Mga drayber at konduktor ng Libreng Sakay Program, di pa bayad!

,

Nagpiket kahapon ang mga drayber at konduktor ng bus at iba pang empleyado sa harap ng upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) upang batikusin ito sa pagkaantala ng pagbayad sa kanilang serbisyo sa ilalim ng EDSA Carousel Libreng Sakay Program.

Ang mga drayber at konduktor ay mga myembro ng grupong MANIBELA (Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers).

Muling nag-opereyt ang Libreng Sakay Program noong Setyembre 2021 matapos maglaan ng ₱3.4 bilyon na pondong pambayad sa mga opereytor ng mga bus at insentibo sa mga drayber at konduktor. Dagdag dito ang ₱3 bilyon na para sa 2022.

Sinimulan ang programa noong nakaraang taon upang punuan ang malaking pangangailangan ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pandemya. Nagkulang ang pampublikong transportasyon laluna sa mga panahong ipinagbawal ang pagpasada ng mga dyip sa lansangan.

Reklamo ng mga drayber at konduktor ng bus, marami sa kanila ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang lingguhang bayad hanggang sa ngayon. Nakatanggap ang ilan sa kanila pero para lamang sa dalawang araw kapalit ng isang linggong serbisyo.

Nagpahayag din ang mga drayber at konduktor ng pangamba na mawawalan sila ng trabaho nang mag-anunsyo ang LTFRB na wawakasan na nito ang Libreng Sakay Program noong Nobyembre 6. Sa ibang rehiyon, noon pang Oktubre 21 winakasan ang mga kontrata.

Inireklamo rin nila ang pagpapatupad ng probisyon na nagbabawal sa mga manggagawa na hindi pa bakunado.

AB: Mga drayber at konduktor ng Libreng Sakay Program, di pa bayad!
n/a