Prangkisa ng SMNI, ipinatatanggal

,

Isang kasong administratibo ang isinampa kahapon, Mayo 4, sa National Telecommunications Commission laban sa SMNI News kaugnay ng pagbrodkas nito ng isang panayam sa hinatulang mamamatay-tao na si Gen. Jovito Palparan.

Nagtungo sa NTC sina Concepcion Empeño at Erlinda Cadapan, mga ina ng mga biktima ni Palaparan na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, para isampa ang reklamo. Kasama nila ang kanilang mga abugado na sina Rico Domingo at Tony La Viña, at si Tinay Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Hiling nila na tanggalan ng prangkisa ang SMNI.

“Lubos ang aming pagkadismaya at pagkabahala na ang isang mayhawak ng prangkisa…na may responsibilidad na magpalaganap ng tama o tumpak na impormasyon at balansyadong pagbabalita ay may sobra-sobrang kumpyansa na magsagawa ng gayong brodkas,” ayon sa isinumiteng reklamo. “(S)a pagsasahimpapawid ng interbyu, maling ginamit ng SMNI ang platapormang iginawad dito ng estado, at sa minimum ay pinahintulutan, sadya man o hindi, ang paggamit sa mga pasilidad para magpalaganap ng maling balita o impormasyon.” Anang mga nagreklamo, labag ito sa mga probisyon ng Republic Act No. 11422 at sa 2007 Broadcast Code of the Philippines.
Ang tinutukoy na brodkas ay isang interbyu ng tagapagsalita ng NTF-Elcac na si Lorraine Badoy-Partosa kay Palparan na isinahimpapawid ng SMNI noong Marso 30. Ang panayam ay wala diumanong pahintulot mula sa Bureau of Corrections kung saan nakapiit si Palaparan. Ang SMNI ay pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy, malapit na kaibigan ni Rodrigo Duterte, na ngayon ay tinutugis ng US dulot ng kasong sex trafficking.

“Si Palparan ay isang nahatulang kriminal at notoryus na tagapaglabag ng karapatang-tao,” ayon kay Palabay. “Binigyan siya ng SMNI ng tuntungan para magkalat ng mga kasinungalingan at magsagawa ng red-tagging laban sa kanyang mga biktima.” Sa pagbrodkas ng panayam kay Palparan ng isa pang hayok na red-tagger at malaking singungaling na si Badoy-Partosa, sadya ang pagpapalaganap ng disimpormasyon ang SMNI.

“Ang red-tagging ay isang malisyoso at nakamamatay na porma ng disimpormasyon,” aniya. “Nilabag ng SMNI ang mga probisyon ng prangkisa nang maging daluyan ito ng mga kasinungalingan at red-tagging. Sapat na itong dahilan para tanggalan ng NTC ng prangkisa (ang kumpanya).”

“Pinahahalagahan ng SMNI at NTF-Elcac ang mga kriminal at human rights violator tulad ni Palparan; sadya nilang ginagamit ang kanilang network para magpalaganap ng disimpormasyon at red-tagging para bigyan-katwiran ang kanilang karahasan at mga abuso ng gubyerno sa kapinsalaan ng aming mga anak at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang-tao,” ayon kay Gng. Cadapan.

AB: Prangkisa ng SMNI, ipinatatanggal
n/a