Pagkandidato ni Duterte sa Senado, kinutya ng mga demokratikong grupo

“Dagang nasusukol” ang paglalarawan ni Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Partylist, sa biglang paghapag ni Rodrigo Duterte ng kandidatura pagkasenador noong hapon ng Nobyembre 15. Isa itong “desperadong tangka” para makaiwas sa mga kasong kriminal na naghihintay sa kanya pagkatapos ng kanyang termino.

TInawag din ng grupong Karapatan ang kandidatura ni Duterte bilang pagtatangka na iwasan ang kanyang pananagutan sa International Criminal Court at sa iba pang larangan. Isa itong “napakaimbi, oportunista at tusong pagtatangka”, katulad ng pagtatangka ng kanyang anak, alalay at alyado sa kanilang pagtakbo sa 2022.

Tanda ng “nabibitak na koalisyon” ang pagtingin ni Rep. Carlos Zarate ng Bayan Muna sa pagtakbo ni Duterte. “Nagsusumikap si Duterte na manatiling may silbi,” aniya, laluna sa panahong ang kanilang dating ipinagmamalaking koalisyong DDS (Duterte Die-hards) ay nalulusaw tungo sa magkakalabang pangkat.

“Basag na ang alyansang Marcos-Arroyo-Duterte,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Sa ngayon, nakapangyayari ang mga Marcos. Gayunpaman, hawak ni Duterte ang kaso para ipadiskwalipika si Makoy Jr,” aniya.

Naghapag si Duterte ng kanyang kandidatura sa halos huling oras na itinakda para sa paghahalinhan ng mga kandidato. Bago nito, inianunsyo ng kanyang anak na si Sara Duterte-Carpio ang kandidatura niya pagkabise-presidente sa ilalim ng Lakas-CMD. Naunsyami ang pagtakbong presidente ni Duterte-Carpio matapos tumangging magparaya ni Ferdinand Marcos Jr. Ikinagalit ng matindi ni Duterte ang pagpwesto ng mga Marcos kay Duterte-Carpio bilang bise-presidente. Bilang ganti, ipinatakbo niyang pagkapresidente ang kanyang alalay na si Bong Go para direktang hamunin ang kandidatura ni Marcos Jr.

Ang huling-oras na mga pagpapalitan ng pusisyon ay bunsod ng di matapos-tapos na mga tunggalian sa pagitan ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte. Habang naghapag ng kandidatura si Duterte sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), nagpahayag na ng kahandaan ang Lakas-CMD na “ampunin” siya bilang kandidato. Ang PDDS ang partidong nagdadala kay Go bilang kandidato pangkapangulo. Pareho nilang binitawan ang PDP-Laban, ang orihinal na partidong binalak nilang maging behikulo ng kandidatura ni Duterte-Carpio, katambal si Go.

Ang Lakas-CMD na nagdadala ngayon kay Duterte-Carpio ay partido ng mga Arroyo. Inendorso siya ng partido ni Marcos Jr bilang bise pero hindi ito kinikilala o pinansin ng Lakas-CMD o ni Duterte-Carpio hanggang sa ngayon. Walang rin pagpahayag si Duterte-Carpio na siya’y sumusuporta kay Marcos Jr.

AB: Pagkandidato ni Duterte sa Senado, kinutya ng mga demokratikong grupo
n/a