Prayer rally ng mga bakwit sa Marawi, dinahas ng pulis

,

Hindi pinayagan ng mga pulis ang mga bakwit ng Marawi na magtipon sa sentro ng syudad noong Nobyembre 25. Nagmartsa ang mga bakwit mula sa tinaguriang Kilometer Zero sa Barangay Saber tungong Barangay Bangon para maglunsad sana ng prayer rally.

Ayon kay Drieza Lininding ng Moro Consensus Group, hindi naituloy ng 500 bakwit ang kanilang prayer rally dahil dumating ang mga pulis at kinuha ang kanilang mga plakard at tarpulin. Binantaan din silang arestuhin kapag hindi kaagad umalis.

Panawagan ng mga bakwit ang kagyat na pagpasa sa batas na magbibigay ng kumpensasyon sa mga bahay at gusaling sinira ng pambobomba ng militar. Kailangang-kailangan nila ang pondo mula rito para muling maitayo ang kanilang mga bahay at kabuhayan.

Limang taon na mula nang pulbusin ng AFP ang Marawi sa ngalan ng pagsugpo sa “terorismo.” Hanggang ngayon, wala pang ibinibigay ang rehimeng Duterte sa daanlibong nawalan ng bahay dahil sa walang kapararakang pambobomba ng AFP. Mabagal ang proseso ng paglilista ng mga benepisyaryo. Nitong Nobyembre, kalahati pa lamang sa mga nagpalista ang naaprubahan. Sa halip na pabilisin ang konstruksyon ng mga nawalan ng bahay, binuhusan ng rehimen ng pondo ang pagtatayo ng mga imprastrukturang di esensyal tulad ng museo at iba pa. Nauna rin nitong inasikaso ang pagtatayo ng base militar sa mismong sentro ng syudad.

Sa ngayon, nasa pangalawang pagdinig pa lamang sa Senado ang Marawi Compensation Bill. Ipinasa ng Kongreso ang saili nitong bersyon. Pangamba ng mga bakwit na aabutan ng eleksyon ang panukala at hindi na ito maipapasa.

Noong Mayo 2020, tinatayang mayroon pang 126,000 residente ng Marawi ang naninirahan sa mga evacuation center at iba pang lugar. Marami sa kanila ang doble-doble ang pinapasan dulot ng pagragasa ng pandemyang Covid-19 at kawalan ng ayuda mula sa reaksyunaryong gubyerno.

AB: Prayer rally ng mga bakwit sa Marawi, dinahas ng pulis
n/a