RCEP, wawasak sa agrikultura ng Pilipinas

Nagsara ang sesyon sa Senado noong Pebrero 2 nang hindi pinagbotohan ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive and Economic Partnership o RCEP. Pinakamalamang na hindi na ito maisasalang bago ang eleksyong 2022 at ang susunod nang Senado ang magdedesisyon kaugnay dito. Ang RCEP ay isang multilateral na kasunduang itinutulak ng China para sa higit na liberalisasyon ng kalakalan sa pagitan ng 10 bansa sa Southeast Asia, at ng Australia, Japan, New Zealand at South Korea.

Hindi nagawa ng mga senador na balewalain ang petisyon ng 45 organisasayong magsasaka na mahigit na tumututol sa kasunduan. Kabilang sa mga grupong ito ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakpawis Partylist, Bantay Bigas, Federation of Free Farmers at mga asosasyon ng lokal na prodyuser ng karneng baboy, manok at isda. Noong Nobyembre 2021 pa inihapag ng mga grupong ito ang isang position paper sa Senado para tutulan ang ratipikasyon ng kasunduan. Nagsimula ang implementasyon ng RCEP sa ASEAN noong Enero 1 at niratipikahan na ito ng 10 sa 15 bansang saklaw nito.

Ayon sa mga grupo sa agrikultura, sadyang minamaliit ng mga tagapagtaguyod ng liberalisasyon ang ihahatid pinsala ng RCEP at ng ibang kasunduan sa kalakalan sa mga sektor ng lokal na ekonomya, partikular sa agrikultura. Kabilang dito ang pagpawi ng halos lahat ng taripa sa isda, gatas, kakaw at tabako sa unang taon ng RCEP. Ang mga buwis na nakapataw ngayon sa imported na fructose corn syrup at iba pang panghalili sa asukal mula sa tubo ay papawiin. Mahaharap ang mga magsasaka ng Cordillera at iba pa ng pagdagsa ng murang mga gulay mula sa China. “Sa gitna ng lahat ng ito, mawawalan ng proteksyon ang ating mga lokal na prodyuser dulot ng pagbabawal ng RCEP na magpataw o magtaas ng taripa sa panahon ng pagdagsa ng mga import,” ayon pa sa kanila.

Ang mga kalkulasyon kaugnay sa mga kunwa’y mga benepisyong tatamasain ng bansa ay nakabatay sa “di lapat na mga palagay na napatunayan na sa kasaysayan na malayo sa katotohanan.” Ayon pa sa mga grupo, katulad lamang ito sa mga huwad na pangako ng paglago na inilako nang ratipikahan ang General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) ng Senado noong 1995. Noon, bukambibig ng mga tagapagtaguyod nito ang pangakong $3.4 bilyon paglaki sa mga eksport sa agrikultura, ₱60 bilyong pagtaas sa gross value added sa sektor at 500,000 bagong mga trabaho. Kabaliktaran ang naganap. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, sa pagitan ng 1995 at 2018, umabot sa $7 bilyon ang depisit sa kalakalan sa agrikultura, mahigit 1 milyong trabaho ang nawala sa sektor at bumagsak nang kalahati ang bahagi nito sa gross domestic product (GDP) mula lampas 20% tungong 10% na lamang. Noong 2019, nasa 9.2% na lamang ang bahagi nito sa GDP.

Hindi lamang sa sektor ng agrikultura naging mapaminsala ang liberalisasyon at globalisasyon. Ang nakaraang apat na dekada ng globalisasyon ay nagdulot ng malawakang pinsala sa ekonomya, ayon naman sa Ibon Foundation. “Higit kailanman, napakahirap nang maabot ang industriyalisasyon. Pinakamaliit ang bahagi ng pagmamanupaktura ngayon sa GDP mula dekada 1950 at mas dayuhan na ang sektor kaysa Pilipino laluna sa mga engklabo na nakatuon sa pag-eksport,” ayon sa grupo. “Hindi ito nakaugnay sa pambansang ekonomya liban sa pagkuha ng murang lakas-paggawa.”

AB: RCEP, wawasak sa agrikultura ng Pilipinas
n/a