Proyektong daan at sea wall sa Gubat Bay, ipinatitigil ng mga residente

,

Mariing tinutulan ng mga residente ng magkakatabing barangay sa Gubat, Sorsogon ang planong itayong coastal road at “sea wall” ng pambansang upisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Noong Nobyembre 2021, naghain sila ng petisyon para ipatigil ang mapanira at maanomalyang proyekto sa baybay harap ng kanilang mga barangay.

Bilang suporta, inihain ng Bayan Muna ang House Resolution 2534 noong Marso 25 para imbestigahan ang mapanirang epekto ng naturang proyekto sa kabuhayan ng mamamayan at sa kapaligiran.
Sasaklawin ng naturang proyekto ang baybayin ng magkakatabing barangay ng Balud del Norte, Cota na Daco at Cogon. Direktang apektado ng kalsada at “sea wall” ang mga residenteng pangunahing kumukuha ng kabuhayan sa pangingisda, pag-aalaga ng mga alimango at pagha-handicraft ng maliliit na kabibi. Tinatayang mahigit 1,000 maliliit na mangingisda at mag-aalimango mula sa ilang barangay sa Gubat ang mawawalan ng kabuhayan kung sesementuhin at haharangan ang baybayin. Nakikiisa rin sa kanila ang mga grupong makakalikasan, at maliliit na manininda sa lugar.

Ayon sa Save Gubat Bay Movement, may nauna nang ginawang katulad na proyekto sa ibang bahagi ng bayan, sa tabing ng umano’y pagharang sa mga storm surge o malakihang pag-apaw ng dagat. Pero nagresulta ito sa mga pagbaha dahil naharangan ang natural na pag-agos ng tubig tuwing may malakas na ulan. Sabi pa ng SGBM, matagal nang napatunayang inutil at lubhang magastos ang pagtatayo ng sea wall. Sa halip, anang grupo, mas epektibo kung pagyamanin ang mga bakawan, bahura at damong-dagat.

Sa kasalukuyan ay may mahigit 550 ektaryang bakawanan sa Gubat Bay, na nanganganib mawasak ng proyekto, gayundin, ang mahigit 1,600 ektarya ng damong-dagat at may 1,355 ektaryang bahura. Sa mga lugar na ito naninirahan ang iba’t ibang tipo ng isda at lamang-dagat, kabilang yaong mga endemic o doon lang matatagpuan. Sa naturang baybayin rin nangingitlog ang isang nanganganib na uri ng mga pawikan.

Inirereklamo rin ng mga residente at tagasuporta nila ang maanomalyang pagtatayo ng proyektong may daan-daang milyong pondo. Kahit walang pahintulot ang komunidad, inapura ito noong Nobyembre 2021 ng DPWH, sinang-ayunan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at pinagwalang-bahala ng lokal na gubyerno.

Ayon sa isang myembro ng SGBM sa isang panayam noong Pebrero, “patago nilang ginagawa kaya minamadali nila!”

Sa tatlong isinapublikong mga kontrata ng DPWH noong Nobyembre 2021, nagkakahalaga ng ₱93 milyon ang bawat isa sa mga ito. Pero Agosto pa lamang ng taong iyon ay inaprubahan ni DPWH Sec. Mark Villar na palobohin ito tungong ₱100 milyon. Isang kumpanya lamang ang magsasagawa ng proyekto.

Dahil sa pursigidong paglaban at protesta ng mga residente at kanilang mga tagasuporta, matagumpay nilang nailantad ang proyekto at naitulak ang pansamantalang paghinto nito noong Pebrero 21. Gayunman, nangangamba sila na ipilit pa rin ng DPWH ang proyekto, dahil bagamat maglulunsad umano ang ahensya ng konsultasyon sa komunidad, “maaaring hindi sila pagbigyan ng gubyerno,” sabi ng isang upisyal.

Mayroong di bababa sa walo pang katulad na proyekto sa iba’t ibang bahagi ng Sorsogon, na pinangangambahang magdudulot din ng parehong panganib sa kabuhayan at kapaligiran.

AB: Proyektong daan at sea wall sa Gubat Bay, ipinatitigil ng mga residente
n/a