Pang-aatake sa mga sibilyan sa Samar, umaarangkada sa ilalim ng pandemya

, ,

Walang puknat ang pang-aatake sa mga sibilyan ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa gitna ng pandemya. Sa isang ulat na isinumite ng National Democratic Front-Eastern Visayas sa National Democratic Front of the Philippines, inilista nito ang mga kaso ng walang patumanggang pamamaril ng mga militar at pulis mula 2020.

Ang sumusunod ay ilan sa naitalang mga insidenteng ng pamamaril na kinasasangkutan ng:

  • 20th IB sa pamilyang Meraya sa Barangay Bagacay, Palapag, Northern Samar noong Hunyo 2020;
  • 78th IB sa 7 magsasaka, kabilang ang dalawang bata sa kamay ng 78th IB sa Borongan City, Eastern Samar noong Hulyo 2020;
  • 20th IB at CAFGU sa pamilyang Durin sa Barangay Natawo, Palapag, Northern Samar noong Hulyo 2020;
  • 78th IB sa magkakapatid na Cadello sa Barangay Quezon, General Macarthur, Eastern Samar noong Nobyembre 2020;
  • PNP-SAF sa apat na magsasakang nagdadala ng palay sa Barangay Cuenco, Las Navas, Northern Samar noong Pebrero 2021;
  • PNP-SAF sa anim na magsasaka malapit sa isang eskwelahan sa Barangay Cuenco, Las Navas Northern Samar noong Pebrero 2021;
  • mga tropa ng AFP sa magkakapatid na Ogatcho sa Barangay Balud, Silvino Lobos, Northern Samar noong Marso 2021;
  • PNP-SAF sa mga pagmamay-ari ng tatlong magsasakang residente ng Barangay Hitapi-an, Catubig, Northern Samar noong Hulyo 2021;
  • PNP-SAF sa isang magsasakang residente ng Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar noong Agosto 2021;
  • PNP-SAF sa apat na magsasakang residente ng Barangay Rizal, Gamay, Northern Samar noong Agosto 2021;
  • 20th IB sa tatlong magsasaka sa pagitan ng Epaw at San Isidro, Las Navas, Northern Samar noong Oktubre 2021;
  • PNP-SAF sa isang mag-amang magsasaka sa kanilang sakahan sa Barangay San Vicente, Catubig noong Oktubre 2021;

Nagsumite rin ng ulat ang NDF-EV sa Special Office for the Protection of Children ng NDFP kaugnay ng walang-patumanggang pamamaril sa mga bata at kabataan ng mga sundalo ng 20th IB sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar noong Pebrero 8.

“Nais naming pasinungalingan ang hinabing kwento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang dalawang bata ay napatay sa”crossfire” sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at 20th IB, at napaslang ng mga bala ng BHB,” saad ng NDF-Eastern Visayas sa sulat.

Inilakip ng NDF-Eastern Visayas ang salaysay at ulat ng BHB-Eastern Visayas kaugnay ng insidente. Nakasaad dito na a) alas-3 ng hapon isinagawa ang kontra-reyd ng BHB laban sa 20th IB na tumagal lamang ng ilang segundo at b) isang hiwalay na yunit ng 20th IB ang nagpaputok sa mga bata.

Nailinaw pa umano ng isang batang biktima na nag-aagaw buhay sa ospital na mga sundalo ang bumaril sa kanila. Anang BHB-Eastern Visayas, alam ng buong baryo ng Roxas ang katotohanang ito.

Tinanggap ngayong araw ni Consuelo Ledesma, kasalukuyang nangungulo sa Special Office for the Protection of Children ng NDFP, ang naturang ulat.

AB: Pang-aatake sa mga sibilyan sa Samar, umaarangkada sa ilalim ng pandemya
n/a