Tigil-palaot kontra taas-presyo ng langis, ikinasa ng mga mangingisda

,

Naglunsad ng koordinadong tigil-palaot ang mga mangingisda sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ngayong araw, Marso 15, bilang protesta sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Umaaray ang sektor ng pangisda dahil umaabot na sa halos 80% ng kanilang gastos sa produksyon ay napupunta na lamang sa petrolyo. Ikinasa ang tigil-palaot sa Laguna de Bay at Manila Bay.

Panawagan nila ang pagbibigay ng buong subsidyo sa gastos sa langis, malakihang pagrolbak sa presyo ng petrolyo, pagbabasura sa oil deregulation law, at pagtanggal sa excise tax sa produktong petrolyo.

Umaabot na sa ₱73-₱76 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa Metro Manila. Mas mataas pa ang presyo sa mga prubinsya. Itinulak ito ng gahiganteng pagtaas na ₱13 kada litro ngayong araw. Ika-11 na beses na itong sunud-sunod na linggo na pagtataas ng presyo sa mga produktong petrolyo ngayong taon.

“Ang tigil-palaot ay protesta namin laban sa labis-labis na pagpepresyo sa produktong petroloyo na bumangkarote sa amin at naglubog sa utang,” ayon kay Ronnel Arambulo, tagapagsalita ng Pamalakaya. “Ipinuprotesta rin namin ang pagsasawalang-bahala ng gubyerno na itama ang mapanlinlang na napakamahal na pagpepresyo ng mga higanteng kumpanya sa langis,” dagdag pa niya.

Ayon sa Pamalakaya, sisirit tungong ₱924 mula sa dating ₱780 ang gagastusin sa isang palaot o fishing trip na gumagamit ng 12 litro ng krudo na karaniwang tumatagal nang 6-8 oras.

“Malayo na ang agwat ng kinikita namin sa kabuuang gastos sa produksyon sa kada palaot. Normal na sa isang mangingisda ang mabaon sa utang dahil abot-langit ang presyo ng langis habang patuloy ang pagbulusok ng kita sa pangingisda,” saad ni Arambulo.

Nauna na ring iniulat ng grupo ang paghahanap ng mga mamamalakaya ng alternatibong mga trabaho para pansamantalang pagkakakitaan.

Kasabay ng tigil-palaot, inilunsad din ng grupo sa ilalim ng Anakpawis Partylist ang mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa.

AB: Tigil-palaot kontra taas-presyo ng langis, ikinasa ng mga mangingisda
n/a