Presidente ng Sri Lanka, napalayas ng dambuhalang protesta

,

Libu-libong galit na mga Sri Lankan ang sumugod at kumubkob sa palasyo ni President Gotabaya Rajapaksa sa Colombo, kabisera ng bansa, noong Sabado, Hulyo 9. Ang pagdumog sa palasyo ay rurok ng apat na buwan nang pagkilos ng mga Sri Lankan sa harap ng napakatinding krisis sa ekonomya, kagutuman at kahirapan. Napilitang lumayas sa palasyo si Rajapaksa sa araw na iyon. Ayon sa parlamento, upisyal na mag-anunsyo si Rajapaksa ng pagbibitiw sa pwesto sa darating na Hulyo 13.

Una nang natulak na magbitiw bilang prime minister ang kanyang kapatid na si Mahinda Rajapaksa noong Mayo 10. Ang ipinalit sa kanya na si Ranil Wickremesinghe, isang malapit na alyado ng mga Rajapaksa, ay nag-anunsyo na rin na magbibitiw siya sa pwesto.

Sa kasalukuyan, nananatili okupado ng libu-libong Sri Lankan ang palasyo para bantayan kung tuluyang magbibitiw sa pwesto ang mga kasapi ng gubyernong Rajapaksa. Noong Marso pa nagsimula ang panawagan para sa pagbibitiw ni Rajapaksa sa pwesto sa isang kilusang tinaguriang Gota Go Home (Gota umuwi ka na) na sa kalauna’y naging Gota go to jail (Ikulong si Gota).

Pumutok ang mga protesta dulot pangunahin ng palpak na tugon ng gubyernong Rajapaska sa krisis sa ekonomya na ibinusod ng dambuhalang utang na di na mabayaran. Dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng utang at pagbabawa ng “credit rating” (paggagrado ng mga banko) ng bansa, hindi makapangutang ulit ang Sri Lanka. Dahil dito, nasaid ang reserbang dolyar na ipinapambayad sa imported na langis, pagkain, gatas at gamot na kinakailangan ng bansa. Dagdag pa dito ang pagbagsak nang 77% ng halaga ng rupee (pera ng bansa) kontra sa dolyar mula 203 tungong 360 sa unang mga buwan ng taon.

Naging resulta nito ang matitinding kasalatan sa suplay ng pangunahing bilihin, at mahahabang pila para makabili ng batayang pagkain at kerosene (ginagamit pangluto) at langis ng pampublikong mga sasakyan na dinaranas ng mga Sri Lankan. Sumirit tungong 80% ang implasyon sa pagkain noong Hunyo. Umaabot sa 8 hanggong 10 oras na walang kuryente kada araw.

Pilit na itinuturong salarin sa krisis ng gubyernong Rajapaksa ang krisis sa pandemya at gera sa Ukraine, pero para sa mamamayang Sri Lankan, idinulot ito ng malawakang korapsyon, pagpataw ng mapaminsalang mga patakaran sa ekonomya, palpak na tugon sa pandemya ng gubyerno.

Kumalat ang mga larawan at bidyo sa social media nang pagkubkob ng daan-libong mga Sri Lankan sa palasyo ng presidente. Makikita sa mga ito ang pagbubunyi ng mga Sri Lankan habang kinakain nila ang pagkain sa kusina ng palasyo, hinihigaan ang kama ng presidente, paliligo sa swimming pool at paggamit sa mamahaling mga kasangkapan sa gusali.

Bilang paghahanda sa pagbaba sa pwesto ng presidente at gubyerno nito, ibinukas at iminungkahi ng mga oposisyong partido ang isang ‘all-party government’ o gubyernong binubuo ng lahat ng mga partido para mangasiwa sa bansa at krisis na kinakaharap nito.

Tinuldukan ng dambuhalang protesta ang dalawang dekadang paghahari ng mga Rajapaksa sa Sri Lanka.

AB: Presidente ng Sri Lanka, napalayas ng dambuhalang protesta
n/a