Itakwil ang huwad na mga pangakong kaunlaran at kapayapaan ni Marcos

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishIlocoBisayaHiligaynon

Si Ferdinand Marcos Jr ang punong ehekutibo ng estadong neokolonyal. Nagmula siya sa dinastiyang Marcos na mga burukratang kapitalista na nagkamal ng gabundok na kayamanan noong kanilang halos dalawang dekadanang paghaharing diktadura noong dekada 1970 hanggang kalagitnaan ng dekada 1980.

Kinakatawan ni Marcos ang interes ng mapang-aping imperyalistang mga bangko at dayuhang multinasyunal na korporasyon sa Pilipinas, at yaong naghaharing mapagsamantalang uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Pero bukas—sa kanyang unang state of the nation address sa harapan ng magkasanib na sesyon ng reaksyunaryong kongreso ng Pilipinas—magpapanggap siyang kumakatawan sa “ordinaryong Pilipino,” o kaya’y nakauunawa o sumisimpatya sa kanilang araw-araw na pagdurusa sa harap ng sumisirit na presyo ng langis at pagkain, mababang sahod at kawalang kita, pabigat na mga buwis, kawalang lupa, kawalang tirahan, kagutuman at kahirapan.

Alam na alam ni Marcos ang malawakang ligalig na ibinubunsod ng malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko na hinaharap ng bayan sa gitna ng lokal at pandaigdigang krisis sa ekonomya. Determinado siyang gawin ang lahat para malinlang at mamangha ang mamamayan sa mabubulaklak na pangako ng pag-unlad at lumikha ng mga ilusyon ng kasaganahan upang pakapitin ang taumbayan sa huwad na mga pag-asa, matuliro at malumpo.

Tulad ng mga nauna sa kanya, isusulong rin ni Marcos ang bungkos mga patakarang neoliberal na sa nagdaang apat na dekada ay nagwasak sa produktibong mga pwersa sa Pilipinas, at ginawa itong tagalimos sa utang at puta ng mga dayuhang kapitalista. Kasama ang kanyang tinaguriang mga manedyer sa ekonomya, na pawang sinanay ng IMF-World Bank at tagapagtaguyod ng neoliberalismo, tiyak na isusulong ni Marcos ang anti-mamamayang mga patakaran at hakbanging lalong babansot sa ekonomya, sa kapakinabangan ng dayuhang nagpapautang at kapitalistang mamumuhunan. Gagawin ni Marcos ang:

(1) pagpigil sa pagtataas sa sahod at pagpapatuloy sa patakaran sa pleksibleng paggawa (kontraktwalisasyon); (2) pagpanatili sa monopolyo sa lupa at pyudal na mga anyo ng paghuhuthot sa milyun-milyong magsasaka (upa sa lupa, hindi mabayarang utang, mababang presyo sa produktong-bukid); (3) pagbukas sa karagdagang lupa para sa pagmimina at plantasyong pag-aari ng malalaking dayuhang kapitalista; (4) pagpatuloy sa patakaran sa pag-eeksport ng lakas-paggawa bilang solusyon sa malawakang problema sa kawalan ng trabaho at para magpasok ng reserbang dolyar; (5) pagpataw ng dagdag na buwis sa pagkokonsumo ng mamamayan at maliliit na negosyo, habang kinakaltasan ng buwis ang dayuhang malalaking kapitalistang namumuhunan; (6) pagtulak sa liberalisasyon sa dayuhang pamumuhunan sa natitirang larangan sa ekonomya; (7) pagpatuloy sa patakaran sa pag-eeksport ng produkto sa agrikultura; (8) paghihigpit ng sinturon para bawasan ang gastos sa edukasyon, pampublikong kalusugan, kagalingang panlipunan, at pampubliong serbisyo; (9) pagbukas ng dagdag na pinondohan-ng-dayuhan na mga proyektong imprastruktura kabilang ang mga dam at malalaking proyektong reklamasyon na mapangwasak sa kalikasan; (10) pagpahintulot sa mga opereytor ng pampublikong yutilidad (tubig, kuryente, internet) na patuloy na itaaas ang singil sa serbisyo sa kabila ng serbisyong bulok; at iba pa.

