Tita Marie ng Karapatan, binigyan ng pinakamataas na parangal

,

Binigyan kahapon, Mayo 4, ng pinakamataas na parangal ng mga demokratikong organisasyon. mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao at progresibong mamamayan si Amarylis Hilao-Enriquez, kilala ng laksa-laksang mga aktbista bilang Tita Marie. Isinagawa ang pagpaparangal sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City.

Pumanaw si Enriquez dulot ng matagal na pagkakasakit noong Abril 24 sa piling ng kanyang anak sa US. Kabilang sa mga ginampanan niyang mga tungkulin ang pamumuno sa Karapatan mula sa pagkakatatag nito, pamumuno sa SELDA at katuwang sa pagbubuo ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law.

Naging aktibista si Enriquez sa panahon ng batas militar habang nag-aaral ng kursong occupational therapy sa University of the Philippines-Philippine General Hospital. Kalaunan, naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan.

“Malaking bahagi si Tita Marie sa pakikibaka laban sa diktadurang Marcos at sa walang awat na pagpapanagot at paggigiit ng hustisya para sa mga biktima ng mga Marcos, dahil sa dinanas niya at ng kanyang pamilya na malalalang paglabag sa karapatang-tao sa panahon na iyon,” ayon sa Karapatan. Ang kanyang kapatid na si Liliosa, isang estudyanteng mamamahayag at akbista, ang unang naiulat na kaso ng pinatay na bilanggo sa ilalim ng batas militar.

Matapos paslangin ang kanyang kapatid, nagpasyang kumilos sa underground o sa kilusang lihim si Enriquez. Nadakip siya, dumanas ng tortyur at ikinulong nang dalawang taon mula 1974. Nang lumaya, naging bahagi siya ng grupong Kapatid o mga kamag-anak ng mga detenidong pulitikal, para igiit ang pagpapalaya ng noo’y nakapiit niyang asawa.

Matapos ang EDSA 1, naging bahagi siya ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Para sa Amnestiya (SELDA) at tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa mga Marcos sa Hawaii. Kabilang sa mga naghabla ang kanyang ina at mas nakababatang kapatid.

Noong 1995, isa siya sa naging tagapagtatag ng Karapatan at nagsilbing pangkalahatang kalihim nito. Naging tagapangulo siya ng grupo mula 2009. Walang pagod niyang isinulong ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagpapabasura sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanila. Walang takot siyang nakibaka para sa hustisya ng mga pinaslang ng estado at ng mga dinukot at tinortyur. Isa siya sa mga kinilalang tapagsalita kaugnay sa kalunus-lunos na kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas sa iba’t ibang internasyunal na pagtitipon at institusyon, kabilang sa United Nations at kongreso ng US.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang kontribusyon sa pakikibaka para sa karapatang-tao, inimbita siya ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines para maging independent observer sa Joint Monitoring Committee para sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL.

“Wala siyang kapaguran,” ayon sa pahayag ng NDFP negotiating panel na nagbigay rin ng parangal sa kanya. “Alam niya ang kahalagahan ng pagpapaalam sa internasyunal na komunidad kaugnay sa kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas. Kaya kahit noong nagkakasakit na siya, bumibyahe pa rin siya para dumalo sa mga internasyunal na porum, mga komiteng nag-iimbesttiga at mga korte. Ang boses niya ang naging boses ng mga ikinulong, at mga nasa sa mga libingin.”

“Nabibilang na siya ngayon sa mahalagang mga bayani na buong buhay na nakipaglaban sa diktadurang Marcos at para sa mas masaklaw na kawsa ng panlipunang hustisya at demokrasya,’ ayon sa pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Cristina Palabay.

Para sa kanyang mga kaanak, ang pinakaakmang pagpaparaparangal sa kanilang ina at sa libu-libong biktimang batas militar, ay ang pagpapatuloy ng kanilang ipinaglaban. Nanawagan sila para sa mariing pagtatakwil sa mga Marcos at kanilang mga kampon sa eleksyon at sa susunod pang mga panahon. “Never again to the Marcoses, never again to martial law,” sigaw nila.

AB: Tita Marie ng Karapatan, binigyan ng pinakamataas na parangal
n/a