Singil sa kuryente, presyo ng mga bilihin, nagtaasan na

,

Binatikos ng mga demokratikong grupo ang pagtaas ang walang-awang pagtaas ng Meralco sa singil nito sa kuryente ngayong Marso. Noong Marso 17, nagpiket ang grupong Anakpawis sa Kamias, Quezon City para ipanawagan na ibaba ng kumpanya ang singil nito.

Sigaw nila, “Serbisyo sa tao, wag gawing negosyo!” Tulad ng industriya ng langis, deregularisado rin ang industriya ng kuryente at walang sagkang nakapagtataas ng singil ang mga pribadong kumpanya kailanman nilang gustuhin.

Sa gitna ng gahiganteng pagtaas ng presyo ng langis, dali-daling itinaas ng Meralco ang singil sa kuryente ngayong Marso. Tataas nang ₱0.063 ang singil kada kilowatt hour nito o ₱13 kada buwan para sa isang tirahang kumokunsumo ng 200 kilowatt-hour kada buwan, ₱18.75 para sa mga kumokonsumo ng 300 kWh, at ₱31.25 para sa 500 kWh.

Ayon sa Meralco, hindi pa kasama sa taas-singil na ito ang epekto ng mga dagdag-presyo ng langis. Anito, sa Mayo pa mararamdaman ng mga konsyumer ang buong epekto ng pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.

Noong nakaraang taon, siyam na beses na itinaas ng Meralco ang singil nito mula Abril hanggang Disyembre. Umaabot sa ₱291.22 ang kabuuang dagdag-singil nito sa mga konsyumer na kumukonsumo ng 200 kilowatt per hour. Ang mga kumukonsumo ng 500 kwh ay nadagdagan ng singil na ₱798.05. Pinakamataas ang idinagdag nitong singil noong Nobyembre.

Samantala, nagtaasan na rin ang presyo ng mga bilihin ngayong Marso, taliwas sa mga pangako ng Department of Trade and Industry noong Pebrero na hindi sisipa ang presyo ng pangunahing bilihin sa bansa matapos lumampas sa $100 ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Noong Marso 6, bago ang gahiganteng pagtaas sa presyo ng langis, nagpahayag si Steven Chua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarket Association, na tumaas na ang presyo ng batayang mga bilihin, laluna sa mga produktong inaangkat ang hilaw na materyales.

Ayon sa grupo, tumaas na nang 3% hanggang 6% ang presyo ng mga batayang produkto. Ang presyo ng mga produktong imported ay tumaas na nang mula 8% hanggang 15%.

Kabilang sa mga tumaas ang presyo ang powdered na gatas, mga delata, sariwang gatas, biskwit, toothpaste, lotion, gatas ng bata, nakalalasing na inumin, halos lahat ng mga imported na pagkain at mga condiments o panakot.

Samantala, ang presyo ng mga food mix at enhancer (pampalasa) ay tumaas na nang 24%. Ayon kay Chua, hindi pa kasama sa mga pagtaas na ito ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Ibig sabihin, higit pa itong tataas sa susunod na mga buwan.

Table: Dagdag-singil ng Meralco, 2021

Buwan 200 KwH konsumo 500KwH konsumo
April- September 157.70 393.75
October 5.66 14.15
November 65.00 163.00
December 62.86 157.15
TOTAL 291.22 728.05
AB: Singil sa kuryente, presyo ng mga bilihin, nagtaasan na
n/a