#NeverForget: Pag-aalsang EDSA sa ika-36 taon at pagtatakwil sa mga Marcos

Inilunsad sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga protesta para gunitain ang ika-36 na taong anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa kahapon, Pebrero 25. Kasabay ng pagdakila sa naging pagkakaisa at tagumpay ng mamamayan noong 1986, malinaw ang sigaw ng taumbayan para biguin ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan at pananatili ng mga Duterte sa estado-poder sa nalalapit na pambansang eleksyon.

Higit 4,000 katao ang lumahok sa martsa ng bayan patungo sa People Power Monument sa Edsa, Quezon City kahapon. Inilunsad ang programa sa pamumuno ng Carmma (Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law) kung saan ipinanawagan: “Ang pinatalsik ng Edsa, huwag nang ibalik pa!.” Lumahok sa naturang protesta ang mga beteranong aktibista na lumaban sa diktadura, mga kabataan at iba pang mga sektor.

Ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kaugnay ng mga umuugong at lumulutang na pahayag na “ito na ang huling Edsa,” na hindi mapipigilan ang sambayanan na gunitain ang pag-aalang Edsa. “Hindi mangyayaring ito na ang huling Edsa. Ang Edsa, nasa tao ‘yan. Tayo ang Edsa!,” ayon sa kanya.

“Teach-in” o isang malaking klase ang tipo ng protestang inilunsad ngayong taon sa paggunita sa Edsa. Nais nitong magbalik-aral sa naging paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa diktadura at simbolikong paglaban sa malawakang rebisyon o pagbabaluktot sa kasaysayan at pagbura sa mga kasalanan ng pamilyang Marcos sa bansa.

“Kung may mahalagang aral na hindi kailanman dapat malimutan, katulad ng EDSA noon, ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng mamamayan, wala sa naghaharing iilan. Ang tunay na lakas ay ang sambayanang nagkakaisa,” idinagdag ni Reyes.

Para naman sa grupong Carmma, ang pagkilos ngayong taon ay pagpapakita ng pagkontra sa panunumbalik ng kurakot at tiranikong pamumuno ng mga Marcos sa bansa. “Isiwalat natin at labanan ang nagpapatuloy na pambabaluktot [ng mga Marcos] sa ating kasaysayan,” dagadag nito.

Ang programa ng Carmma na nagtapos ng tanghali ay sinundan ng iba pang mga paggunita at pagkilos ng ibang mga grupo bilang paggunita sa aniberasryo ng Edsa sa People Power Monument. Ang iba ay nagtirik ng kandila bilang simbolo ng pagkilala sa kabayanihan ng mga martir ng Edsa at pagpapatibay ng bagong lakas at pag-asa na biguin ang banta at panunumbalik ng tiraniya.

Hindi lamang sa kahabaan ng Edsa

Liban sa mga aktibidad sa Edsa, inilunsad ang iba’t ibang pagtitipon at programa sa buong bansa.

Sa Baguio City, nagtipon ang iba’t ibang mga grupo sa harapan ng Baguio Cathedral para sa isang programa ng komemorasyon. Nagpahayag ng pakikiisa sa programa ang kasalukuyang mayor ng lungsod na isang dating sundalong tumiwalag at lumaban kay Marcos Sr.

Naglunsad ng isang unity walk o martsa ang mga kabataan at residente ng Dagupan, Pangasinan mula sa St. John’s Cathedral tungo sa sentro ng bayan. Lumahok dito ang unang nominado ng Bayan Muna Party-list na si Teddy Casino.

Sa Tarlac, Tarlac, nagsagawa ng isang Peace Rally ang mga gumumuginta sa Pag-aalasng Edsa. Lumahok sa naturang pagtitipon ang mga kabataang kasapi ng Kabataan Party-list.

Nagkasa ng protesta ang mga Bikolano sa Naga City kung saan higit 200 ang lumahok sa isang martsa-protesta sa sentro ng syudad. Pinangunahan ang pagkilos ng mga grupong pambansa-demokratiko.

Pinamunuan ng Bayan-Panay ang pagtitipon ng mga aktibista at progresibo sa harap ng ABS-CBN Station sa La Paz, Iloilo City. Ayon sa grupo, sa harap ng istasyon sila nagtipon bilang simbolikong paggigiit ng kalayaan sa pamamahayag na siyang pangunahing inatake ng diktadurang Marcos noong panahon ng batas militar.

Nagprotesta rin ang mga grupong pambansa-demokratiko sa Santiago City at Solano sa Nueva Vizcaya, Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan, Calamba City, Bacolod City at Davao City. Samantala, ang mga progresibo at aktibista ng Cebu ay nagmartsa sa Osmeña Blvd., Cebu City noong Pebrero 24. Pinamunuan ang protesta ng Carmma-Cebu.

Nagsagawa ng sabayang pagkalembang ng mga kampana ang mga katedral sa Metro Manila bilang pakikiisa sa araw ng Edsa. Isang ekumenikal na pagtitipon din ang inilunsad ng iba’t ibang denominasyon sa San Roque Cathedral, Caloocan City.

Bago nito, nagbabala ang mga Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa tinawag nitong “radikal na mga pambabaluktot sa kasaysayan sa kasaysayan ng batas militar.”

Anito, “naalarma kami sa pambabaluktot sa katotohanan at pagtatangkang burahin o wasakin ang ating kolektibong pag-alala sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kasinungalingan at maling naratibo.” Nakikita ito ng CBCP na peligroso, dahil “lalasunin nito ang ating kolektibong kamulatan at wawasakin ang pundasyong moral ng ating mga institusyon.”

Tinukoy nito ang mga troll farm na “nagpapakalat ng bayrus ng kasinungalingan” at sinabing maaaring nagagamit mismo ang mamamayan sa pagpapalagap ng mga ito.

Susi ang pagkilos ng mga madre, pari at iba pang taong simbahan sa tatlong araw sa EDSA para tuluyang pabagsakin ang diktador.

AB: #NeverForget: Pag-aalsang EDSA sa ika-36 taon at pagtatakwil sa mga Marcos
n/a