Mga sundalong nag-eespiya, tinambangan sa Surigao del Sur

,

“Malaking kasinungalingan!” Ito ang sagot ng BHB-Surigao del Sur (BHB-SDS) sa ipinakakalat na disimpormasyon ng 36th IBPA na nagdadala ng relief goods ang mga sundalo nila nang ambusin ng mga Pulang mandirigma noong Disyembre 15 sa Barangay San Vicente, Madrid, Surigao del Sur.

Nasawi sa ambus ang tatlong sundalong mga tauhan sa intelligence at sangkot sa mga operasyong pag-eespiya. Sila ay pawang lehitimong target militar.

Ayon kay Ka Sandra Sidlakan ng BHB-SDS, ang totoo, walang lamang relief goods o anumang ayuda ang Isuzu pick-up na mayroong plate number na KC-303 na lulan ng mga sundalo.

Sa nangyari, nakumpiska ng mga Pulang mandirigma ang tatlong .45 pistola, mga cell phone at ID card na nagpapatunay na sila ay mga sundalo.

Samantala, hindi inaasahang nadamay ang dalawang sibilyang sakay ng motorsiklo nang bigla nilang unahan ang pick-up. Inaako ng BHB ang kahinaan dito at humihingi ng paumanhin sa mga sibilyang nadamay at kanilang kaanak. Nangako naman silang magbibigay ng danyos kaugnay dito.

Pinasinungalingan din nila ang pinakakalat ni Gov. Alexander Pimentel, gubernador ng Surigao del Sur, na mayroong sibilyan na nasawi sa opensiba.

AB: Mga sundalong nag-eespiya, tinambangan sa Surigao del Sur
n/a