Samahan ng kontraktwal na gwardya sa UP Diliman, itinatag

Para bigkisin at ibayong palakasin ang kanilang paglaban, itinatag ng mga gwardya ng University of the Philippines (UP)-Diliman ang Samahan ng mga Nagkakaisang Security Guards ng UP Diliman noong Hulyo 7. Bunga ito ng pakikibaka ng mga gwardya laban sa iligal na tanggalan, mababang pasahod, paglaban sa kotnraktwalisasyon at iba pang paglabag sa kanilang karapatan ng ahensyang nangangasiwa sa kanila at ng pamantasan.

Higit isang buwan na mula nang iligal na tanggalin ang umabot sa 140 gwardya ng UP Diliman matapos palitan ng administrasyon ng pamantasan ang labor agency ng mga gwardya. Hindi inabsorb o kinuhang muli ng bagong ahensyang FEMJEG Security Agency ang mga gwardya mula sa dati nitong ahensya na Grand Meritus.

Ayon sa mga gwardya, kataka-taka kung paanong nakalusot sa pagsusuri ng administrasyon ng pamantasan ang Femjeg security agency gayong kilala ito sa mga paglabag sa karapatang-manggagawa. Kada taon ay nagpapalit ng ahensyang nangangasiwa sa mga gwardya ang pamantasan.

Sa panayam na inilathala sa Philippine Collegian, pahayagan ng mga estudyante sa pamantansan, sinabi ng isa sa mga nasisante na malaking pahirap para sa kanila ang taun-taong pagpapalit ng ahensya dahil taun-taon ding nanganganib ang kanilang mga trabaho.

Notoryus ang ahensyang Fempeg sa mababang pasahod, iligal na terminasyon, samutsaring dagdag singil at iba pang paglabag sa karapatang manggagawa. Maging ang mga gwardyang ilang taon nang nagtatrabaho sa pamantasan ay hindi nito ipinanatili sa trabaho.

Noong Hulyo 5, nag-walkout ang mga gwardya sa trabaho bilang protesta. Sa sumunod na araw, nagprotesta sila at kanilang mga tagasuporta sa Quezon Hall sa UP Diliman kasabay ng pakikipagdayalogo nila sa administrasyon. Isinagawa nila ang mga talakayan at pag-aaral pagkatapos ng isang almusalang bayan kasama ang mga kawani, guro at mag-aaral ng pamantasan.

Itinirik din nila ang kampuhan sa labas ng gusali para tuluy-tuloy na igiit ang pagbabalik sa kanila sa trabaho, regularisasyon, makatwirang pagpapasahod at pagrespeto sa kanilang mga karapatan.

AB: Samahan ng kontraktwal na gwardya sa UP Diliman, itinatag
n/a