Kundenahin ang aerial bombing ng AFP sa mga sakahan sa Silvino Lobos, Northern Samar

,

Mariing kinukundena ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command o BHB-RUC) ang walang habas na pambobomba mula sa kahanginanan at pasistang terorismong hinasik ng Armed Forces of the Philippines sa hindi bababa sa limang sakahan sa labas ng Barangay Deit de Turag, Silvino Lobos noong Pebrero 20.

Mag-aalas 4 ng madaling araw nang hindi bababa sa walong bomba ang hinulog ng mga Cessna plane ng AFP sa mga niyugan ng mga lokal na residente. Paulit-ulit na lumilibot ang maingay na Hermes drone at kasabay ng pambobomba ay nambubulabog sa mga residenteng payapa sanang natutulog.

Hindi pa nakuntento dito ang AFP at padating ng alas-5:15 ng umaga, apat na beses pa itong nagpaputok ng 105mm howitzer. Pagkalipas ng 15 minutos, dalawang attack helicopter ang nangistraping sa nasabing mga sakahan. Apat na bases walang habas na nagpaputok ang mga ito mula sa kahanginan.

Atake sa buhay at hanapbuhay ng mahihirap na magsasaka ang pambobomba ng AFP. Sa pagsiyasat ng lokal na yunit ng BHB sa ground zero matapos ang teroristang pag-atake, ang haligi na lang ang natira sa isang bahay sa nasabing sakahan. Nasa 30 na malalaki at maliliit na puno ng niyog ang natumba at naputol. Mayroon pang 20 puno na natamaan at posibleng hindi na mabuhay at mapakinabangan.

Malawak ang saklaw ng pinsalang dinulot ng pambobomba, na nakita sa lawak ng lupang nagkalat sa lugar. Mistulang binagyo ang malapit na gubat. Nasira ang isang tinaniman pa lamang na sakahan na nilandingan ng helikopter na nagdala ng ground troops na sumuyod pa sa lugar.

Nananawagan ang BHB-RUC sa mamamayan ng Northern Samar at sa mamamayang Pilipino na ilantad at kundenahin ang pasistang teroristang pag-atake na ito ng AFP. Sakahan ang pinuruhan ng pasistang militar; ni buhok ng isang Pulang mandirigma ay hindi natamaan ng mga bomba at balang pinakawalan nito. Malinaw na hindi ang BHB ang pangunahing target ng kanilang pag-atake kundi ang nakapalibot na sibilyan na komunidad, na layon nais nilang sindakin at takutin upang pigilan ang mainit na pagsuporta sa BHB at sa digmang bayan.

Nananaginip ang AFP sa pag-aakalang mapuputol ng kanilang pasistang terorismo ang mahigpit na ugnayan ng masa at BHB. Lalo lang napupukaw ang masang magsasaka sa brutalidad at karahasan ng pasistang militar, at sa kawastuhan ng digmang bayan upang wakasan ang lahat ng pang-aapi at pagsasamantala.#

Kundenahin ang aerial bombing ng AFP sa mga sakahan sa Silvino Lobos, Northern Samar
n/a