Habampanahong mabubuhay ang alaala ni Ka Oris

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonChinese

Iginagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pinakamataas na parangal at pinakamatikas na Pulang saludo kay Ka Oris (Kasamang Jorge Madlos), dating tagapagsalita ng BHB. Walang-awang pinaslang si Ka Oris kasama ang kanyang medik na si Ka Pika noong Oktubre 29, 2021 habang bumibyahe sila para sa regular na tsek-ap sa kalusugan at pagpapagamot. Si Ka Oris ay 74 na taong gulang.

Sa pagkamatay ni Ka Oris, labis na naghihinagpis ang buong Partido, lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mga kaibigan ng rebolusyonaryong kilusan. Nawalan ng mahalagang kadre at lider ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan. Gayunpaman, walang dapat na ipagdiwang ang kaaway sa pagpaslang sa kanya. Bago pa man siya pinatay, libong kahalili na ang kanyang binigyang inspirasyon, sinanay at pinaunlad. Ang kanyang pagkamartir ay lalupang nagbibigay inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon na ipagpatuloy ang demokratikkong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Ipinaaabot ng Komite Sentral ang mahigpit na pakikiramay nito kay Ka Maria Malaya na kabiyak ni Ka Oris, sa kanilang mga anak, gayundin sa pamilya at mga kaibigan niya at ni Ka Pika. Ipinagluluksa ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkamatay. Matinding kawalan ang nadarama ng malawak na masa sa pagkamatay ni Ka Oris, laluna ng laksa-laksang magsasaka at mamamayang Lumad na nakadaupang palad niya sa mahigit limang dekadang paglilingkod bilang rebolusyonaryo, ngunit kaalinsabay, sila’y nagngingitngit sa paraan ng pagpatay sa kanya ng mga duwag at walang dangal na mga pasista.

Mariin naming kinukundena ang Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang 4th Infantry Division, sa pagpaslang kay Ka Oris at Ka Pika at ang kasunod na mga kasinungalingang ipinakalat ng mga upisyal militar para pagtakpan ang kanilang krimen. Sakay ng motorsiko si Ka Oris at kanyang medik at binabaybay ang daan mula sa sentro ng bayan ng Impasug-ong sa prubinsya ng Bukidnon patungo sa national highway nang sila ay ambusin ng mga sundalo ng 403rd Infantry Brigade.

Napakadali sanang arestuhin ng AFP ang dalawa dahil kapwa silang hindi armado at wala sa katayuang lumaban. Sa halip, pinaslang sila ng punglo ng mga pasista sa walang kahihiyang pagpapamalas ng kanilang karuwagan. Wala ni anumang karangalan ang pumatay ng katunggaling walang kalaban-laban. Ang pahayag na namatay si Ka Oris sa isang armadong labanan kasama ang isang yunit ng BHB ay malaking kasinungalingan na ginastusan pa ng milyun-milyong pisong halaga ng palabas na pambobomba mula sa himpapawid sa kalapit na bundok upang pagmukhaing mayroong matinding labanan.

Batid namin na ang pakana na paslangin si Ka Oris ay personal na idinirihe ng tirano. Walang duda na ang huling utos na patayin si Ka Oris ay nagmula mismo kay Rodrigo Duterte. Nahuhumaling si Duterte sa pagpaslang sa mga lider ng Partido at BHB sa baluktot na paniniwalang mawawakasan niya ang rebolusyon kapag pinatay ang mga lider nito. Salungat dito, lalupang pinagyaman ng dugo ni Ka Oris ang lupa na pagsisibulan at pag-uugatan ng mga makabayan, demokratiko at rebolusyonaryo.

Namatay na bayani si Ka Oris nang paslangin ng mga pasista habang siya’y lumalaban para sa pambansa at panlipunang paglaya. Hanggang sa huling hininga, nanatiling matapat na komunistang lider at mandirigma si Ka Oris. Sa mahigit limang dekada, buo at walang alinlangan niyang inialay ang kanyang buhay para sa adhikain ng lahat ng api at pinagsasamantalahang mamamayan upang umalpas sa pagpapahirap ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Bilang kabataang aktibistang estudyante noong maagang bahagi ng dekada 1970, itinulak siya ng panawagan para sa demokrasya at panlipunang pagkilos para iangat ang mamamayan sa kahirapan at kagutuman. Tumulong siya sa pag-organisa ng kanyang mga kapwa estudyante sa Central Mindanao University Musuan Campus sa Maramag, Bukidnon. Nasa ikalimang taon siya ng pag-aaral ng agricultural engineering nang ideklara ang batas militar noong 1972. Tumigil siya sa pag-aaral sa kolehiyo at nagtrabaho kasama ng mga organisasyon tulad ng Chi Rho at Federation of Free Farmers. Inaresto siya noong 1974 at nadetine hanggang 1976. Ang pasistang panunupil sa ilalim ng batas militar ang nagpatibay sa kanyang pasya na sumapi sa armadong rebolusyon. Mula paglaya mula sa kulungan, dumiretso siya sa kanayunan.

Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan bilang kabataan at napabilang sa isa sa unang mga iskwad ng Pulang mandirigma na nagbukas sa Mindanao, partikular sa Northern Mindanao. Mahalagang papel ang ginampanan niya sa paglakas ng BHB sa mga dekadang 1970 at 1980. Mula sa iilang iskwad, lumaki ang BHB tungong ilang kumpanya habang nagsasagawa ng gawaing masa, gawaing militar at paglulunsad ng mga pakikibakang antipyudal. Lumaban ang BHB para sa interes ng masang magsasaka at mamamayang Lumad, at ipinagtanggol sila laban sa armadong mga ahente ng estado at malalaking kapitalista sa pagtotroso, at mga kumpanya sa mina at mga plantasyon na kumakamkam ng mga sakahan at lupaing ninuno.

Isinapraktika ni Ka Oris ang linya ng Partido na demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at napatunayan sa sarili ang kawastuhan nito. Umugat ang Partido at BHB nang malalim at malawak sa kanayunan. Di mabilang na mga tipo ng rebolusyonaryong organisasyong masa ang sumibol at nagsilbing pundasyon para sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na namuno at nangasiwa sa mga usapin sa ekonomya, pulitika, edukasyon, kultura at militar mula sa antas ng baryo pataas. Sa kabila ng mga banta ng pasistang panunupil, libu-libo ang sumapi sa Partido upang tumulong sa pamumuno sa digmang bayan.

Nadakip si Ka Oris noong 1987 matapos bumagsak ang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa gubyerno ni Corazon Aquino. Nakulong siya ng limang taon. Sa panahong ito, nasa kasagsagan ang NPA sa Mindanao sa mga pagkakamali ng adelantadong regularisasyon at insureksyunismo mula sa kalagitnaan ng dekada 1980, kung saan labis na nakonsentra ang mga Pulang mandirigma sa mga batalyon na hindi akma sa palapad nitong latag na nakapinsala sa pagsustine at pagpapalawak ng baseng masa. Sa huli, kumipot ang suportang masa at napatunayang di sapat para isustine ang mga tagumpay sa larangang militar noong huling bahagi ng dekada 1980 hanggang 1990.

Nagsilbi si Ka Oris bilang isa sa pinakamatitibay na haligi ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na idineklara ng Komite Sentral noong 1992 upang muling pagtibayin ang batayang mga prinsipyo ng Marxista-Leninista-Maoistang ideolohiya ng Partido at estratehikong linya nito na demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Matatag siyang tumindig laban sa mga rebisyunista at “Kaliwang” oportunista na kabilang ang ilang dating kadre ng Komisyon sa Mindanao na kalauna’y nagtaksil sa rebolusyon.

Sa nakalipas na dalawang dekada, pinamunuan ni Ka Oris at ibang kasama ang Partido, BHB at mga rebolusyonaryong pwersa sa Northeast Mindanao. Lumagablab ang digmang bayan sa limang rehiyon ng Mindanao habang tumalima ang BHB sa linya ng maigting at malaganap na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.

Bilang pagkilala sa abanteng karanasan sa pagsusulong ng digmang bayan sa isla, hinirang siya noong 2015 bilang isa sa mga namumunong kumander ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB. Noong 2016, gumampan si Ka Oris ng mahalagang papel sa pagtipon ng may isandaang kadre mula sa lahat ng panrehiyong komite ng Partido sa buong Pilipinas upang ilunsad ang makasaysayang Ikalawang Kongreso ng PKP. Sa nasabing kongreso, inihalal si Ka Oris bilang kasapi ng Komite Sentral, ng Kawanihang Pampulitika at ng Komiteng Tagapagpaganap, at naatasang mapabilang sa mga namumunong kadre ng Komisyong Militar at Komisyon sa Mindanao.

