Pamana ng diktadurang Marcos I: Pagkasira ng mga bakawan

Ginunita noong Hulyo 26 ang International Day for the Conservation of the Mangrove Ecosystem bilang pagkilala sa natatanging papel ng mga bakawan bilang depensa sa mga sakunang dala ng storm surge, tsunami, pagtaas ng tubig sa karagatan at pagguho ng lupa. Kinilala din sa araw na ito ang malaking papel ng mga bakhawanan sa ekosistemang pinagkukunan ng batayang pagkain ng milyun-milyong mamamayan.

Sa Pilipinas, katulad sa buong mundo, maliit na bahagi na lamang ang natitirang bakawan kumpara sa lawak at lapad ng mga ito sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang mabilis na pagkawasak ng mga ito ay naganap sa ilalim ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr. na nagbigay-laya sa walang patumanggang pagpapalawak ng mga komersyal na palaisdaan.

Humigit-kumulang 450,000 ektarya ang mga bakawanan ng Pilipinas noong 1920. Sa panahong ito, nakakonsentra ang mga palaisdaan sa Manila Bay (hilagang bahagi ng Metro Manila, Bulacan at Bataan.) Sa dekada 1950 hanggang 1980, umabot sa 279,000 ektarya ang nawala dulot ng pagpapalawak ng mga palaisdaan sa mga baybayin.

Pangunahing salarin ang Fishing Lease Agreement (Presidential Decree 704 ng 1975) ng diktadurang Marcos na nagpahintulot sa malawakang pagputol sa mga bakawan (na noo’y itinuturing na “di produktibo” na mga lugar) para bigyan daan ang mga palaisdaan. Pangunahing produkto ng mga ito ang bangus at sugpo na pang-eksport.

Dalawang taon matapos isabatas ang FLA, kalahati na lamang ang natirang bakhawanan (220,243 ektarya) dulot ng mabilis na kumbersyon ng mga ito. Sa natitirang bakawanan, 78,000 ektarya lamang ang idineklarang preservation at conservation area. Liban sa pagkasira ng mga bakawan, nagdulot ng malawakang dislokasyon sa komunidad at kabuhayan ng mga mangingisda, at pagbagsak ng produktibidad sa pangisdaan ang paglawak ng komersyal na mga palaisdaan para sa eksport.

Sa ilalim ng FLA, maaaring hawanin ang mga bakawanan at “upahan” ang lugar sa loob ng 25 taon sa halagang ₱50 kada ektarya. Malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador ang mga nakinabang dito. Noon na lamang 1992 itinaas ang upa tungong ₱1,000 kada ektarya.

Ang FLA ay naging salalayan ng hungkag na Fisheries Code of 1998 (Republic Act 8550) at patuloy na nananalasa ngayon sa mga mangingisda.

AB: Pamana ng diktadurang Marcos I: Pagkasira ng mga bakawan
n/a