Sunud-sunod na pambobomba ng Turkey sa Rojava

, ,

 

Umiigting ang brutal at interbensyunistang agresyon ng armadong pwersa ng Turkey sa mga hangganan nito at ng hilagang-silangang Syria (sa rehiyon ng Rojava) na pinangangasiwaan ng Kurdish Democratic Union Party (PYD). Sa nakalipas na dalawang linggo, nagsagawa ang Turkey ng dalawang serye walang patumanggang panganganyon at pambobomba sa prubinsya ng Hasakah kahapon at noong Disyembre 21 sa ngalan ng diumano’y kampanya nito “kontra-terorismo.”

Ang Rojava ay rehiyon na bahagi ng teritoryong ipinaglalaban ng mamamayang Kurd na nakikibaka para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at pagbubuo ng bansang Kurdistan sa mga rehiyon sa hangganan ng Turkey, Syria, Iran at Iraq kung saan mayorya ng mga residente ay Kurd. Itinatag ng mga Kurd ang nagsasariling gubyerno ng Rojava noong 2012 bilang baseng teritoryo ng kanilang pakikibaka.

Ang pambobomba ng Turkey ay nagresulta sa pagkamatay ng limang sibilyan kabilang ang isang bata, at pagkasugat ng 13 iba pa. Limang hinihinalang kasapi rin ng Revolutionary Youth, armadong kilusan ng kabataan sa ilalim ng PYD, ang namartir sa pambobomba ng Turkey gamit ang isang drone sa bayan ng Kobane noong Disyembre 25.

Isinagawa ang unang atake noong gabi ng Disyembre 21 kung saan mahigit 250 rocket ang inihulog ng Turkey sa mga komunidad sa bayan ng Abu Rasin at kanugnog nitong mga komunidad. Nagresulta ang pag-atake sa pagbabakwit ng dose-dosenang pamilya sa silangang bahagi ng bayan. Ayon sa Syrian Arab News Agency, nagresulta ang pag-atake sa pagkamatay ng isang 60-taong gulang na lola, at kanyang 30-taong gulang na anak, at isang lolo. Sampu ang nasugatan, kabilang ang tatlong bata, at maraming bahay ang nawasak.

Kagabi, kinanyon ng Turkey ang mga komunidad sa dalawang bayan ng Hasakah. Ayon sa inisyal na ulat ng Hawar News Agency, umabot na sa tatlo ang kumpirmadong napatay sa panganganyon, kabilang ang dalawang magkapatid. Nakunan sa isang bidyo na inilabas ng naturang pahayagan ang pagtarget at pagtama ng bala ng kanyon sa isang mosque.

Target ng mga opensiba ng Turkey ang Syrian Democratic Forces, ang armadong nagsisilbing pwersang panseguridad ng Rojava. Ito ay pangunahing binubuo ng People’s Protection Unit (kilala bilang YPG) na armadong pwersang pananggol-sa-sarili ng mga Kurd.

Huling napabalita ang pinatinding pang-aatake ng Turkey sa mga Kurds noong 2019, kung saan mahigit 300,000 ang nagbakwit dulot ng mga armadong labanan at walang patumanggang pambobomba ng Turkey sa rehiyon sa ilalim ng “Operation Peace Spring.” Bahagi ang mga bakwit na ito sa milyun-milyong Syrian na napalayas sa bansa dulot ng pitong taon nang gera na nilikha at sinulsulan ng US. Para magawa ito, kailangang palayasin, kundiman lipulin, ng reaksyunaryong gubyerno ng Turkey ang mga Kurd sa Rojava para maagaw ang kanilang mga teritoryo.

Ayon sa pinakahuling ulat noong Disyembre 27, tinatayang umabot na sa 205 ang namatay sa Syria ngayong taon dulot ng armadong sigalot sa bansa. Kabilang sa mga namatay ang higit 100 bata at kababaihan.

AB: Sunud-sunod na pambobomba ng Turkey sa Rojava
n/a