Bilang lider ng Partido, inaral at matatag na inilapat ni Ka Oris ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Naglalaan siya ng panahon sa pagbabasa at pagrepaso sa klasikong mga sulating militar laluna ang mga sinulat ng dakilang mga lider komunista tulad nina Mao Zedong, Ho Chi Minh at Vo Nguyen Giap. Puspusan niyang inaral ang kasaysayan at matatagumpay na karanasan sa paglulunsad ng digmang bayan sa mga bansang malakolonyal at malapyudal. Lagi siyang humahalaw ng inspirasyon sa dakilang mga pakikibaka ng mga uring api at pinagsasamantalahan sa buong takbo ng kasaysayan.

Naglaan siya ng panahon at lakas upang sanayin ang kabataang mga kadre at Pulang mandirigma sa sining at syensya ng pakikidigmang gerilya. Nagsulat siya ng mga manwal at kursong pagsasanay para sa mga upisyal at tauhan ng BHB na pinayaman ng luma at bagong mga karanasan sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya. Lagi niyang tinitiyak na tipunin ang mga kadre ng Partido sa malalaki at maliliit na pulong, mga konsultasyon at kumperensya kung saan taimtim siyang nakikinig, nakikipagtalakayan at nakikipagdebate sa mga kasama. Naglalakad siya noon ng mahahabang distansya mula sa isang larangang gerilya tungo sa isa pa, upang personal na masiyasat ang gawain ng mga komite ng Partido at yunit ng BHB. Sa nakalipas na mga taon, nakipagsapalaran siya na umikot sa buong kapuluan upang magbigay sigla at magbahagi ng kanyang kaalaman sa pagsusulong ng digmang bayan. Lagi niyang nasasabi na tagumpay nang matipon ang mga kadre at tasahin ang kanilang rebolusyonaryong gawain sa gitna ng matinding mga operasyon militar.

Matatag na tagapagtanggol ng kalikasan si Ka Oris. Isa sa mga unang pagkilos na kanyang inorganisa bilang aktibista ay isang aksyong protesta laban sa isang kumpanya sa pagtotroso. Sa loob ng ilang dekada, pinamunuan niya ang mga yunit ng BHB upang labanan ang mga kumpanya ng malalaking burgesyang kumprador na dumadambong sa kapaligiran. Tiniyak niyang taunang magpahayag sa Earth Day laluna sa gitna ng lumulubhang krisis sa kapaligiran dulot ng kapitalistang anarkiya sa produksyon at mga mapanirang epekto at tama nito sa ekolohiya ng mundo. Ipinagtanggol niya ang mga aksyon ng BHB na nagpaparalisa sa mga makinarya at kasangkapang gamit ng mga kumpanya sa pagmimina at pagtotroso upang pagsamantalahan at wasakin ang lupa at ang mamamayan.

Pirmeng gumagampan si Ka Oris ng mga trabaho na nagiging nakikilala siya ng publiko. Itinalaga siya bilang isa sa mga kinatawan ng National Democratic Front (NDF)-Mindanao sa usapang pangkapayapaan sa gubyerno ni Corazon Aquino noong 1986-1987. Inaresto siya matapos bumagsak ang usapang pangkapayapaan at ikinulong kasama ang iba pang detenidong pulitikal. Bumalik siya sa sonang gerilya at kalauna’y naging tagapagsalita ng NDFP-Northeast Mindanao, ng NDFP-Mindanao at kalauna’y ng Bagong Hukbong Bayan. Ginamit niya ang pangalang “Oris” mula sa kanyang tiyuhin at amain na si Mauricio Ravelo, na siyang nagpalaki sa kanya mula nang siya’y tatlong taong gulang. Natatandaan niya na ang unang panayam sa kanya bilang Ka Oris ay isinagawa ng isang mamamahayag ng Bombo Radyo noong 1978.

Bilang tagapagsalita, napakaraming mamamahayag ang nakatagpo ni Ka Oris. Nagkaroon siya ng mga kaibigan sa hanay ng mga mamamahayag at manunulat hindi lamang dahil nagbibigay siya ng panayam hanggang kaya niya, kundi higit pa dahil lagi siyang magiliw sa kanila, maging sa mga tahasang nagpapahayag ng kanilang pagkamuhi sa rebolusyon. Marubdob niyang sinuportahan ang pakikibaka para sa kalayaan sa pamamahayag. Dahil sa kanyang mga pagsisikap, hindi iilang mamamahayag ang nakasaksi kung paanong ang rebolusyonaryong kilusan ay malayo sa imahe ng mga “terorista” na pilit na ipinipinta ng tunay na mga terorista—ang mga pasistang reaksyunaryo. Nakipagtalastasan siya sa mga mamamahayag sa layuning maabot ang publiko at mailinaw ang mga pananaw ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga mamamahayag na nagkaroon ng pagkakataong makasama sa mga pulong pambalitaang inorganisa ni Ka Oris ay makapagpapatunay sa kanyang karisma at kababaang-loob.

