Kondenahin at kasuhan si Lorraine Badoy! NTF-ELCAC, buwagin!

,

Marapat na kondenahin at kasuhan ng taumbayan si Lorraine Badoy sa pagsisinungaling na nakipagkasundo ang rebolusyonaryong kilusan ng CPP-NPA-NDFP sa kampo nina VP Leni Robredo para suportahan ang kandidatura nito sa eleksyong presidensyal sa Mayo 9, 2022. Malaon nang pinabulaanan ni Kasamang Marco Valvuena ng CPP Information Bureau na walang katotohanan ang ibinubugang lason ni Lorraine Badoy, ang numero-uno at talamak na red-tagger at isa sa mga tagapagsalita ng NTC-ELCAC.

Nais siraan at isabotahe ng rehimeng Duterte at NTF-ELCAC ang bumibilis na momentum ng kampanya ng kampo ni Robredo at ng mga progresibong partylist sa ilalim ng Makabayan Bloc dahil sa kabi-kabilaang suportang natatanggap nila mula sa taumbayan. Ang paninira at red-tagging ni Badoy sa lumalawak na hanay ng oposisyon ay bahagi ng maitim na balak ng pasistang rehimeng US-Duterte na mailuklok sa kapangyarihan ang talamak na magnanakaw at sinungaling na si Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr.

Isang malaking kabulastugan para sabihin ni Lorraine Badoy sa kanyang pahayag kahapon na “walang red-tagging” sa Pilipinas gayong malinaw na laganap ito at lumalala pa sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nais lamang ni Badoy pagtakpan ang madugong panunugis at bigyang katwiran ang terorismong inihahasik ng estado laban sa mamamayan, sa pangunguna ng NTF-ELCAC.

Ang buktot na pahayag ni Badoy ay tugon sa isinampang kaso laban sa kanya kaugnay sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Ethical Standards of Public Officials and Employees sa opisina ng Ombudsman dulot ng pangrered-tag niya kay Leni Robredo at mga sumusuporta sa kanyang pagtakbo kabilang na ang grupong MAKABAYAN. Tatlong reklamo ang inihain ng may 26 personaheng ni-red-tag din ni Badoy sa nakaraan para suspendihin siya sa paggiging undersecretary ng Presidential Communications Operations Office. Ginagamit ni Badoy ang kanyang posisyon bilang isa sa mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC at mga pribilehiyo nito para mangampanya laban sa tambalang Leni-Kiko na umaani ngayon ng malawak na suporta mula sa mamamayang isinusuka na ang kasalukuyang rehimen at ang instrumento ng terorismo nitong NTF-ELCAC.

Si Badoy na lamang at ang mga kasapakat niya sa NTF-ELCAC at iba pang panatikong tagasunod ng militaristang paghahari ni Duterte ang naniniwalang walang red-tagging sa Pilipinas. Lipas at lumang tugtugin na ang katwiran niyang “kasangkapan lang ang red-tagging ng mga prente ng CPP-NPA-NDFP”. Katunayan, sa pamamagitan nito, tinatanggal ng estado ang malinaw na pagkakaiba ng mga armado at di-armadong sibilyan at ibinubuslo nila sa isang basket ang lahat ng tumutuligsa sa palpak, korap at pasistang pamumuno nito bilang mga “komunista”. Sa gayo’y nagiging lehitimong target ng kanilang gera kontra-komunismo kahit ang mga ligal na organisasyon at mga aktibista, unyonista, progresibo, makabayan, lahat ng kritiko at iba pang indibidwal na tinitingnan ng estadong balakid sa pasista at tiranikong paghahari nito.

Pinasahol ng rehimeng Duterte ang red-tagging sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at pagsasabatas ng Anti-Terror Law na nagresulta sa pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao. Matatandaang nired-tag muna ang mga aktibista at progresibo sa bansa bago pinaslang o dinakip ng estado. Sa tala ng grupong Karapatan, mula nang manungkulan si Duterte noong Hulyo 2016, nasa 427 na mga aktibista ang pinaslang ng mga armadong ahente ng estado matapos silang dumanas ng red-tagging. Patunay rito ang mga kaganapan sa Timog Katagalugan kagaya ng Bloody Sunday kung saan siyam na aktibista ang pinaslang at anim na iba pa ang dinakip noong Marso 7, 2021, pagpatay sa lider-unyonistang si Dandy Miguel noong Marso 28, 2021, at sa taong ito, ang pagdakip sa 10 boluntir ng Makabayan for Leni-Kiko at isang aktibista ng Teatro Kabataan mula sa Nayon sa Cavite noong Marso 10.

Nararapat na tuligsain ang mga kasinungalingan at red-tagging ni Badoy, ng NTF-ELCAC at rehimeng Duterte sa mamamayan. Ang bawat salita at red-tagging na lumalabas sa bibig ni Badoy ay nagsisilbing death warrant sa mga progresibo, aktibista at kritiko ng rehimeng Duterte. Dapat na patuloy na ilantad si Badoy bilang bayarang tagapagpakalat ng kasinungalingan at mga pekeng balita ng estado para bigyang-katwiran ang mga pag-atake laban sa mamamayan. Ang mga katulad ni Badoy ay dapat na ihanay sa kriminal na gang at mga opisyal ng NTF-ELCAC na dapat singilin at papanagutin sa patuloy na pagdami ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng naghaharing rehimen.

Dapat pupusang labanan ng malawak na sambayanan ang puting lagim at terorismo ng rehimeng Duterte at NTF-ELCAC. Ipagpatuloy ang panawagan para buwagin ang NTF-ELCAC. Singilin at papanagutin ang NTF-ELCAC at rehimeng Duterte sa kanilang krimen sa mamamayan.###

Kondenahin at kasuhan si Lorraine Badoy! NTF-ELCAC, buwagin!
n/a