Hungkag at walang katuturan ang isinagawang “Light a Candle Rally” na pinangunahan ng 2nd IBPA at PNP PPO Masbate

Luz del Mar | Spokesperson | NPA-Masbate (Jose Rapsing Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
November 23, 2020
Share and help us bring this article to more readers.

Nagmimistulang maamong mga tupa at makadiyos ang pagpopostura ng 2nd IBPA at PNP PPO Masbate matapos pangunahan nila ang “Light a Candle Rally” noong Oktubre 29, 2020 sa tapat ng kapitolyo. Layunin ng nasabing aktibidad na ipakita sa mga tao sa sentrong lungsod ng Masbate kung gaano ang pagpapahalaga nila sa buhay ng mamamayan sukdulan man nilang tabunan ng sangkaterbang pagbabalatkayo ang totoo nilang ginagawa.

Samantala, sa mga kanayunan ng probinsya ng Masbate ay kinasusuklaman ng mga tao ang mga sundalo at pulis na siyang pangunahing naghahasik ng krimen na siyang sumisira sa buhay, kabuhayan at kapayapaan ng mga tao at lugar. Sa mga lugar at komunidad na pinaglulunsaran ng Focused Military Operations(FMO) at Retooled Community Support Program(RCSP) ay dumarami ang biktima ng pagpatay, pagnanakaw at pagsira ng mga produkto at ari-arian ng tao, sapilitang pagpapasuko at pambubogbog sa mga pinaghihinalaang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan.

Ngunit di pwedeng itago ang tunay na estatiska ng mga krimen na kinasasangkutan ng 2nd IBPA, PNP PPO Masbate at iba pa nilang mga armadong yunit. Ilan sa mga ito ay:

Nito lamang nakalipas na Nobyembre 14, 2020 ay pinatay ng mga sundalo ng 2nd IBPA sa pangunguna ni 2nd Lt. Maydem Jomadil si Ronnie H. Villamor, 50 anyos at residente ng Brgy. Nursery, Masbate City. Si G. Villamor na isang pastor at mamamahayag ng Doskantos Balita ay pinatay ng mga sundalo sa Brgy. Matanglad, Milagros dahil sa paratang na kasapi ito ng NPA.

Ayon sa yunit ng BHB na nakakasaklaw sa lugar ay di nila kasapi si G. Villamor at walang naganap na labanan sa pagitan nila nung Nobyembre 14. Dagdag pa nila, nasa lugar si G. Villamor upang magmasid sa gagawing land suvey sa lupa ng pamilya Dimen na inaagaw ni Randy Favis. Minsan ding nagtrabaho si Ronnie Villamor kay Randy Favis, ayon pa sa mga kasama.

Sina P/Col. Julius D. Guadamor PNP-RMFB5 GD, P/Col. Joriz A. Cantoria PNP-PPO Dir, at Lt.Col. Siegfred Felpe F. Awichen 2nd IBPA Batcom ang mga pangunahing arkitekto at tagapagpatupad ng M.O. 32 at E.O. 70 na siyang pinanggagalingan ng mga pagpatay at pagsira sa kabuhayan ng mga tao. Nakakalungkot lang isipin na naaatim nina Guadamor at Cantoria na parehong Masbatenyo na maging kasangkapan sa mga pagpatay sa kapwa nila Masbatenyo.

Nakikipagtagisan sina Guadamor, Cantoria at Awichen sa kapwa nila mga opisyal sa AFP at PNP sa paramihang pinapatay na mga sibilyan para makaparte sa bilyun-bilyong pondo na inilaan sa NTF-ELCAC.

Batid ng taumbayan kung gaano ka kurapto ang mga opisyal ng AFP at PNP, na sangkot din sa iba pang mga iligal na gawain tulad ng droga, holdapan, kidnapping, at iba pang mga krimen. Araw-araw ay halos laman sa mga pahayagan ang pagiging kriminal at gangsteristang katangian ng mersenaryong armadong grupo ng reaksyonaryong gobyerno. Sabi nga ng mga matitinong sundalo at pulis na wala nang makatatalo pa sa AFP at PNP sa pagiging isang ligal na organisadong grupong kriminal na pinamumunuan ng isa ding mamamatay at uhaw sa dugo na si Duterte.

Ang bilyun-bilyong perang inilalaan sa NTF-ELCAC ay pagpapaterhin lang ng mga opisyal para sa kanilang sariling bulsa. Katiting lang ang napupunta sa mga pekeng surrenderres at ang mga baril na isinisuko kuno ay mga renisiklong baril na galing mismo sa mga arsenal ng AFP at PNP.

Nananawagan ang Jose Rapsing Command-BHB Masbate sa mga kasapi ng medya na maging mapanuri kayo sa nangyayari sa inyong paligid lalung-lalo na ang mga patayan na kagagawan ng 2nd IBPA at PNP PPO Masbate. Magsilbing aral sana sa inyo ang nangyari sa inyong kasamahan na kahit ang hanay niyo ay hindi ligtas sa kamay ng mga berdugo. Magiging masaya ang taumbayan kung kayo ay titindig para sa kanila at tutulong sa pagsisiwalat ng mga masasamang ginagawa ng mga sundalo at pulis sa mamamayan.

Tanging sa sama-samang paglaban ng mamamayan katuwang ang Bagong Hukbong Bayan na ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas mapapawi ang pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Hustisya para sa mga biktima ng EJK!
Inutang na dugo ng 2nd IBPA at PNP PPO Masbate, Pagbayarin!
Mamamayang Masbatenyo, Sampa na sa BHB!
Digmang Bayan, sagot sa EO 70 at MO 32!

Hungkag at walang katuturan ang isinagawang “Light a Candle Rally” na pinangunahan ng 2nd IBPA at PNP PPO Masbate