkatrabaho sila sa Davao City. Dahil dito, itinuturing siyang subok na utusan na kailangang ilagay sa isa sa mga susing posisyon sa gubyerno para pangalagaan ang interes ni Duterte.

Kasama sa trabaho ni Justol na tiyakin na hindi maparurusahan si Duterte sa kanyang mga krimen oras na bumaba sa pwesto sa darating na Hunyo. Ayaw na ni Duterte na maulit ang nangyari noong 2021 kung kailan nabunyag sa mga ulat ng COA ang pagnanakaw at paglulustay ng pondo ng bayan ng kanyang rehimen. Pinuruhan ang mga kwestyunableng ulat sa pinansya ng iba’t ibang ahensya gaya ng DOH, DepEd, TESDA, DILG, DSWD, PhilHealth at marami pang iba. Isa sa mga kinahinatnan ng COA reports ang pag-iimbestiga ng senado kay DOH Sec. Duque at sa maanomalyang transaksyon sa Pharmally. Imbes na habulin ang mga magnanakaw, sa COA nagalit si Duterte. Pinagalitan pa nito ang komisyon na gumagawa lang ng tungkulin nitong busisiin ang paggastos ng mga ahensya at opisyal ng gubyerno.

Inaasahan din ni Duterte ang kanyang mga itinalagang alipures para sa pagpapatuloy ng kanyang bulok na “legacy” hanggang sa susunod na rehimen. Makakatuwang ng binasbasang tagapagmana ni Duterte ang mga tulad ni Justol sa walang takot na pangungulimbat sa pondo ng bayan at pagkubra sa mga iligal na kikbak mula sa mga transaksyon ng gubyerno. Madulas nang magagawa ng paksyong Marcos-Arroyo-Duterte ang kanilang pandarambong sakaling matupad ang imbing planong dayain ang halalan at iluklok si Bongbong Marcos-Sara Duterte-Carpio sa tuktok ng gubyerno. Nariyan si Justol para tiyakin na hindi sila hahabulin ng COA.

Sukang-suka na ang mamamayan kay Duterte at sa kanyang mga buktot na maniobra para magkamal ng dagdag na yaman at kapangyarihan. Sinakop niya ang halos buong burukrasya para gawing ganap ang kanyang paghahari at takasan ang anumang pananagutan. Ang pagkagahaman niya’y tatapatan ng mamamayan ng matibay na kapasyahang singilin siya sa kanyang mga pagkakautang at pagkakasala sa bayan. ###

Kundenahin ang pakana ni Duterte na kontrolin ang COA gamit ang bago nitong hepe
n/a