Anti-mamamayan at anti-nasyunal ang mga patakarang ito ni Marcos at alinsunod sa mga dikta ng imperyalistang mga bangko at korporasyong multinasyunal. Palulubhain nito ang kalagayan ng inaapi at pinagsasamantalahang mga uri ng manggagawa, magsasaka at petiburgesya. Palalalain nito ang atrasado, agraryo at hindi industriyalisadong katayuan ng ekonomya ng Pilipinas.

Sa tangkang ikubli at ilayo ang atensyon ng bayan sa mga patakarang ito, gagawa si Marcos ng mga programang palabas katuwang ang grandyoso pero hungkag na mga pangako. Halimbawa, nagdeklara siya ng plano para sa “seguridad at soberanya sa pagkain” pero walang planong lutasin ang mga batayang problema ng pyudal na pagsasamantala sa milyun-milyong magsasakang nangungupahan sa mga palayan, maisan at tubuhan, o wakasan ang pagpapalawak ng mga plantasyong pang-eksport, o tuldukan ang patakaran ng liberalisasyon sa pag-iimport ng mga produktong pang-agrikultura. Nangangako siyang itataas ang antas sa produksyong pang-agrikultura sa pamamagitan ng mga programang pautang na katulad ng Masagana 99 na naglibing sa milyun-milyong magsasaka sa gabundok na utang. Tulad ng kanyang ama, malamang gagawa si Marcos Jr ng sariling kampanyang ala-Nutribun para pumosturing tumutugon sa kagalingan ng mamamayan habang katunaya’y pinasisidhi ang mga ugat ng kanilang kahirapan at kagutuman.

Sa ilalim ng karatulang “pagkakaisa,” tuluy-tuloy na itinatayo ni Marcos ang kanyang paghaharing awtoritaryan gamit ang mapanindak na kapangyarihan ng armadong pwersa ng estado. Batbat ang maiksing panahong nasa poder si Marcos ng mga insidente ng labag-sa-batas na mga pag-aresto at pampulitikang panunupil. Target ng paniniil ang mga lider-masa para pairalin ang klima ng takot. Itinaas ng mga upisyal ng pulis at militar ang antas ng pasistang retoriko na may hayagang dumudusta sa karapatan ng mamamayan sa pagtitipon at kalayaan sa pamamaahayag, at tahasang red-baiting at teroristang pagbabansag.

Sa kanayunan, hayagan pa rin ang mga hakbanging batas militar sa mga barangay at komunidad na hinahamlet, binoblokeyo at sinasakop ng militar at pulis. Sinasalakay at ipinaiilalim sa interogasyon ang masang magsasaka at minoryang mamamayan sa kanilang mga tirahan, ipinaiilalim sa walang-humpay na panghaharas at pinupwersang makipagtulungan sa militar na may banta ng pag-aresto, pagtortyur o pagpaslang. Paparami ang mga operasyong false flag ng AFP kung saan isinisisi sa BHB ang mga pag-atake nila sa mga sibilyan.

Sa payo ng kanyang mga upisyal sa pambansang seguridad, pinipili ni Marcos na balewalain ang sosyo-ekonomikong mga ugat ng armadong tunggalian at sa halip ay magsusulong ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan,” na panabing sa pinaigting na psywar at operasyong paniniktik laban sa masang magsasaka para pwersahin silang isuko ang pagtatanggol nila sa lupa. Ang pinakalayunin ng “kapayapaan” ni Marcos ay hawanin ang daan para sa mapandambong na mga korporasyong multinasyunal sa pagmimina at plantasyon, gayundin sa imprastruktura, ekoturismo at proyektong enerhiya. Pinaglalawayan ng mga korporasyon multinasyunal na Amerikano ang hindi bababa sa 300,000 ektaryang lupang pang-agrikultura at lupang ninuno sa Mindanao.

Sa pag-upo sa poder, nakatakdang muling konsolidahin at palawakin ng mga Marcos ang kanilang nakaw-na-yamang tinatayang higit $10 bilyon na kanilang naipon sa pamamagitan ng pandarambong at korapsyon noong batas militar. Hindi lamang para sa maluhong pamumuhay ng mga Marcos ang gahiganteng yamang ito, pero mas importante, para sa kanilang lalupang lumalawak na dinastiya sa pulitika.

