Peke at walang katotohanan ang naiulat na pagsurender ng 306 katao

Peke at walang katotohanan ang naiulat na pagsurender ng 306 katao na nais ipamarali ng 2nd IBPA at 9th IDPA. Ang totoo, milyon-milyong pondo mula sa E-CLIP ang napupunta sa korapsyon ng mga opisyal ng 2nd IBPA, 9th IDPA at PNP Masbate na pinagkakakitaan nila

Wala nang mukhang ihaharap pa ang mga opisyal ng 2nd IBPA at 9th IDPA sa mamamayang Masbatenyo ng sumambulat sa publiko ang ginawa nilang pamemeke at manipulasyon sa ibinalita nilang pagsuko ng mga kasapi at simpatisador ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Masbate. Ayon sa kanilang pekeng balita, sumuko umano noong Disyembre 26, 2019 ang mahigit 306 katao sa 2nd IBPA na bitbit pa ang 45 mga malalakas na baril. Malisyoso pang nagbida ang tagapagsalita ng 9th IDPA na lalo pang hihina ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya sa maramihang pagsuko.

Hindi kaila sa publiko na matagal ng ginagawa ng mga matataas na opisyal ng 2nd IBPA at 9th IDPA ang pamemeke ng mga sumusuko para palabasing nagtatagumpay sila sa kampanya kontra insurhensiya sa probinysa. Hindi rin lingid sa kaalaman ng mamamayan na sa likod nitong mga pagsuko ay milyon-milyong pondo ang pinapawalan ng reaksyonaryong gobyerno ng rehimeng US-Duterte na siya namang pumapasok sa sariling mga bulsa ng mga opisyal ng 2nd IBPA, 9th IDPA at PNP Masbate. Milyon-milyong perang napupunta sa korapsyon ang dahilan kung bakit nagkukumahog ang mga opisyal ng AFP at PNP na mameke at magmanipula ng mga surrenderrees para palabasing ligal ang kanilang pagnanakaw ng pera.

Para sa kabatiran ng lahat, walang anumang nangyaring pagsuko noong araw ng Disyembre 26, 2019 sa alinmang kampo ng AFP at PNP sa buong probinsya ng Masbate. Makakapagpatunay mismo nito ang mga karaniwang sundalo na sukang-suka na sa korapsyong nangyayari sa sa kanilang hanay. Ayon sa ibinatong impormasyon ng mga sundalo, noong araw ng Disyembre 26 ay tahimik ang mga kampo nila at walang anumang aktibidad na nangyari. Karamihan sa mga sundalo ay natutulog pa dahil sa nagdaang kapaskuhan.

Dahil sa kahihiyang natamo ng mga opisyal ng 2nd IBPA at 9th IDPA ay nagkandabalu-baluktot ang dila ng kanilang mga tagapagsalita para burahin sa isipan ng mamamayan ang ginawa nilang panloloko. Maging si Lorenzana na Sekrataryo ng Tanggulang Pambansa ay nagpalabas ng mensahe na paiimbestigahan niya ang pangyayari. Ngunit batid naman ng lahat na wala ding mangyayaring imbestigasyon dahil gawain din ito ng mga matataas pang opisyal ng AFP.

Hindi lang EJK at pagsira sa kabuhayan ng mamamayan dalubhasa ang AFP kundi pati sa pamemeke at manipulasyon ng litrato at estatistika ay nagpapakadalubhasa rin ang AFP. Kaya naman di kataka-taka kung padami ng padami ang mga “Troll Armies” nila na naglipana sa mga social media sites.

Nananawagan ang JRC-NPA Masbate sa mamamayang Masbatenyo na ilantad niyo sa medya at sosyal medya ang lahat na kasinungalingan ng 2nd IBPA, 903rd BrgdePA, 9th IDPA at PNP Masbate.

Sa mga opisyal naman ng lokal na gobyerno ng probinsya ng Masbate na huwag niyong hayaang gamitin kayo ng 2nd IBPA, 9th IDPA at PNP Masbate PPO sa kanilang pagmamanupaktura ng mga surrenderrees para pagkakitaan ang mga Masbatenyo. Baka ito pa ang ikasira niyo sa mamamayan at ikababagsak ng inyong mga poltical career.

Isulong ang digmang bayan na magwawakas sa kabulokan at kabulastugan ng pasisitang diktadura at tiranikong rehimeng US – Duterte at ng kanyang kampon na AFP at PNP!

Mamamayan lumahok sa digmang bayan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang ika 51 taon ng Partido Komunista ng Pilipinas!

LUZ DEL MAR
Tagapamahayag
Jose Rapsing Command
New Peoples Army – Masbate