Hinggil sa Gawa-gawang Engkwentro sa Ligao

Florante Orobia | Spokesperson | NPA-Albay (Santos Binamera Command) | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
September 29, 2020
Share and help us bring this article to more readers.

Desperadong pagtakpan ng 49th Infantry Battallion at 9th Infantry Division ang kanilang krimen at motibo sa pagpaslang kina Batbat Punong Barangay Luzviminda Dayandante at ingat-yaman Albert Orlina. Naglunsad ng gawa-gawang engkwentro ang 49th IBPA kasama umano ang 92nd Division Reconnaissance Company sa Sityo Pagsabangan, Purok 7, Brgy. Oma-oma, Ligao City na ipinalabas bilang hot pursuit operation sa mga yunit ng BHB-Albay na siyang itinuturo nilang may kagagawan sa pagpaslang sa dalawang barangay official.

Subalit higit lamang nalalantad ang pananagutan ng militar sa kanilang desperasyon. Ayon sa ulat ng mga taong baryo ng nasabing sityo, walang humpay na nagpaputok ang mga militar sa isang burol malapit sa eskwelahan kahit walang yunit ng NPA sa lugar. Upang makumpleto ang pagbubulid ng istorya sa naganap na engkwentro, pinalutang ng mga militar na may nasugatan sa kanilang hanay, at kanilang isinugod ang mga ito sa pagamutan. Bukod pa, inilunsad ang gawa-gawang engkwentro ng hindi pa nga natatapos ang imbestigasyon ng PNP Guinobatan sa nangyaring pamamaslang.
Anumang desperadong pakana ang gawin ng 9th IDPA, hindi nila kailanman mapapasinungalingan ang namataan ng taumbaryo na presensya ng militar bago at sa aktwal na pangyayari ng pamamaslang. Nagpakalat din ng impormasyon ang militar na sinumang nakasaksi ay manahimik.

Nananawagan ang Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay sa masa ng Guinobatan na magkaisang protektahan at depensahan ang komunidad. Tiyak na gumagawa na ngayon ng hakbangin ang militar para pagbantaan at sagkaan anumang pagtestigong maglalantad sa kanilang krimen.##

Hinggil sa Gawa-gawang Engkwentro sa Ligao