Matapos makaapak sa patibong ng baboy Pamilyang Mangyan sa Mindoro, niratrat ng 4th IB at SAF, bata patay

, ,

Pinaulanan ng bala ng mga elemento ng 4th IB at Special Action Force ng PNP ang isang bahay ng katutubong Mangyan Buhid na si Ginoong Inyab sa Sityo Tauga Daka, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Hulyo 3 matapos silang nakaapak sa patibong para sa baboy. Napatay sa pamamaril ang isang bata.

Nagalit ang mga sundalo at pulis nang aksidenteng matapakan nila ang patibong o balatik na inilagay ni Inyab sa kanyang lupain. Ang mga balatik ay para sa panghuhuli ng baboy damo. Nasugatan ang mga sundalo at pulis na nakaapak sa mga patibong at nagwala.

Matapos ang insidente, pinalabas ng mga sundalo na naka-engkwentro nila ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa naturang barangay. Nakakuha pa diumano sila ng armalayt, mga bala at magasin sa gawa-gawang sagupaan. Ipinakakalat pa nito sa social media ang larawan ng bangkay ng pinaslang na menor de edad at pinalabas na Pulang mandirigma para itago ang kanilang krimen.

Dagdag dito, iligal na inaresto at dinala ng mga sundalo sa Sityo Hingin, Barangay Lisap, Bongabong si Inyab, kasama ang isang matandang babae at isang bata.

Kinundena ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, ang walang pakundangang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo sa isang bata. Aniya, itutulak ng katulad na mga insidente ang mamamayang Mindoreño na lumaban at mag-armas para depensahan ang kanilang mga karapatan.

AB: Pamilyang Mangyan sa Mindoro, niratrat ng 4th IB at SAF, bata patay
n/a