“No Objection” iniatras ng BFAR sa reklamasyon sa Cebu

,

Nagdiwang ang mga residente ng Tayud, Consolacion, Cebu matapos iatras ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Central Visayas ang ibinigay nitong permiso para matuloy ang 231.35 ektaryang proyektong reklamasyon na sasaklaw sa Barangay Tayud, Consolacion. Ang proyektong ito ay itinutulak ng lokal na pamahalaan ng Consolacion at La Consolacion Seafront Development Project.

Ang La Consolacion Seafront Development Project ay naglalayong magtayo ng mga komersyal at panturismo na imprastruktura sa lugar. Pagmamay-ari ito ni Congressman Victor Yap, kinatawan ng ikalawang distrito ng Tarlac at kanyang kapatid na si Jose Jr., dating meyor ng San Jose, Tarlac.

Iniatras noong Marso 2 ng BFAR ang kanyang Letter of No Objection na kanilang inilabas nong Hunyo 28 sa pagdadahilang hindi nila saklaw diumano ang pagproseso ng ganitong aplikasyon dahil sa laki ng saklaw nitong erya.

Nauna nang inilabas ng ahensya ang LONO sa katwiran na walang masisirang yamang dagat sa lugar noong Hunyo 28. Subalit tinunggali ito ng mga mangingisda ng Consolacion at mga katabi nitong Mandaue at Lapu-Lapu. Anila kung matutuloy ang reklamasyon mawawalan sila ng lugar ng pangisdaan.

Bago nito, nagkaroon ng serye ng mga pagkilos ang mga mangingisda, residente ng Barangay Tayud, mga manggagawa sa pier ng Consolacion at mga tagapagtaguyod ng kalikasan. Sa kanilang petisyon, iginiit nila na ang erya ng Tayud ay idineklarang “wetland zone,” dahil mayaman ito ng mga species ng ibon at puno ng mangrove. Nagbabala rin sila na maaaring magdulot ng matinding pagbaha ang pagkawasak ng ecosystem dito.

Tinatayang may 3,000 manggagawa ng pier at 500 mangingisda ang mawawalan ng kabuhayan kung matutuloy ang reklamasyon.

AB: “No Objection” iniatras ng BFAR sa reklamasyon sa Cebu
n/a