May kanser na bilanggong pulitikal, namatay sa Palawan

,

Namatay kahapon, Nobyembre 18, si Antonio Molina, isang magsasakang aktibista na ikinulong sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives. Kasama siya sa anim na iba pang dinakip noong Oktubre 2019. Si Molina, 67, ay may sakit na kanser sa tiyan. Makailang beses nang hiniling ng kanyang kapamilya at abugado na palayain siya sa batayang makatao pero paulit-ulit silang tinanggihan.

Isinugod si Molina sa isang ospital sa Puerto Princesa City noong gabi ng Nobyembre 18 matapos atakehin sa puso. Pasado alas-10 nang tuluyan siyang namatay.

Nanawagan ang Kapatid, grupong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal, na magkaroon ng independyenteng imbestigasyon para tukuyin ang pagkakasangkot at pananagutan ng mga upisyal ng Puerto Princesa City Jail sa pagkamatay ni Molina. Ipinanawagan din nila na imbestigihan ang “walang-habag” na korte.

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, “matagal na kaming humihiling sa gubyerno para sa kanyang makataong pagpapalaya simula nang taningan ng anim na buwan ng mga doktor dahil sa kanyang malubhang kalagayan dulot ng matinding sakit.” Dismayado niyang sinabi, “Pero ang mga mosyong inihain ng mga abugado sa karapatang-tao ay binalewala ng Regional Trial Court Branch 51 ng Puerto Princesa.”

Dagdag pa ng grupo na humiling sila sa korte at upisyal ng kulungan na ilipat si Molina sa isang ospital upang mahusay siyang maalagaan pero hindi ito pinahintulutan at sinabi pa ng warden ng kulungan na hindi naman daw nakaratay sa kama si Molina.

Si Molina ang ika-anim na bilanggong pulitikal na namatay sa panahon ng pandemya. Ayon sa Kapatid, walang ulat kung nagpositibo ba siya sa Covid-19 dahil sa siksikang kulungan na kanyang pinanggalingan.

AB: May kanser na bilanggong pulitikal, namatay sa Palawan
n/a