Marawi compensation, kulang at huling-huli

,

Noong Abril 13, pinirmahan ni Rodrigo Duterte ang RA 11696 o “Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022.” Alinsunod dito, magbubuo ng ahensya na magpoproseso sa pamimigay ng kumpensasyon o bayad danyos sa mga biktima ng pambobomba ng rehimen na dumurog sa Marawi City noong 2017. Gayunpaman, hindi malinaw sa batas kung magkano ang matatanggap ng bawat biktima. Wala rin itong pondo sa kasalukuyang badyet at sa 2023 pa paglalaanan ng pondo.

Kinilala ng Marawi Advocacy Accompaniment (MAA), grupo ng mga lider Meranaw at organisasyong Moro, ang pagpasa sa RA 11696. Pero anito, dapat kaalinsabay ng kumpensasyon ang pagtitiyak sa paghahatid ng batayang mga pangangailangan ng mga bakwit at pagsasakatuparan ng kanilang ligtas at marangal na panunumbalik sa syudad. Ayon sa grupo, usad-pagong ang rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Marawi.

Ipinagyayabang ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na sa darating na Hunyo o bago bumaba si Duterte sa pwesto ay 95% kumpleto na ang rehabilitasyon ng Marawi. Ang totoo, mayorya sa mga residente ang hindi pa pinahihintulutang makabalik sa syudad, sa kabila ng pagsumite nila ng mga rekisito na itinakda ng TFBM. Pinagbawalan na ring bumalik ang mga naninirahan sa Barangay Padian, kahit pa mayroon silang titulo dito, dahil sa isasagawang reklamasyon sa Lake Lanao. Katwiran ng Bangsamoro Transition Authority, “walang bisa ang mga titulo sa lupa, dahil pagmamay-ari na ito ng gubyerno”.

Ayon sa grupong iLEAD, taliwas sa datos ng gubyerno, 95% ng mga bakwit ang wala sa mga evacuation site kundi nakikitira lamang sa kanilang mga kamag-anak. Hindi rin iniuulat ng gubyerno kung saan ang ipinamamahaging mga pabahay at kung ano ang kalagayan ng mga pamilya matapos na mailipat dito. Libu-libo pa rin ang nananatili sa mga temporary shelters o pansamantalang silungan at iba pang mga komunidad kung saan masahol ang kanilang kundisyon sa pamumuhay. Sa tala ng UNHRC noong Mayo 2020, mayroong 120,000 residente ang hindi pa nakababalik ng Marawi.

Ayon naman kay Sultan Hamidullah Atar, Sultan ng Marawi, walang silbi ang mga itinayong imprastruktura at magagarang mosque sa syudad dahil wala naman ang mga taong gagamit nito. Aniya, magpapatuloy silang kikilos para ihayag ang kanilang mga batikos sa pamamaraan ng estado para ibangon ang syudad.

“Ang pagsasaayos ng Marawi ay higit pa sa pag-aayos ng mga kalsada na winasak ng kanilang pagsalakay,” dagdag naman ng MAA. “Dapat magsimula ito sa pagsasaayos ng mga buhay ng mamamayang napilitang lumikas dahil sa kaguluhan.”

Sa Mayo 23, anim na taon na mula nang salakayin at pulbusin ng rehimeng Duterte ang syudad ng Marawi.

AB: Marawi compensation, kulang at huling-huli
n/a