Engkwentro sa Norzagaray, Bulacan, kasinungalingan ng 70th IBPA!

,

Pinabubulaanan ng NPA-Bulacan ang kasinungalingan na pinangangalandakan nito na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng 70th IBPA at ng anumang yunit ng NPA sa Sitio Osboy, Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan noong Marso 30. Pawang mga sibilyan na walang kalaban-laban ang pinaputukan ng mga sundalo, taliwas sa ipinahayag ng sinungaling na si Lt. Col. Eugene Garce, Commanding Officer ng 70th IBPA.

Katawa-tawa sa harap ng publiko si Lt. Col. Eugene Garce, na gamitin pa niya ang mamamayan na diumano’y nakipagtulungang magbigay ng impormasyon sa kanila upang pagtakpan ang kanilang malaking kapalpakan sa pamamaril ng mga sibilyan.

Sa layuning ibida ang kanilang sarili, lalo lamang nagiging kahiya-hiya at nalalantad sa mga mamamayan ng Bulacan ang rekord at tunay na teroristang katangian ng 70th IBPA. Sinong makakalimot sa berdugong tropa na ito na may mahabang listahan ng paglabag at pang-aabuso sa mga Aeta sa Zambales. Isa sa tampok na pananagutan ng mga ito ay ang pagpapakain nila ng dumi ng tao sa mga katutubong Aeta noong nakaraang taon. Binidyuhan pa at ginawang katatawanan ng mga ito ang mga kawawang katutubo. Akala ng pasistang tropa na ito ay maitatago nila ang kanilang umaalingasaw na baho ng kahayupan na ginawa nila sa lalawigan ng Zambales.

Perwisyo at panganib ang idudulot ng presensya ng 70th IBPA sa buhay ng mamamayan. Nakakarimarim isipin na 10 minuto nitong pinaputukan ang mga sibilyan, na nagmula mismo sa kanilang pahayag. Ngayon pa lamang ay lantad na lantad na ang kanilang pangil na sasakmal sa mamamayan. Aasahan ng mamamayan na mas malupit pa ang gagawin nito, sa kanilang pananatili sa lalawigan ng Bulacan.

Dapat kundenahin ng mga mamamayan ng Bulacan ang naganap na pamamaril ng 70th IBPA sa mga sibilyan. Ang lantaran nitong paghahasik ng teror sa mamamayan ay patunay na hindi dapat hayaang manatili ang presensya ng 70th IBPA sa lugar. Dapat palayasin ang 70th IBPA sa Bulacan dahil sila ay banta sa kaligtasan at kapayapaan ng mamamayan sa lugar.##

Pasistang 70th IBPA, palayasin!

Engkwentro sa Norzagaray, Bulacan, kasinungalingan ng 70th IBPA!
n/a