Mga kumpanya sa langis, binatikos ng mga drayber sa “malaswang pagkamkam ng tubo”

,

Nakatakdang tumaas nang hanggang P6 kada litro ng diesel bukas. Pansampung pagtaas na ito ng presyo ng langis ngayong taon. Kaliwa’t kanan na ang reklamo ng mga drayber ng mga pampublikong sasakyan dahil sila ang pangunahing bumabalikat sa mga pagtaas at hindi naman itinataas ang pamasahe.

“Sinasabi ng malalaking kumpanya na ang gyera sa Ukraine ang dahilan ng sunod sunod na pagtaas ng presyo ng langis,” ayon sa presidente ng grupong Piston na si Modesto Floranda. “Subalit ang primarya salik nito ay ang Republic Act 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act… Sinasamantala ng malalaking kumpanya ng langis ang kawalan ng regulasyon sa pagbebenta para sa malaswang pagkamkam ng tubo…”

Kahapon at ngayong araw, naglunsad ng piket ang grupo para kundenahin ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ipanawagan ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at mga buwis na nakapatong sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa grupo, sagad na sagad na sila sa kahirapan dulot ng pandemya. Kakarampot na lamang ang kanilang kinikita kaya sobrang pasakit sa kanila ang pagtaas ng presyo ng langis. Katunayan, hanggang sa kasalukuyan, mayroon pang 9,809 na sasakyan (15%) sa 66,736 bus, dyip at UV express na hindi pa pinapayagang mamasada.

Para makaagapay, iginigiit ng Piston na kagyat na ilabas na ang fuel subsidy na inilaan sa mga drayber para sa taong 2022. Ayon sa batas, maaari itong ilabas ng Department of Budget and Management kapag tuluy-tuloy na nasa $80 pataas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan.

Umabot na sa $120 kada bariles ang presyo ng krudong langis.

Isa pang rekisito ng paglalabas ng subsidyo ang pagkumpleto ng mga drayber ng aplikasyon para sa kani-kanilang prangkisa — na isang iskema sa ilalim ng pakanang “modernisasyon ng mga dyip.” Dedlayn ng pagpaparehistro sa Marso 31 pa, matapos makumpleto ang pagpaparehistro ng mga prangkisa ng dyip. Ito ang panimulang hakbang sa dati nang nilalabanan ng mga drayber na phase-out sa maraming dyip sa daan.

“Paano kami makabebenepisyo sa subsidyo kung malamang na ipe-phase out ang aming mga dyip?” tanong ni Ruben Baylon, pangkalahatang kalihim ng grupo.

Nananawagan ang mga drayber na itigil na ang pagpapahirap sa kanila at agad nang ilabas ang ayuda dahil di na sila makaagapay sa sobrang taas ng presyo ng langis.

“Pag sinabi mong ayuda, di dapat ipinaghihintay ng ilang linggo o buwan bago ito irelis,” ayon kay Floranda. Dapat ay tumanggap ng ayudang P6,500 ang kada isa sa 377,443 drayber ng mga pampublikong sasakyan. Pinaglaanan ito ng P2.4 bilyon sa badyet para sa 2022.

AB: Mga kumpanya sa langis, binatikos ng mga drayber sa "malaswang pagkamkam ng tubo"
n/a