Partylist ng mga nars, iginiit na kilalanin ng Comelec

,

Nagrali ang mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Nurses United Partylist kahapon, Nobyembre 22, sa harap ng upisina ng Comelec upang igiit ang pagkilala sa kanilang partido at payagan silang makatakbo sa sistemang party-list sa eleksyong 2022.

“Ang Nurses United po ang kumakatawan sa pinakamalaking marginalized sector ng mga manggagawang kalusugan,” pahayag ni Maristela Abenojar, presidente ng partido at grupong Filipino Nurses United. “Biktima po kaming mga nurses ng kawalan ng hustisya at pagsasamantala lalo na ngayong panahon ng pandemya,” aniya. Mayroong mga nars sa mga pribadong ospital na sumasahod lamang ng ₱12,000 kada buwan.

Sa bawat 10 manggagawang pangkalusugan sa bansa, pito rito ay mga nars at nakararanas ng labis na inhustisya lalo na sa panahon ng pandemyang Covid-19, ayon kay Abenojar. Kaya mahalaga umano na mayroon silang kinatawan sa kongreso.

Dagdag pa niya, may mga nars na nagtatrabaho ng 12 oras para alagaan ang 15 hanggang 20 pasyente sa isang Covid-19 ward. Gayundin, sa 28,103 manggagawang pangkalusugan na nahawa sa Covid-19, higit 10,000 rito ay mga nars.

Inilinaw ng grupo na isinumite nila ang lahat ng kinakailangang rekisito at dokumento sa Comelec kaya nagtataka sila kung bakit hindi kinilala ang kanilang partido. Kabilang ang Nurses United sa 120 partylist na hindi kinilala ng Comelec. Ito ay habang ang ilang mga partidong kadikit ng mga Duterte tulad ng Duterte Youth ay nakapasok sa listahan.

Umaasa pa rin ang mga nars na tutugunan ng Comelec ang kanilang apela. Ilalabas ang pinal na listahan ng mga partidong pinayagang tumakbo sa sistemang party-list sa Disyembre 6.

AB: Partylist ng mga nars, iginiit na kilalanin ng Comelec
n/a