Mga guro, ikinagalit ang pagtanggi ni Marcos na tanggalin ang buwis sa kanilang honoraria

Binatikos ng mga guro noong Hulyo 29 ang pagtanggi ni Ferdinand Marcos Jr na pirmahan ang batas na magliligtas sa buwis sa honoraria, alawans o at iba pang pampinansyang benepisyong nakuha nila kapalit ng kanilang serbisyo noong nakaraang eleksyon.

Tinawag ito ni ACT Teachers Rep. France Castro na insulto sa lahat ng mga guro na nagsilbi sa nakaraang mga eleksyon sa kabila ng mahahabang oras at mataas na risgo. Aniya, makatarungan ang kanilang hiling na tanggalin ang 20% ipinataw na buwis sa kanilang kumpensasyon. Unang ipinataw ang pagbubuwis na ito noon lamang 2018. Ayon kay Castro, ni walang batas na nagpahintulot dito.

“Sa administrasyong ito, ang nakikita natin ay pagpapatupad ng exemption sa korapsyon at mayayaman at pagpapataw ng mas mataas at dagdag na buwis naman sa mga mahihirap at ibang propesyunal tulad ng mga guro,” ani Castro. “Ang mga guro at ordinaryong mamamayan ay nagbabayad sa kanilang mga buwis sa tamang panahon, kada taon, gaano man kataas o di makatarungan ang mga ito. Pero andito itong taong mula sa pamilyang may utang sa bansa na P203 bilyon, siya pa ang nag-veto at nagkait ng economic relief (o pansamantalang kaginhawaan) sa libu-libong mga guro.”

Patuloy na ipaglalaban ng mga guro ang makatarungang kumpensasyon para sa kanilang serbisyo sa eleksyon, ayon kay Castro.

AB: Mga guro, ikinagalit ang pagtanggi ni Marcos na tanggalin ang buwis sa kanilang honoraria
n/a