Sa Araw ng Paggawa: Sahod, trabaho at karapatan, sigaw ng manggagawa

Libu-libong manggagawang Pilipino ang nagtipon sa iba’t ibang panig ng bansa kahapon, Mayo Uno, para igiit ang kanilang mga kahilingan para sa nakabubuhay na sahod, regular na trabaho at igalang ang kanilang mga karapatan sa pagawaan. Iginigiit ng mga manggagawa ang pagpapatupad ng ₱750 pambansang arawang minimum na sahod, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, at pagbibigay ng sapat na trabaho sa mamamayang Pilipino.

Sa Quezon City, libu-libong manggagawa ang nagtipon sa loob ng Araneta Coliseum. Dumalo sa atkibidad ang mga unyon sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga progresibo at demokratikong organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Ayon sa KMU, malaking hamon ang hinaharap ng mamamayang Pilipino ngayong taon: ang pinatinding pagsasamantala at pang-aapi sa banta ng panunumbalik ng mga Marcos at pagkapit sa poder ng mga Duterte. Kaya’t ang sigaw nila: biguin ang tiraniya! Biguin ang tambalang Marcos-Duterte!

Magkakaibang unyon ang nagbuklod sa isang aktibidad para ipamalas ang pagkakaisa ng mga manggagawa laban sa banta ng muling panunumbalik ng mga Marcos at pananatili ng pangkating Duterte sa poder sa darating na eleksyon. Dumalo sa naturang aktibidad ang kandidatong oposisyon sa pagkapangulo na si Vice President Leni Robredo at kandidato sa pagkbise na si Sen. Kiko Pangilinan para makipagkaisa sa mga manggagawa.

Matatandaang sa Araneta Coliseum rin inilunsad ang kongreso ng pagtatatag ng KMU noong Mayo 1, 1980 sa panahon ng malagim na diktadurang US-Marcos.

Naglunsad din ng mga protesta at programa kaisa ang mga tagasuporta sa pagkakandidato ng tambalang Robredo-Pangilinan sa Pasig City. Pinamunuan naman ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang mga protesta sa Baguio City; Angeles, Pampanga; Taytay, Rizal; Calamba, Laguna; Bacoor, Cavite; Legazpi City; Plaza Quince Tres Martires, Naga City.; Kalibo, Aklan; Plaza Bandstand, Roxas City, Capiz; Iloilo City; Bacolod City; Cebu City; Davao City; at sa Sydney, Australia.

AB: Sa Araw ng Paggawa: Sahod, trabaho at karapatan, sigaw ng manggagawa
n/a