Bigwas sa JCP-Kapanatagan sa Mindoro NPA Mindoro, matagumpay na inambus ang PNP-MIMAROPA

Madaay Gasic | Spokesperson | NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command) | Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command) | New People's Army
September 25, 2019
Share and help us bring this article to more readers.

Matagumpay na inambus ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-New People’s Army Mindoro ang isang military truck ng AFP-PNP na bumabagtas sa highway na sakop ng Brgy. Pasi, Socorro, Oriental Mindoro kaninang alas-7 ng umaga. Hindi bababa sa 12 ang kaswalti ng nasabing ambus. Lulan ng nasabing truck ang mga elemento ng pasistang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at Public Maneuver Force Company (PMFC) ng Philippine National Police-MIMAROPA.

Ang RMFB at PMFC ay kinakasangkapan ng PNP-MIMAROPA at ng mersenaryong 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa mga inilulunsad nitong operasyong militar laban sa NPA at mamamayang Mindoreño. Kabilang sila sa mga matagal nang inirereklamo ng mga Mindoreño na lansakang lumalabag ng karapatang tao sa ilalim ng Joint Campaign Plan-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte.

Matatandaang ang PNP-MIMAROPA at 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang walang habas na pumatay sa mga inosenteng sibilyan tulad nina Rustom Sibulan at Frente Guttierrez. Sila rin ang walang pakundangang naglunsad ng strafing at aerial bombing sa mga komunidad ng mga Mangyan sa mga bayan ng Mansalay, Victoria, Soccoro at Bansud. Ang mga operasyong militar na inilulunsad din ng berdugong AFP-PNP ang dahilan ng sapilitang paglikas ng mahigit sa 600 mamamayan ng mga barangay ng San Antonio, Loyal at San Critobal ng bayan ng Victoria, Oriental Mindoro nito lamang Hulyo.

Isang sampal sa ipinagmamalaking mga nakamit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng rehimeng US-Duterte ang matagumpay na ambus ng NPA sa PNP-MIMAROPA. Kahit anong gawin ni Duterte, hindi nito mapipigilan ang pagsulong ng armadong rebolusyon sa Mindoro at ang kanyang mga anti-mamamayang patakaran at pakana tulad ng NTF-ELCAC at JCP-Kapanatagan ang higit pang magpapalakas nito.

Nananawagan ang Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa lahat ng yunit ng NPA sa isla na higit na paigtingin ang paglaban at pagbigo sa JCP-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte. Sa tulong ng mamamayang Mindoreño, ilunsad ang paparami at papalaking mga taktikal na opensiba na bibigwas sa mersenaryong AFP-PNP sa Mindoro at ipagtanggol ang mga tagumpay ng rebolusyon at mamamayan sa isla. ###

Bigwas sa JCP-Kapanatagan sa Mindoro NPA Mindoro, matagumpay na inambus ang PNP-MIMAROPA