Sa harap ng anti-mamamayan, tuta at pasistang rehimeng US-Marcos, walang ibang masusulingan ang mamamayang Pilipino kundi isulong ang kanilang pambansa at demokratikong mga interes sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka. Sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kanilang organisadong hanay, hindi pasisindak ang mamamayan sa pasistang intimidasyon at susunggaban ang lahat ng pagkakataon para matapang na igiit ang kanilang mga kahingian at hangarin. Dapat itaas ang antas ng pagkakaisa ng bayan. Dapat ibigay ang pinakamataas na prayoridad sa pagbubuo, pagpapalawak at pagpapalakas ng mga unyon ng manggagawa, organisasyong masa at ibang mga tipo ng asosasyong sa mga pagawaan, komundiad, kampus, upisina, palengke, simbahan at iba pang mga lugar-paggawa at pagtitipon ng masa. Dapat paunlarin at gamitin ang mga taktika at pamamaraan sa pagpapakilos at pagkokonsolida sa abanteng saray ng masa para pasiglahin ang panlipunan at pampulitikang paghamok ng panggitnang saray.

Dapat itaas ang kamulatan at militanteng determinasyon ng mamamayan para ipagtangol ang kanilang karapatan sa pulitika, ekonomya, lipunan at kultura sa pamamagitan ng walang-pagod na pampulitikang edukasyon at pag-oorganisa. Mula sa perspektibang demokratiko at patriyotiko, dapat talakayin ng malawak na masa ng mamamayan ang pinakamaiinit na isyu sa araw-araw, mula sa pagtaas ng presyo ng langis at pagkain, hanggang sa proxy wary ng US sa Ukraine. Dapat nilang igiit ang pinakakagyat nilang mga kahingian para sa dagdag na sahod, mas mababang presyo ng langis at iba pang bilhin, pagpapababa sa upa sa lupa at pagpawi sa usura, pagtataas sa presyo sa mga produktong-bukid, karapatan sa mga pangisda, libreng pampublikong edukasyon at pampublikong kalusugan, subsidyo sa produksyon, at iba pang kagyat na kahingian sa harap ng lumulubhang krisis sa ekonomya. Dapat puspusang nilang labanan ang pagpapataw ng bagong mga buwis sa mga konsyumer, awtomatikong paglalaan ng pondo pambayad utang, paglulustay ng pera sa militar at pulis, ang maluluho at mapanirang proyektong imprastruktura, pagpapalawak ng mga kumpanya sa pagmimina at plantasyon, at iba pang mga patakaran at programang anti-mamamayan. Ang mga isyung ito ay dapat iugnay at itaas sa batayang pambansa-demokratikong mga kahingian para sa libreng pamamahagi sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Dapat labanan ng bayan ang ginagawang pambabaluktot ni Marcos sa kasaysayan para pagtakpan ang malawakang pag-abuso sa karapatan, korupsyon at pambansang pagtataksil sa ilalim ng diktadurang US-Marcos I. Dapat balikan at halawan ng inspirasyon ang kagila-gilalas paglaban ng bayan sa diktadura, laluna kaugnay sa paggunita sa ika-50 taonng deklarasyon ng batas militar.

Kasabay nito, dapat puspusang ipagtanggol ng mamamayang Pilipino ang pambansang soberanya laban sa imperyalistang panghihimasok at paglabag sa mga teritoryo nito. Dapat nilang tuligsain ang pananalakay ng China sa West Philippine Sea at igiit ang pagbuwag sa mga pasilidad militar ng China, at pagwasak sa mapangwasak na mga reklamasyon at pangingisdang industriyal sa loob at palibot ng karagatan ng Pilipinas. Kasabay nito, dapat igiit ng mamamayang Pilipino ang paglalansad sa mga pasilidad militar ng US sa loob ng mga kampo ng AFP, pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa lupain ng Pilipinas sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines, pagwawakas sa panghihimasok ng US sa kontra-insurhensya at pagsuporta nito sa aerial bombing ng AFP, at pagbasura sa Military Defense Treaty, Visiting Forces Agreement (VFA), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang hindi pantay na kasunduang militar.

Dapat maglunsad ang masang Pilipino ng maramihang mga pagpupulong at asembleya sa mga pagawaan, komunidad at kampus. Dapat malaganap na ipamahagi ang mga pang-edukasyong babasahin, laluna ang nakalimbag na mga polyeto, pampleto, praymer at pahayagan, na dapat ay ibinabahay-bahay sa kada komunidad, para maabot at maorganisa ang milyun-milyong mamamayan. Kasabay nito, dapat gumawa ng dagdag na mga pelikula at bidyo-dokumentaryo, progresibong mga balitang at iba pang mapapanood sa internet para labanan ang kampanya sa disimpormasyon ni Marcos na isinasagawa sa social media at masmidya.

