Spyware na Pegasus, natagpuan sa mga selpon ng mga aktibista sa Thailand

Inilathala noong Hulyo 18 ng Amnesty International ang isang ulat kaugnay sa presensya ng spyware na Pegasus sa mga selpon ng kilalang mga aktibistang Thai. Natuklasang minanmanan ang naturang mga selpon sa kasagsagan ng malalaking rali noong 2020 hanggang 2021.

Ang ulat ay hango sa imbestigasyon ng iLaw, isang NGO sa Thailand at ng mga institusyong Digital Reach at Citizen Lab. Nakita sa sinuring 30 selpon ang spyware na Pegasus, na sinasabing pinakasopistikadong armas sa cyber-espionage (paniniktik sa internet). Hinuha ng mga nagsiyasat na ginamit ito para tiktikan ang online na mga aktibidad ng mga aktibista, imonitor ang mga protesta at tuntunin ang nagpopondo ng mga kilos protesta.

Ano ang spyware na Pegasus?

Ang Pegasus ay isang spyware o aplikasyon sa selpon na gawa ng kumpanyang NSO Group ng Israel. Isa itong pribadong produkto na ibinibenta lamang sa mga gubyerno sang-ayon sa pahintulot ng gubyernong Israel. Maari nitong pasukin ang isang gadget (sa kaso ng mga aktibistang Thai, mga IPhone) nang hindi nalalaman ng may-ari. Kapag naka-install na, kaya na nitong kunin lahat ng nilalaman ng selpon. Maaari na nitong makita, kopyahin at kahit baguhin ang lahat ng datos na nasa loob nito, kabilang ang mga litrato, bidyo, text at rekord ng mga tawag. Maaari rin nitong buksan ang microphone at camera para manmanan ang nasa paligid ng may-hawak ng selpon at pakinggan ang mga usapan sa malapit dito.

Kilala ang Pegasus sa teknolohiyang “zero-click.” Ibig sabihin, walang kailangang gawin ang may-ari ng selpon para mag-install ang spyware sa selpon (hindi tulad sa ordinaryong mga virus o malware). Walang kinakailangang aksyon mula sa gumagamit ng selpon, at sa gayon ay hindi niya malalaman na pinasok na pala ang selpon niya. Maaari rin itong tahimik na burahin ng Pegasus pagkatapos makuha ang lahat ng data. Natutukoy lamang ang presensya niyo pagkatapos magamit, at sa pamamagitan ng espesyal na pag-aanalisa sa internal na mga proseso ng selpon. Sa partikular, makikita sa selpon ang mga dinugtungan nitong server na kontrolado ng NSO.

Saan ito ginagamit?

Ginagamit ang Pegasus laban sa mga aktibista at mga tinagurian ng mga tiranikong gubyerno bilang banta sa kanilang paghahari. Sa Thailand, ginamit ito laban sa kilusang demokratiko na naggiit na ireporma ang monarkiya at ang burukrasyang sibil ng bansa.

Sa ibang bansa, ginamit na ito laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mamamahayag at mga abugado.

Noong Hulyo 18, 2021, inilabas ng Amnesty International ang Pegasus Project, isang pagsusuri na pinagtulungan ng 17 organisasyon ng midya sa 10 bansa. Natuklasan nila ang paggamit ng Pegasus para iligal na manmanan ang aktibidad ng mga selpon ng daan-daang mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mamamahayag at mga abugado sa iba’t ibang bansa. Labag ito sa karapatan sa pribasiya, at higit pa, ang karapatan sa malayang pagpapahayag, pagbibigay ng upinyon, pagbubuo ng mga asosasyon at grupo at mapayapang pagtitipon.

Isang taon matapos ang unang proyekto, patuloy na namamayagpag ang paggamit ng mga mapaniil na estado sa Pegasus. Sa kasalukuyan, mayroong bukas na mga imbestigasyon kaugnay dito sa France, India, Mexico, Poland at Spain.

Sa US, kunwa’y inilagay ng gubyernong Biden ang NSO Group sa “Entity List,” isang listahan ng mga kumpanyang “nagsasagawa ng mga aktibidad na taliwas sa pambansang seguridad at interes sa ibayong dagat.” Pero imbes na itulak ang hindi paggamit ng Pegasus, tinangka itong ipabili sa L3Harris, isang pribadong kontraktor ng US Army.

AB: Spyware na Pegasus, natagpuan sa mga selpon ng mga aktibista sa Thailand
n/a