Mga manggagawa, sinariwa ang mga karanasan sa ilalim ng batas militar

,

Sa okasyon ng ika-50 taong anibersaryo ng Martial Law, sinariwa ng mga manggagawa ang kalagayan ng kanilang sektor sa ilalim ng batas miltiar. Kasabay nito, kinutya nila ang deklarasyon kamaikailan ni Ferdinand Marcos Jr, kandidatong pagkapresidente, na wawakasan niya ang kontraktwalisasyon.

“Hindi kailanman wawakasan ni BBM (“Bongbong” Marcos) ang kontraktwalisasyon,” pahayag ni Jerome Adonis, pinuno ng Kilusang Mayo Uno, ngayong araw, Pebrero 25. “Hindi siya kailanman naging kakampi ng mga manggagawa. Wala kaming inaasahan sa kanya.”

Aniya, si Ferdinand Marcos Sr, ang nagpasimula ng kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng Batas Paggawa na ipinataw noong 1975. Laman ng batas na ito ang isang probisyong na nagpasimula sa kontraktwalisasyon. Ang probisyong ito nagpasiklab ng unang welga sa ilalim ng batas militar — ang welga ng mga manggagawa ng La Tondena sa parehong taon — na bumasag sa katahimikan at takot na pinairal ng batas militar. Mula rito, unti-unting bumangon ang kilusang anti-pasista na lumundo sa pagpapatalsik sa pamilyang Marcos noong Pebrero 25, 1986.

Sa ilaim ng batas militar, sumirit ang implasyon at taas-presyo ng pangunahing mga serbisyo at bilihin. Tatlong beses na pumalo sa pinakamataas na tantos ang implasyon — 21% noong 1971, 32% noong 1974 at 50% noong 1984.

Bago naganap ang pandemyang Covid-19, pinakamataas ang tantos ng disempleyo sa buong kasaysayan ng Pilipinas noong 1985 (12.6%). Pinakamatarik din ang ibinagsak sa tunay na halaga ng sahod — 43% para sa mga manggagawang bukid at 71% sa mga manggagawa di agrikultural. Sa taong ito, ang sahod ng mga nasa National Capital Region ay nagkakahalaga na lamang ng ₱7.99.

Noong 1975, isinabatas ng diktadura ang Batas Paggawa na lumikha ng balon ng mga manggagawa na para sa pag-eksport (kalauna’y naging “overseas Filipino worker.”) Bago nito, isinabatas rin ni Marcos ang Republic Act No. 5490 noong 1965, na nagtatag ng unang foreign trade zone sa Mariveles, Bataan. Noong 1972, pinalawak niya ang saklaw ng batas na ito at itinayo ang Export Processing Zone Authority. “(Si Marcos ang) pasimuno ng EPZA, paraiso ng mga kapitalista, impyerno sa manggagawa,” ani Adonis.

Ininda ng mga manggagawa sa ilalim ng batas militar ang masasahol at hindi makataong kalagayan sa paggawa. Isang pinakamatingkad na kaso ng kawalang pakialam ng diktadura ang pagkamatay ng puu-puong manggagawa na nabaon nang gumuho ang bubong ng pinagagawang gusali (Manila Film Center) ng asawa ng diktador na si Imelda Marcos noong 1981. Imbes na hukayin ang mga bangkay, iniutos ni Imelda na buhusan ang mga ito ng semento para di maantala ang pagbubukas ng gusali.

Para patahimikin ang mga manggagawa at pigilan ang kanilang pag-uunyon at paglaban, sunud-snod na mga batas at kautusan ang ipinatupad ni Marcos. Sa bisa ng isa sa mga ito, ang Letter of Instruction No. 1458, umabot sa 81 manggagawa ang napatay noong 1985. Ikinulong din ang 293 lider-manggagawa at organisador. Sa ilalim ng kautusang ito, binigyan ni Marcos ng kapangyarihan ang mga pulis at sundalo na manghimasok at buwagin ang mga piket at welga,

Labas dito, sadyant tinarget ng diktadura ang mga lider-manggagawa. Noong 1985, umabot sa 39 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang (tinawag na “pagsalbeyds” sa panahon na iyun). Dagdag sa bilang na ito ang 46 na pinatay simula 1972. Walo ang naitalang sapiltang dinukot at di na muling na nakita pa.

Gayunpaman, hindi nagpadaig ang mga manggagawa. “Bago ang pag-aalsang EDSA, umaabot sa 405 ang aktibong welga laban sa pagpapahirap at panunupil,” ayon kay Adonis. “Kumilos ang mga manggagawa hindi lamang para sa sahod at trabaho, kundi para sa tunay na panlipunang pagbabago.”

AB: Mga manggagawa, sinariwa ang mga karanasan sa ilalim ng batas militar
n/a