Dapat palakasin at magtayo ng bagong mga balangay ang mga lihim na organisasyong masang alyado ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Dapat masugid silang magsagawa ng rebolusyonaryong propaganda sa masa at magpatupad ng mga tungkulin sa pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan sa lahat ng posibleng paraan, kabilang ang pagkalap ng suporta pampinansya at mga kagamitan para sa hukbong bayan, at pagrerekrut ng bagong mga Pulang mandirigma.

Dapat ibayong palaparin at pakilusin ang malapad na anti-pasistang nagkakaisang prente para labanan at ihiwalay ang rehimeng Marcos sa lahat ng larangan ng pakikibaka. Bukod sa batayang sektor ng mga manggagawa at magsasaka, dapat tipunin sa malapad na nagkakaisang prenteng ito ang mga indibidwal at organisasyon mula sa akademya, hanggang sa simbahan, pangkulturang komunidad, mga guro, gayundin mula sa mga negosyo, at sa disgustadong bahagi ng naghaharing mga uri at sa loob ng militar at pulis.

Dapat magpunyagi ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagsusulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng masaklaw at masinsing pakikidigmang gerilya sa higit na lumalawak at lumalalim na baseng masa. Sa kalahan ay napreserba ng BHB ang pwersa nito at napangibabawan ang malawakang-saklaw na mga opensiba at kampanyang aerial bombing ng AFP sa nagdaang 3-4 na taon sa pamamagitan ng mga taktikang gerilya ng pagkakalat, paglilipat, at konsentrasyon at sa pagpapalalim at pagpapalawak ng baseng masa nito. Nasa katayuan ang BHB para ibayong magpalawak at magpalakas. Dapat itong magrekrut ng malaking bilang ng bagong Pulang mandirigma mula sa masang magsasaka, gayundin sa mga manggagawa at petiburgesyang intelektwal sa mga syudad. Sa harap ng umiigting na panunupil sa ilalim ni Marcos, dapat handa ang BHB na rekrutin bilang mga Pulang mandirigma ang mga aktibista at lider masa na tinatarget ng ekstrahudisyal na pagpaslang o pag-aresto, o kanlungin sila sa mga larangang gerilya o baseng erya.

Dapat patuloy na lahatang-panig na palakasin ng Partido ang kanyang sarili para pamunuan ang bayan sa lahat ng larangan ng paglaban sa rehimeng US-Marcos. Dapat maglunsad ng masiglang kampanyang pang-ideolohiya ang mga yunit ng Partido para pag-aralan ang Marxism-Leninism-Maoism at ang paglalapat nito sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng tatlong-antas na kurso sa pag-aaral ng Partido.

Sa pamamagitan ng libu-libong mga sangay nito, tinitiyak ng Partido na malalim itong nakaugat sa mamamayan at may kakayahang pamunuan ang pakikibakang masa sa mga pagawaan, komunidad ng manggagawa, magsasaka at mga mangingisda, mga unibersidad at upisina. Dapat palakasin ng Partido ang mga sangay at grupo nito sa lahat ng antas ng BHB para mahigpit na pamunuan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay nakatakdang lumubha sa ilalim ng anti-mamamayan, tuta at pasistang rehimeng Marcos. Nakatakdang lumubha ang mga kundisyon sa harap ng tumatagal na krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema at umiigting na inter-imperyalistang armadong tunggalian na nagresulta sa pagkadistrungka sa produksyon at suplay. Ang atrasado, agraryo at hindi industriyalisadong ekonomya ng Pilipinas ay higit na mas bulnerable sa mga kombulsyong panlipunan at pang-ekonomya.

Ang pagtutulak ng rehimeng US-Marcos sa dagdag na mga patakarang neoliberal, ang pasismo nito at pagpapakatuta sa mga imperyalista ay nagluluwal ng kalagayang paborable para sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at lahat ng porma ng pakikibaka. Higit na determinado ang mamamayang Pilipino na ipaglaban ang kanilang mga hangaring pambansa at demokratiko. Dapat matatag na ipwesto ng Partido ang sarili, at pamunuan ang inaapi at pinagsasamantalahang mga Pilipino para iabante ang demokratikong rebolusyong bayan.

Itakwil ang huwad na mga pangakong kaunlaran at kapayapaan ni Marcos
n/a