SanRoque21 pinawalangsala Protesta sa panahon ng ECQ, makatwiran

,

Dalawang taon na matapos marahas na binuwag, inaresto at iligal na idinitine ng mga pulis ang 21 maralita na naggigiit ng kanilang karapatan sa pagkain at ayuda. Noong Hunyo 7, ipinawalangsala sila sa kasong paglabag sa mga alituntunin ng “enhanced community quarantine” o ECQ, ang pinakamahigpit at pinakamilitarisadong antas ng lockdown na ipinataw ng rehimeng Duterte gamit ang pandemyang Covid-19.

Ayon sa korte, karapatan ng mga residente ng Sityo San Roque na magprotesta noong Abril 2020 para sa sapat na pagkain. Anito, hindi saklaw sa mga ipinagbawal sa ilalim ng ECQ ang paglabas ng mga residente sa harap ng kanilang mga bahay para igiit ang kanilang pangangailangan sa pagkain. “Habang ang iba ay simpleng pumila sa grocery at supermarket para magkaroon ng pagkain sa panahon ng ECQ, ang mga kinasuhan sa kinonsolidang mga kaso, sa kasamaang palad, ay kinailangang magmakaawa at mamalimos para sa pagkain,” ayon sa desisyon.

Hindi rin umano labag sa Batas Pambansa 880 ang pagsasagawa ng mga akusado ng rali sa harap ng isang pampublikong lugar para iparating sa gubyerno ang kanilang hinaing, paggiit ng pagkain sa tulong ng mga plakard na may nakasulat na “Pagkain ang kailangan namin” at “Ibigay nyo ang para sa amin.” Ito ay kahit walang permit ang naturang pagkilos.

Ipinagdiwang ng mga kasapi ng grupong Kadamay-San Roque ang desisyon ng korte na iabswelto sila. Sa kanilang pahayag, isinaad ng #SanRoque21 na ang desisyong ito ay pagbibigay ng hustisya sa lahat ng mga nanawagan para sa kanilang karapatan na biktima ng pagsupil ng estado.

Bago ang desisyon, nagpaabot ng suporta at tulong ang iba’t ibang personalidad para sa kanilang pyansa at donasyon para sa mga residente ng Sitio San Roque sa panahon ng lockdown.

AB: Protesta sa panahon ng ECQ, makatwiran
n/a