Pagmimina sa Benguet, hinadlangan ng mga katutubong Mankayan

, ,

 

Hindi binigay ng mga katutubong komunidad sa Mankayan, Benguet ang kanilang permiso para sa pagmimina ng Cordillera Exploration Inc o CEXCI na nakatakdang sumaklaw sa mahigit 11,000 ektarya ng kanilang lupang ninuno.

Sa isang “resolusyon ng hindi pagpayag” na inilabas ng Mankayan Ancestral Domain noong Disyembre 20, tumanggi ang mga lider at nakatatanda ng mga katutubong komunidad na ibigay ang kanilang pagsang-ayon o Free and Prior Informed Consent (FPIC). Alinsunod sa Revised FPIC Guidelines ng 2012, ang pagkuha ng gayong “pagpayag” ng mga komunidad ay rekisito bago makapag-opereyt ang isang kumpanya sa lugar na bahagi ng lupaing ansestral ng mga katutubo.

Sa 12 barangay na apektado, pito ang hindi sumang-ayon, tatlo ang nagbigay ng pagpayag at dalawa ang hindi pa nakapagdesisyon. Balak minahin ang yamang tanso at ginto na matatagpuan sa naturang mga barangay.

Sa kanilang resolusyon, binigay ng mga katutubo na mga dahilan ng kanilang di pagsang-ayon ang sumusunod:

1) hindi magkahiwalay ang mining operation sa mining exploration;

2) kailangang pangalagaan ang mga natitirang kapaligiran at rekurso ng Mankayan, laluna ang tubig;

3) lumilikha ang pagmimina ng dibisyon at tunggalian sa pagitan ng mga katutubong komunidad; at

4) may mga negatibo na silang karanasan sa pamimina, tulad ng pag-ako ng Lepanto na bahagi ang kanilang lupang ninuno sa mining patent nito.

Nagpugay ang grupong Kalikasan PNE sa mga lider at nakatatanda ng Mankayan na tinawag nitong mga tagapagtanggol ng kapaligiran. Anito, malaking bagay na lagi’t laging maaasahan ang mga mamamayang katutubo sa pagtatanggol ng mga rekurso ng sambayanan.

AB: Pagmimina sa Benguet, hinadlangan ng mga katutubong Mankayan