Tunay ngang sa kabila ng kanyang pampubliko at pang-organisasyong katayuan, nanatiling mapagpakumbabang rebolusyonaryo si Ka Oris na tinanggihan ang kumportableng buhay at pinili ang mahirap at mabigat na buhay bilang kadre ng Partido at gerilyang mandirigma. Nagawa niyang alagaan ang kalusugan kahit may permanenteng pinsala ang pantog (na resulta ng di ginamot na impeksyon sa bilangguan) sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis at simple. Natatawa siya sa paulit-ulit na pahayag ng militar na siya ay may sakit at nakaratay. Sa pangkalahatan, nanatili siyang malusog at nakasasabay sa mahahabang lakaran kahit nitong nagdaang mga buwan ng mga maniobrang gerilya sa harap ng matinding operasyon ng kaaway. Laging humahalaw ng inspirasyon kay Ka Oris ang mga kabataang Pulang mandirigma at mga rebolusyonaryo dahil sa kabila ng kanyang kalagayang medikal at katandaan ay patuloy siyang tumahak sa mahirap na landas ng digmang bayan.

Modelong asawa at ama si Ka Oris na lubos na maalalahanin sa kanyang kabiyak na si Ka Maria Malaya at sa kanilang dalawang anak. Tulad ng maraming rebolusyonaryo, tiniis nila ang mahahabang panahon ng pagkakawalay. Napakataas ng kanyang respeto kay Ka Maria Malaya, na isa ring namumunong kadre ng Partido.

Mapagmahal siya sa mga kasama, laluna sa mga nakababata. Walang mapagsidlan ang kanyang pagmamahal at pag-alala sa mga kasama at sa masa. Lagi niyang tinitiyak na lahat ay mahusay na napapangalagaan. Nagagawa niyang magbiro kahit sa gipit na sitwasyon kaya’t madali siyang makapalagayang loob. Si Ka Oris ay kasama na minamahal ng mga Pulang mandirigma, ng masang magsasaka, mga Lumad, at mga manggagawa, gayundin ng iba’t ibang sektor sa syudad. Para sa marami, isa siyang mapagmahal na ama na inaalala ang malalaki at maliliit na alalahanin ng mga kasama.

Kung gaano kamahal si Ka Oris ng malawak na masa ng manggagawa at magsasaka ay siya namang poot ng malalaking panginoong maylupa, ng malalaking burgesya kumprador, ng mga kumpanya sa mina, mga plantasyon, mga burukratang kapitalista, mga tirano at mga diktador, at mga pasistang teroristang nagpapanatili sa mapang-api at mapagsamantalang sistema. Ibinuhos nila ang lahat ng yaman at rekurso upang siraan at sabuyan ng itim ang pagkatao ni Ka Oris. Nahihibang ang mga duwag at walang-dangal na mga pasista sa pagbubunyi sa kanilang pagpaslang kay Ka Oris. Inuulol nila ang kanilang mga sarili sa pag-iisip na kawakasan ng rebolusyon ang pagpaslang nila kay Ka Oris. Si Ka Oris na mismo ang nagsabi: magpapatuloy ang rebolusyon dahil ito’y makatarungan.

Sa pagsaklot nila sa kanyang buhay, nagtagumpay lamang ang mga pasista na gawing imortal si Ka Oris. Nabubuhay siya ngayon sa puso at isip ng sambayanang Pilipino na kabilang sa kanilang mga bayani at huwaran. Patuloy na pinupuspos ng kanyang diwa ng di-natitinag na rebolusyonaryong paglaban ang bagong henerasyon ng mga kadre ng Partido at kabataang Pulang mandirigma. Magsisilbi itong inspirasyon para sa bagong mga henerasyon na magpapatuloy ng laban para sa tunay na pambansang kasarinlan at panlipunang paglaya, lupa para sa mga walang lupa at pambansang industriyalisasyon, at para sa pagpapalaya ng mamamayan sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.

Mabuhay ang alalala ni Ka Oris!

Itanghal ang sulo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo!

Isulong ang adhikain ng demokratikong rebolusyong bayan!

Isulong ang digmang bayan hanggang ganap na tagumpay!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Habampanahong mabubuhay ang alaala ni Ka Oris
n/a