Isang sundalo patay at maraming nasugatan sa dalawang matagumpay na opensiba ng NPA-ST

Armando Cienfuego | Spokesperson | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People's Army
February 08, 2021
Share and help us bring this article to more readers.

Nagtamo ang mga pwersa ng 201st at 203rd Brigade ng AFP ng tatlong patay at hindi mabilang na sugatan sa dalawang matagumpay na taktikal na opensiba ng NPA Southern Tagalog sa huling bahagi ng Enero. Binabati ng Melito Glor Command ang mga yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC) – NPA Quezon at Lucio de Guzman Command (LdGC) – NPA Mindoro na nagsagawa ng mga operasyong ito.

Nitong Enero 23, inambus ng AMC ang dalawang Hummer truck lulan ang mga sundalo ng 85th IBPA sa ilalim ng 201st Brigade sa Barangay dela Paz, Buenavista bandang ala-6 ng gabi. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sasakyan nang dumaan sa kahabaan ng Lopez-Buenavista Road at matagumpay na napahinto ang isang trak. Isa ang kumpirmadong patay habang sugatan ang iba pang sundalong sakay ng trak na inambus ng Pulang hukbo. Inilunsad ang ambus sa gitna ng masinsin at walang tigil na focused military operations (FMO) sa South Quezon mula pa noong 2020.

Samantala, noong Enero 26, matagumpay na napinsala ng isang tim ng LdGC ang isang yunit ng 4th IBPA na sangkot sa FMO sa Sitio Paraiso, Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro. Nilapitan ng tim ang nakahimpil na pasistang tropa at pinaputukan sa layong dalawang metro. Dalawang kaaway ang sugatan sa dagliang operasyon habang ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma.

Naisagawa at naipagtagumpay ang mga TO sa tulong at pakikipagkaisa ng mamamayan ng ST na nagbubunyi sa mga bigwas na ito laban sa pasistang tropa ng AFP-PNP. Sampal sa mukha ni Parlade at ng buong NTF-ELCAC ang matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA. Pinasusubalian nito ang kanilang pahayag na mahina’t paubos na ang NPA sa Southern Tagalog at wala nang sumusuportang mamamayan sa Pulang hukbo.###

Isang sundalo patay at maraming nasugatan sa dalawang matagumpay na opensiba ng NPA-ST